Tuesday, December 14, 2004

Meron Ba Akong Peter Pan Syndrome?

Kung hindi nyo pa kilala kung sino si Peter Pan, siya yung main character sa isang 1904 play ni J. M. Barrie na kung saan may isang batang lalaki na nakatira sa Neverneverland, at ang kanyang mortal na kaaway ay si Dr. Hook. Oo, siya yung isang Disney character na may green Robin Hood-style na hat with feather, green tights, green tunic, at green tights.

Don't get me wrong. Hindi Peter Pan Syndrome ang fetish para sa kinky green outfits. Ang term na Peter Pan Syndrome ay galing kay Dan Kiley, isang pop psychology author, sa kanyang librong "Peter Pan syndrome: Men Who Have Never Grown Up". Eto kasing si Peter Pan ay may natatanging characteristic. Hindi siya tumatanda, kasi ayaw nya ding tumanda.

Malapit nang mawala sa kalendaryo ang edad ko. Pero hanggang ngayon, mula sa nanay ko, hanggang dun sa kaibigan kong bungangera, pare-pareho ang naririnig ko:
"Ang tanda mo na puro cartoons ka pa din!"
"Playstation? E pambata lang yan a!"
"Gagastos ka para sa isang original na Optimus Prime?"
"Ang hilig mong manuod ng wrestling, e scripted naman yan!"

Dagdag pa dito yung nature ko na pagiging palabiro. Kahit seryoso na ang usapan, lagi akong nagsisingit ng patawa. Kahit corny, basta makapagpatawa. Ginawa ko na kasing motto sa buhay yung sinabi sa kin ng kaklase ko noong college na "Life is too serious to be taken seriously (copyright 1996, Catalino Pineda Jr.)". Hindi kasi comfortable para sa akin ang mga serious moments. Kahit nga noong lamay ng isa sa mga malalapit kong kaibigan, nakuha ko pang magbiro ng "kawawa naman to, hindi na niya mapapanood yung Two Towers tsaka Return of the King," sa harap ng kabaong niya.

Kaya nga sa tingin ko, kung ipapa-describe mo ako sa kahit kaninong hindi ko ka-close, maririnig mo ang mga salitang "walang ginawa kundi magpatawa", "isip-bata", tsaka "immature". At ang malupit dun, nasabihan na ako ng "Grow Up!" minsan. Hence the 64 million dollar question:

NOT Peter Pan Syndrome
Hindi ba ako tumatanda?

Kung kilala mo na ako, una talaga akong lumalapit sa best friend kong si Google. Ang sagot niya sa akin ay ang "Peter Pan Syndrome" mula kay William J. O'Malley, S.J. (http://www.spirituality.org/issue01/page08.html). Sinubukan niya ditong sagutin ang tanong na "What does it mean to 'grow up'?" Magaling yung article kasi kahit na sulat siya ng pari, realistic ang righteousness niya.

"In Erik Erikson's evolutionary scheme, human life is a natural series of unsettling crises, each one a new opportunity for growth."

"An individual must choose to be a human adult, and work at it. The difference between grownup and adult is a matter of self-possession: taking responsibility for who one is and what one does--no excuses, no fudging, no lies. Every grownup has a personality, but an adult has character... "character" involves a great many qualities ... commitment, accountability, involvement."

"Oz may be endlessly fascinating, but as Glinda told Dorothy, 'There's no place like home.' There has to be some sense of permanence, meaning, continuity. After all the adventures, Odysseus has to find Ithaca again. Fancy-free is fine, but so is belonging. And the price is commitment."

Hindi pala pre-requisite ang pagtigil manood ng anime. Hindi requirement ang pagtigil sa paglalaro ng console games. Hindi sukatan ang mga kinahihiligan mo para masabing "adult" ka na.

Walang alam ang ibang tao sa mga paghihirap na dinaanan at dinadaanan ko. Wala silang alam sa mga responsibilidad ko. Wala silang alam kung gaano ako ka-seryoso pagdating sa mga commitment. Ang alam lang nila ay yung nakikita nila. Yung pagpapatawa. Yung happy-go-lucky persona ko. Sila pala yung mabababaw. Dapat pala hindi na ako nagpa-apekto.

Fast forward. 65 years old na ako. Nanonood pa rin ako ng cartoons, kasama ang mga apo. Paborito ko pa rin ang Super Mario. May front-row tickets na ako para sa Wrestlemania 64. Kumpleto ko na ang aking Transformers toy collection. May huling habilin na ako in preparation sa kamatayan ko. Dapat ipatugtog ang "Tha Crossroads" ng Bone-Thugs-N-Harmony sa prusisyon ng libing ko. Lahat ng magbibigay ng testimonial sa burol ko, dapat may iko-quote na joke mula sa akin. At ang pinaka-importante ay ang sign sa ibabaw ng kabaong ko:

"BAWAL ANG NAKASIMANGOT DITO."

Sunday, August 08, 2004

Bakit Mahilig Ang Lalaki Tumingin Sa Boobs At Pwet

MRT. Bus. Jeep. Mall. Classroom. Office. Bar. Kahit saan ka yata pumunta, makakakita ka ng isa o grupo ng mga lalake na matitigilan at mamamangha sa presence ng isang babae (minsan ex-lalake) na may malaking boobs o magandang hugis ng pwet. May mambabastos, may mapapangiti, may mapapatitig, at ang karamihan ay gagamit ng kanilang "pornographic memory" para magamit pag-uwi sa bahay.

May isa akong nakilalang babae na malaki yung boobs, 36C. Naiinis siya kasi lahat ng kausap niyang lalaki hindi maka-maintain ng eye-to-eye contact. Isa na ako dun sa mga lalaking yon. Dati naman kasama ko yung girlfriend ko. Nag-away kami dahil hindi ko namalayan na nasundan ko pala ng tingin yung isang babaeng mala-Jennifer Lopez ang likod. At nang minsang nakasakay ako sa bus at walang maupuan, hindi ko mapigil lingunin nang lingunin ang cleavage nung isang nakaupo.

Dito ako napatigil at napaisip. Manyak ba ako?

Ano nga ba ang dahilan kung bakit mahilig tumingin ang lalaki sa boobs at pwet ng babae? Tsaka bakit halos lahat ng lalaki, hindi lang ako? Bakit madaming nagpapalaki ng boobs para mapansin lang? Bakit prerequisite ang hugis ng katawan para masabi mong maganda talaga ang isang babae?

Sa paghahanap ng mga kasagutan sa mga tanong na ito, sinubukan kong mag-search sa Google. Maniwala kayo sa akin, mahirap maghanap ng kasagutan sa tanong na "Why men love looking at big breasts" sa internet. Hindi kasagutan ang ibibigay sa yo kundi mga links sa porn sites. Buti na lang may kakilala ako na nagsabi sa kin na tumingin sa "evolutionary psychology". Evolution as in Darwin, Psychology as in Freud.

Ayon sa mga sites at forums na nagdi-discuss ng evolutionary psychology, iisa lang ang direction ng evolution. Ito ay ang pag-maximize ng chances sa survival. Ang lalaki ay pipili ng babae na makakapag-ensure ng survival ng kanyang offspring, at ang babae naman ay pipili ng lalake na makakapagbigay ng magandang genes.

Hindi na ako nagtataka kung bakit ang mga babae ngayon ay tumitingin agad sa CAR-acter at sa PESO-nality ng lalaki. Ito ay rooted sa mga ninuno natin na ang pinakamagaling na lalaki sa isang tribe ay ang pinakamaraming maiuuwing game mula sa hunting nila. Natural na sa babae ang maghanap ng isang "provider".

Gayun din na ang fixation ng lalaki sa malalaking boobs ay rooted daw sa idea na ang mga ito ay makakapagbigay ng "nourishment and sustenance". Kapag malaki ang boobs, mas malaki ang chances ng survival ng offspring. Ang pagtingin naman sa pwet ay natatagpuan din sa ating mga kapatid na primates, specifically ang mga chimpanzees, na kung saan pag "available for sex" ang isang babaeng chimp, inilalapit nya ang kanyang pwet sa head monkey para lamas-lamasin, kurut-kurutin, at amuy-amuyin. Pag nagustuhan ito ng alpha male monkey, doon sila magse-sex. Nakakatawa kung iisipin, pero ang pagtingin ko pala sa boobs at pwet ay bahagi lang ng aking nature as a male. Ika nga ng tatay ni Jim sa American Pie, "it's a perfectly natural thing". Kung totoo ito, bakit masama ang tumingin? Tingin lang naman e. Walang hawak, walang hipo. Tingin lang.

Siguro nga, kultura lang ang nagpabago ng perspective natin sa natural urge na ito. Dahil sa relihiyon, ang pagtingin sa katawan ng babae ay nilagyan ng label na "pagnanasa". Dahil sa media, ang mga artistang babae na maganda ang boobs at pwet ay tinatakan na "sex symbol" o "pantasya ng bayan". At dahil sa marketing, ang liposuction, breast enhancement, at kung anu-ano pang retoke sa katawan ay ginagawa "to enhance the self confidence of a woman". Ang mga revealing na bra, ang mga push-up bra, ang mga binebenta sa TV na breast creams, yung cycling shorts na nage-enhance ng butt cheeks, ay tinatatakan na "personality enhancement apparel/tools".

At shempre, ang mga lalaking katulad ko na tumitingin lang ay tinatatakan na "manyak".

Monday, March 29, 2004

Happy Birthday To Me

Nakahiga na ako noon nung tumunog yung celphone ko. Saktong 12:00 am dumating ang unang greeting galing sa officemate ko. Birthday ko na. Habang nakatulala sa kisame ng kwarto, napaisip ako, 27 years na akong naglalakad sa mundong ito. Wala pa din akong idea kung bakit ako naglalakad, tsaka kung bakit kailangan ko pang ituloy tong lakad na to. Pakiramdam ko paikot-ikot lang ang landas ko. Madami-dami na din akong nagawa na hindi pa nagagawa ng iba. Marami na din akong napangiti, napatawa, nagalit, napaiyak. Marami na din akong natikmang tamis at pait sa buhay . Pero pakiramdam ko hindi ako gumalaw.

Pakiramdam ko para akong tuod na unti-unting binubulok ng panahon.

Nakatulog na ako sa kakaisip at kakasenti tungkol sa buhay ko. Gumising ako sa mabangong amoy ng pinipritong longanisa ng nanay ko. Hindi na ako sanay gumising sa ganitong amoy, dahil hindi na naman ako sa bahay namin talaga umuuwi. May apartment kami ng mga kaibigan ko na malapit sa lugar kung saan ako nagtatrabaho. Umuwi lang ako sa amin para makasama ang pamilya sa birthday ko.

"Happy birthday to you, happy birthday to you, happy birthday, happy birthday, happy birthday to youuuuuu", kanta ng nanay ko. Langya, tatlong taon na lang trenta na ako, pero parang 10 years old pa lang ako sa mata ni Ma. Buti na lang tulog pa yung mga kapatid ko, at kung hindi, asar talo na naman ako sa kanila. Maririnig ko na naman yung mga "baby boy" hirit nila. Alam kasi nila na naiinis ako pag ginagawa akong bata ng nanay ko, kaya manggagatong pa sila para maasar ako lalo.

Kakaiba kaming magkakapatid. Hindi kami malambing sa isa't-isa kasi nababaduyan kami sa ganun. Hindi na naman kasi kailangang sabihin na nagmamahalan kami. Lumaki na kami na laging nag-aasaran tsaka nagpipikunan, pero tawa lang kami ng tawa. Masayang kasama ang mga kapatid ko kahit minsan may mga pinag-aawayan talaga kami. Pero sandali lang pagkatapos naming mag-away, nagtatawanan na naman kami ulit.

Pumasok na ako sa opisina. Walang naka-alala na birthday ko ngayon. Buti na lang. Mahirap na e. Alam naman nating lahat na walang ibang silbi ang may birthday sa opisina kundi ang manlibre. Pumunta agad ako sa pantry para magkape at magbasa ng dyaryo. Inuna kong basahin yung "You Born Today" portion ng horoscope. Sabi dun, "You are intelligent and idealistic. You have a shrewd, biting humor. You like to debunk those who are self-righteous. You are trustworthy and loyal but never intimidated. You appreciate life's ironies and can laugh at yourself." Naks. Sakto. Hindi ko alam kung saan sa stars nakikita ng mga sumusulat ng horoscope kung ano ang ugali ko. Siguro ang totoong ginagawa nila eh ninanakaw nila yung mga Personality Tests sa mga Human Resource Division tapos fina-file nila according to birth date. Pero malamang hindi rin e, kasi may prediction pa sila sa huli: "The year ahead focuses on your closest relationships and partnerships." Aba.

Paulit-ulit ko iniisip yung prediction sa akin habang naglalakad pabalik sa workstation ko. Closest relationships ... lakad ... closest partnerships ... bukas ng pinto ... closest relationships ...

"Happy Birthday!!!"

Siya yung officemate ko na unang-unang nag-greet sa kin sa text. Siya din yung officemate na crush na crush ko (oo, may karapatan pa ding magka-crush ang mga hindi na teenager). Para akong nabuhusan ng isang timbang tubig na puro yelo. Eto yata yung birthday gift ni Papa Jesus sa kin. Pinilit kong itago ang kakaibang saya na nararamdaman ko habang dinudumog na ako ng pagbati ng mga ibang officemates ko na nasa area. Hala. Alam na nilang birthday ko. Saan ako kukuha ng panlibre sa mga to?

Buti na lang at nagkayayaan kami ng mga college friends ko para mag-lunch. May dalang camera yung isa sa min kaya nag-photo session kami. Parang hindi kami tumanda ng sampung taon. Sa gitna ng isang lugar na puro naka-business attire ang mga tao, ginagaya namin yung TV commercial na kung saan sinasabi ng photographer ang "Say cheese!" pero ang sinasabi ng mga bata na kinukuhanan nya ng picture eh "Garlic!" tsaka "Pimiento!". Sumakit ang panga ko sa kakatawa. May mga project manager at senior developers na sa min pero para pa rin kaming mga trese anyos kapag nagkakatuwaan.

Pagbalik ko sa office, niyaya kong magkape yung officemate ko na nabanggit ko kanina. Pumayag siya. Sabi na nga ba mabait talaga si Papa Jesus sa kin ngayon e. Magbabayad na dapat ako para sa mga kape namin nung bigla siyang nag-abot ng pera. Siya daw ang may sagot ngayon. Naks. For the first time in the history of the Philippines, hindi na ako nahiya sa kanya. Sobrang conscious kasi ako dati sa mga nasasabi ko, baka ma-turn off siya sa akin at biglang umiwas.

Matagal kaming nagkuwentuhan tungkol sa buhay-buhay naming dalawa: lovelife, pamilya, mga kaibigan, gimik, trabaho. Wala namang kakaibang napag-usapan. Normal na conversation lang naman, nothing special. Kakaiba lang talaga yung high na ibinibigay ng presence ng kinalulugdan mo.

Pagbalik namin sa office, nag-text sa kin yung mga kabarkada ko sa Los Baños. Nasa apartment na daw namin sila. Umuwi na daw ako para mag-inuman kami. Langya. Lunes na lunes e. May nag-text pa ulit sa kin, papunta na din daw sila sa apartment namin. Hala. Panic mode. Tumawag ako kaagad sa bahay namin at nagbilin sa nanay ko na magluto ng tilapia tsaka tahong. Tawag din ako sa mga kasama kong mag-lunch para magyaya sa inuman mamayang gabi.

Nagdatingan sa aking munting birthday party ang masasabi kong mga lifetime friends ko. Pumunta kahit yung mga hindi ko madalas makasama sa inuman. Nag-enjoy silang lahat sa tilapia, bangus, tahong, at beer. Walang tigil ang videoke at tawanan. Parang ayoko na silang pauwiin.

Isa na to sa mga pinakamasayang birthday ng buhay ko. Nakatulog akong nag-iisip kung bakit pa ako nabubuhay dito sa mundo. Nagising ako at ipinakita sa akin kung bakit kailangan ko pang mabuhay.

Happy Birthday To Me.

Sunday, February 08, 2004

I Heart L.B.

"But it’s always you I run home to, take me back, take me home away from here back to where
I am free" -"Los Baños" by Sugarfree
 



Dalawang oras mula sa usok-infested streets of Metro Manila matatagpuan ang aking personal heaven dito sa mundo. Matanaw ko pa lang ang Mt. Makiling mula sa South Superhighway, kinikilig na ako. Wala naman akong girlfriend sa LB. Lalo nang wala ding boyfriend. Kahit ka-fling na pwedeng balikan, wala naman akong pupuntahan. Pero yung feeling pwede mong itulad sa pagpunta mo sa bahay ng mahal mo matapos ang isang buwang walang pag-uusap o pagkikita.

Nasa LB ang org ko, pero hindi naman kami close ng mga orgmates, actually parang iwas pa nga sila sa kin e. Nandito sa Metro Manila ang mga kaibigan ko. Nasa Pasig ang pamilya ko. Wala naman akong ancestral roots sa Los Baños. Mayroon lang talagang hindi maintindihang connection sa pagitan ko at ng napakagandang lugar na to.

Bakit kaya ako napaibig sa Los Baños?

Suspect #1: Yung environment.

Kasi sa umaga, ang sarap langhapin ng hangin. Ang sarap panligo nung mainit na tubig na lumalabas sa gripo. Lalo na pag may matinding hangover, ang sarap pantanggal ng sakit ng ulo. Lalabas ka ng bahay, maririnig mo yung iba't-ibang huni ng mga ibon. Dadampi sa mukha mo yung lamig ng simoy ng hangin, at didikit sa sapatos mo yung damo na nabasa sa hamog.

Hindi ko kayang lakarin ang Ayala Avenue from EDSA to Buendia, pero pag sa LB, kahit doblehin pa yung same distance, wala akong reklamo. Kahit ilang milyong bumbilya pa ang ilagay mo sa mga building ng Makati, walang tatalo sa napakagandang backdrop ng LB, ang Mt. Makiling. Minsan magtataka ka, sa isang araw na wala kang makikitang ulap, makikita mong nakatambay ang mga clouds sa tuktok ng bundok na ito.

Suspect #2: Yung pagkain.

Wala namang pinagkaiba yung pagkain sa LB kumpara sa Manila e. Sa totoo lang, hindi din ako madalas kumain ng buko pie. Madaming kainan sa LB, pero ginawa kong suspect yung pagkain kasi napamahal talaga ako sa nanay ko dahil siya yung araw-araw na nagluluto ng laman-tiyan ko. Kung gagawa ako ng list ng "The Best LB Food", nasa menu ko ang mantika-licious Ellen's Fried Chicken, yung Pinoy-style siomai sa Papu's, yung Doner Durum (LB version ng shawarma), yung dinuguan na binebenta sa Lapitan's Meat Shop, yung chocolate cake ng Mer-Nel's, yung tokwa sa IC's bar, at syempre ang aking all-time favorite na Bug-Ong Roasted Chicken. May natikman pa akong bagong panalong chibog, yung sa Ihaw Express na malapit sa White House.

Kahit sinong taga-LB ang tanungin ninyo, sasabihin nya na mas masarap ang Lucky Me Pancit Canton na niluto sa LB kesa sa niluto sa kung saang lugar.

Suspect #3: Yung inuman.

Kung magtatayo ka ng business sa LB na ayaw mong malugi, magtayo ka ng liquor shop o kaya ng affordable na bar. Dahil may kasabihan nga na "hindi ka taga-LB kung hindi ka marunong uminom". Madaming resto-bar sa LB, pero nothing beats the house parties. Bago pa sumikat yung gin-pomelo sa Manila, yun na yung iniinom namin. Madami pa kaming nagawang kakaibang cocktail. Yung Kamehame Wave (vodka + ice tea), yung POGi (pineapple + orange + gin), yung FuKiKo (fundador, hershey's kisses, tsaka kape), yung Boracay (Tanduay + 3-in-1 coffee mix + evap), at ang walang kamatayang Piña ColaTa (pineapple + coke + tanduay). Sa LB, mas maganda ang tagayan kaysa kanya-kanyang kuha ng inom. At shempre kulang ang inom pag walang home-made pulutan tulad ng Kilawing Cornick at ang sikat na sikat na Tuna-Skyflakes.

Suspect #4 Yung mga tao.

Ewan ko lang ngayon pero nung nandoon pa ako sa LB, walang social climber. Walang pa-sosyal dun. Yung mga galing sa mga mayayayamang pamilya (coñio in layman's terms), kailangang mag-fit in sa masa. Hindi importante ang porma. Kahit naka-pambahay na damit at tsinelas ka pag papasok, tanggap ka na ng lipunan. Kaya yung mga kilala ko na taga-UP Diliman dati, hindi ma-gets yung mga kwento ko kung gaano kami ka-barok sa UPLB. "How baboy naman the pig", ika nga nila.

Walang mapagkunwari sa LB. Siguro dahil nga small town lang to, lahat magkakakilala. Kung may pino-protektahan kang image, eventually, lahat ng baho mo lalabas din. Kaya mas magandang ilabas mo na yung totoong ikaw kasi mas mapapasama kung mabubuko ka lang.

Suspect #5 Yung memories.

Ahhh. The memories. Siguro sa lahat ng suspect ko, eto ang parang "Mastermind". Pag nakasakay ako ng jeep sa LB, o kaya kahit naglalakad lang, hindi ko naiiwasang tumingin sa isang bahay, sa isang bar, o sa isang kainan, at sabihin sa sarili ang mga bagay na tulad ng "uy, diyan yung first kiss ko sa 3rd girlfriend ko", o kaya "diyan sa bangketang yan natulog yung brod ko nung nalasing", o kaya "diyan kami pinakitaan ng multo". Halos lahat ng lugar sa LB, may naiwan akong memory doon. May mga napalitang mga establishments, pero may itatayong bago na maaring pag-iwanan ulit ng alaala. Kung tutuusin, ang LB ay isang buhay na diary para sa kin. Bawat lugar, isang pahina. Bawat araw, isang linya.

Madaming hindi nakakaintindi sa akin kung bakit pabalik-balik ako sa Los Baños, lalo na yung mga batchmates ko noong college. Lagi ko nang naririnig yung mga phrases na "Grow up", "Move on with your life", "Leave the past behind", "Wala ka na sa stage ng buhay mo na college ka pa din". Masakit marinig, pero may point nga sila.

Kaya minsan, tinanong ko yung housemate ko na umuuwi sa LB every weekend. Sabi ko "bakit kaya ako bumabalik sa LB eh isinusuka na ako ng mga tao doon, wala naman akong binabalikan, wala naman akong napapala?"

At hinding-hindi ko makakalimutan ang sinabi nya.

"Tinatanong pa ba yan? HOME. Home is where the heart is."