Friday, March 14, 2014

Parinig

May Facebook or Twitter friend ka ba na kung mag-post e parang nagpaparinig sa yo?

"Yung ibang tao dyan puro selfie, para namang ubod ng kagandahan."

"Hindi ka siguro taga-Pasig no? Kasi bawal ang plastic dito e."


or may mga defensive o "I am the victim here" na parinig din tulad ng:

"Yung mga mahilig magsalita sa likod mo, sila yung nangungunang inggit sa yo"

"Kahit na anong gawin mong mabuti, may mga taong hihila at hihila sa yo pababa"


Imposibleng walang ganyang posts sa wall mo. Nag-evolve na nga yan e, umabot na rin sa Instagram. Mga hateful words na alam mong para sa isa o sa isang grupo ng mga tao lang, pero pinaparamdam ng nagsulat na para sa lahat yon.

Inaamin ko, nagparinig na rin ako sa social media, maraming beses na. Hanggang ngayon, may tendencies pa rin ako na magparinig na sobrang hirap pigilin. Pero habang tumatanda ako, unti-unti kong nari-realize ang mga sumusunod:

1) Walang pagbabagong nagagawa ang pagpaparinig.

Nakakainggit yung lakas ng loob ng mga "Open Letter to " kasi, kahit papaano, may name di ba? O kaya yung mga may @username mention sa Twitter. O kaya yung may tag sa Facebook. Tukoy nila kung sino ang may problema, at kung ano ang pagbabago na nais nilang makita.

Sa pagpaparinig, imagine mo na lang na may nag-iisang mekaniko sa garahe ng mga taxi, tapos sasabihin ng may-ari na "YUNG ISA SA MGA KOTSENG YAN, MAY SIRA YUNG CARBURETOR!"

Sa tingin mo ba may maaayos na kotse sa ganoong paraan?

2) "If you spot it, you got it!"

Malaki ang galit ko sa mga taong tumatawid ng kalsada tapos nago-ober-da-bakod kung may fence sa center island. Lagi kong iniisip na may dahilan kung bakit nilagyan ng bakod yan, tanga!

 
Pero ang nakakatawa, kapag usapang yabangan na, lagi kong binibida yung mga kalokohan ko noong kabataan ko. Inaakyat namin yung bakod ng school para makapag-lakwatsa sa Megamall. Inaakyat ko ang bakod ng bahay namin para makalabas at pumunta sa "Payanig Sa Pasig" on a school day (napapaghalataan ang edad hahaha). Inaakyat namin yung bakod na may barbed wire para makapag-swimming sa campus nang madaling araw pagkatapos ng inuman.

Galit ako sa mga umaakyat ng bakod, kasi gawain ko yon. Parang yung sinasabi lagi ng teacher namin dati: "if you point a finger at others, three fingers will point back at you"

Kung ire-rewrite natin yung mga parinig sa taas using the "If you spot it, you got it!" framework, ito ang mga totoong ibig nilang sabihin:

"Pangit ako, pero ubod ng ganda rin ang tingin ko sa sarili ko."

"Plastic ako."


kahit sa mga defensive na hirit:

"Mahilig akong magsalita sa likod ng ibang tao, kasi ako ang nangungunang inggit sa kanila."

"Kahit na anong gawin mong mabuti, hihilahin at hihilahin kita pababa."


3) Hate is a virus.

As long as may mga marunong magalit pero walang lakas ng loob makipag-usap sa kinagagalitan nila, hindi mo kayang pigilan ang pagpaparinig ng mga tao sa social media -- dahil hindi tumitigil ang galit sa isang tao lang. Dapat may karamay sya na may sama  din ng loob sa kinagagalitan nya.

For example: May nagpost ng parinig. Tapos, kinabukasan sa opisina, magtatanong sa kanya  si Officemate A ng "uy para kanino yung pinost mo kagabi?" Tapos, habang nagkukwentuhan sila, lalapit si Officemate B at magtatanong ng "uy sino yang pinaguusapan nyo?" Tapos, may isang makakarinig na wala naman talagang pakialam noong simula pero since galit na rin si officemate A and B, magagalit na rin sya.

Walang pinagkaiba ang paraan kung paano kumalat ang sipon at galit. Yun nga lang, ang sipon, may gamot na nabibili sa drugstore. Ang gamot sa galit dapat galing sa isip, sa salita, at sa gawa.

Hindi lang sa dasal. Tulad nito.

At kapag pumapasok ang usapang "things we think, say, or do," naalala ko lang yung rebulto ng Rotary Club na laging nadadaanan ng jeep tuwing pumapasok ako noon. Dahil sa traffic, paulit-ulit ko syang nakikita araw-araw.

"Rotary Club Four-Way Test":

  1. Is it the truth?
  2. Is it fair to all concerned?
  3. Will it build goodwill and better friendships?
  4. Will it be beneficial to all concerned?

Sinasabi ko sa yo, ang hirap sundin nito. Hanggang ngayon, nahihirapan pa ako na bago ko gawing outlet ng galit ang social media at magkalat ng hate virus, idaan ang post sa 4-way test.

Because prevention is always better than deleting the post.

0 comments:

Post a Comment