Niyari ako nang husto sa comments ng blog entry na yon, na nasa linya ng "ignorante", "bobo", "bigot", at kung anu-ano pa. Binasa ko sya ulit ngayon at tingin ko, may point pa rin naman yung sinulat ko. Yun nga lang, hindi sya issue ng kabaklaan.
Issue sya ng morality. Pamboboso yon, nagkataon lang na "homecourt" ang men's CR kaya mas accessible. Nagalit ako sa paggamit ng mga manyak na bakla bilang advantage ang makapasok sa banyo ng mga lalaki. Walang pinagkaiba sa manyak na straight na lalaki na nagdamit babae para makapasok sa Women's CR para mamboso.
Oo, inaamin ko, homophobic ang blog entry ko na yon. Magalit ka na sa akin kung magagalit ka, pero pananaw ko yun noong panahon na yon at hinding-hindi ko na maaring baguhin ang nakaraan.
What else should I say? Everyone is gay. |
Isa ako sa maraming Pilipinong pinalaki ng mga magulang na umiwas sa mga bakla. Sa inyong mga bading na galit sa mga tulad naming pinalaki na homophobic, sana maintindihan nyo rin na hindi ganoon kadaling magbago ng pananaw sa buhay. Kung ipinanganak ang isang tao sa Katolikong pamilya, bininyagan bilang Katoliko, lumaki bilang Katoliko, hindi mo mae-expect na magbago sya agad-agad ng pananaw at tanggapin lahat ng itinuturo ng mga born again o kaya ng Iglesia Ni Cristo.
Pero, paano ba tanggapin ang mga bakla sa lipunan? Kasing simple lang ba sya ng hindi mandiri kapag nakakakita ng picture, video, or actual na halikan ng dalawang lalaki? Honestly, hindi ko pa rin kakayaning makakita ng ganun. Natanong ko to dahil makalipas ang ilang taon mula noong sinulat ko yung blog entry na yon, napansin ko naman na nagbago na rin ang tingin ko sa mga bakla, at hindi ko alam kung yun ba ang tamang "pagtanggap" sa kanila:
Noon, ipinagdadasal ko na sana hindi maging bading ang mga anak kong lalaki. Ngayon, kapag tinanong na ako ng "anong gagawin mo pag nagkaroon ka ng anak na bakla?" ang sagot ko e "ok lang yun, sigurado akong may mag-aalaga sa akin hanggang pagtanda ko parang pagmamahal ni Boy Abunda sa nanay nya."
Minsan, may mga malalaking kontribusyon sila sa kultura na hindi ko nagugustuhan, tulad ng mga walang prenong patawa ng mga bading na stand up comedian tulad ni Vice Ganda. Pero noong panahon ko naman, marami ring nandidiri sa humor ni Joey De Leon, at kahit hindi gusto ng iba, tuwang-tuwa pa rin ako sa kanya. Kaya hindi na rin sya usapang "kadiri yung humor, kasi bakla" kundi "kadiri yung humor, period".
Noon, umiiwas ako sa bakla na parang may nakakahawa silang sakit. Ngayon, hindi pwedeng hindi ko yayain ang mga beki friends ko sa inuman. Nalulungkot pa nga ako pag hindi sila nakakapunta, kasi parang patay yung party kapag wala sila.
Noon, akala ko, walang kwentang makipag-usap sa mga bakla dahil wala silang ibang alam na pag-usapan kundi ang makakita ng malalaking etits. Ngayon, hindi ko na naiisip to dahil isa sa mga pinakamagaling kong narinig magbigay ng advice ay bakla. Kapag humingi ka sa kanya ng payo (hindi pera ha), sasabihin niya sa yo ang tama at totoo, hindi lang yung mga salitang gusto mong marinig, para matauhan ka.
Noon, kinakabahan na ako kapag may bakla sa CR ng mga lalaki. Ngayon, sa mga salita nila, keri na lang. Nawala na yata ang takot ko dahil ngayon, mas matindi na ang respeto ko sa mga kakilala kong bakla.
Pero may kinakatakutan pa rin naman ako sa CR na tingin ko hinding-hindi ko maiintindihan kahit na kailan.
Mga hindi marunong mag-flush.
0 comments:
Post a Comment