Monday, March 29, 2004

Happy Birthday To Me

Nakahiga na ako noon nung tumunog yung celphone ko. Saktong 12:00 am dumating ang unang greeting galing sa officemate ko. Birthday ko na. Habang nakatulala sa kisame ng kwarto, napaisip ako, 27 years na akong naglalakad sa mundong ito. Wala pa din akong idea kung bakit ako naglalakad, tsaka kung bakit kailangan ko pang ituloy tong lakad na to. Pakiramdam ko paikot-ikot lang ang landas ko. Madami-dami na din akong nagawa na hindi pa nagagawa ng iba. Marami na din akong napangiti, napatawa, nagalit, napaiyak. Marami na din akong natikmang tamis at pait sa buhay . Pero pakiramdam ko hindi ako gumalaw.

Pakiramdam ko para akong tuod na unti-unting binubulok ng panahon.

Nakatulog na ako sa kakaisip at kakasenti tungkol sa buhay ko. Gumising ako sa mabangong amoy ng pinipritong longanisa ng nanay ko. Hindi na ako sanay gumising sa ganitong amoy, dahil hindi na naman ako sa bahay namin talaga umuuwi. May apartment kami ng mga kaibigan ko na malapit sa lugar kung saan ako nagtatrabaho. Umuwi lang ako sa amin para makasama ang pamilya sa birthday ko.

"Happy birthday to you, happy birthday to you, happy birthday, happy birthday, happy birthday to youuuuuu", kanta ng nanay ko. Langya, tatlong taon na lang trenta na ako, pero parang 10 years old pa lang ako sa mata ni Ma. Buti na lang tulog pa yung mga kapatid ko, at kung hindi, asar talo na naman ako sa kanila. Maririnig ko na naman yung mga "baby boy" hirit nila. Alam kasi nila na naiinis ako pag ginagawa akong bata ng nanay ko, kaya manggagatong pa sila para maasar ako lalo.

Kakaiba kaming magkakapatid. Hindi kami malambing sa isa't-isa kasi nababaduyan kami sa ganun. Hindi na naman kasi kailangang sabihin na nagmamahalan kami. Lumaki na kami na laging nag-aasaran tsaka nagpipikunan, pero tawa lang kami ng tawa. Masayang kasama ang mga kapatid ko kahit minsan may mga pinag-aawayan talaga kami. Pero sandali lang pagkatapos naming mag-away, nagtatawanan na naman kami ulit.

Pumasok na ako sa opisina. Walang naka-alala na birthday ko ngayon. Buti na lang. Mahirap na e. Alam naman nating lahat na walang ibang silbi ang may birthday sa opisina kundi ang manlibre. Pumunta agad ako sa pantry para magkape at magbasa ng dyaryo. Inuna kong basahin yung "You Born Today" portion ng horoscope. Sabi dun, "You are intelligent and idealistic. You have a shrewd, biting humor. You like to debunk those who are self-righteous. You are trustworthy and loyal but never intimidated. You appreciate life's ironies and can laugh at yourself." Naks. Sakto. Hindi ko alam kung saan sa stars nakikita ng mga sumusulat ng horoscope kung ano ang ugali ko. Siguro ang totoong ginagawa nila eh ninanakaw nila yung mga Personality Tests sa mga Human Resource Division tapos fina-file nila according to birth date. Pero malamang hindi rin e, kasi may prediction pa sila sa huli: "The year ahead focuses on your closest relationships and partnerships." Aba.

Paulit-ulit ko iniisip yung prediction sa akin habang naglalakad pabalik sa workstation ko. Closest relationships ... lakad ... closest partnerships ... bukas ng pinto ... closest relationships ...

"Happy Birthday!!!"

Siya yung officemate ko na unang-unang nag-greet sa kin sa text. Siya din yung officemate na crush na crush ko (oo, may karapatan pa ding magka-crush ang mga hindi na teenager). Para akong nabuhusan ng isang timbang tubig na puro yelo. Eto yata yung birthday gift ni Papa Jesus sa kin. Pinilit kong itago ang kakaibang saya na nararamdaman ko habang dinudumog na ako ng pagbati ng mga ibang officemates ko na nasa area. Hala. Alam na nilang birthday ko. Saan ako kukuha ng panlibre sa mga to?

Buti na lang at nagkayayaan kami ng mga college friends ko para mag-lunch. May dalang camera yung isa sa min kaya nag-photo session kami. Parang hindi kami tumanda ng sampung taon. Sa gitna ng isang lugar na puro naka-business attire ang mga tao, ginagaya namin yung TV commercial na kung saan sinasabi ng photographer ang "Say cheese!" pero ang sinasabi ng mga bata na kinukuhanan nya ng picture eh "Garlic!" tsaka "Pimiento!". Sumakit ang panga ko sa kakatawa. May mga project manager at senior developers na sa min pero para pa rin kaming mga trese anyos kapag nagkakatuwaan.

Pagbalik ko sa office, niyaya kong magkape yung officemate ko na nabanggit ko kanina. Pumayag siya. Sabi na nga ba mabait talaga si Papa Jesus sa kin ngayon e. Magbabayad na dapat ako para sa mga kape namin nung bigla siyang nag-abot ng pera. Siya daw ang may sagot ngayon. Naks. For the first time in the history of the Philippines, hindi na ako nahiya sa kanya. Sobrang conscious kasi ako dati sa mga nasasabi ko, baka ma-turn off siya sa akin at biglang umiwas.

Matagal kaming nagkuwentuhan tungkol sa buhay-buhay naming dalawa: lovelife, pamilya, mga kaibigan, gimik, trabaho. Wala namang kakaibang napag-usapan. Normal na conversation lang naman, nothing special. Kakaiba lang talaga yung high na ibinibigay ng presence ng kinalulugdan mo.

Pagbalik namin sa office, nag-text sa kin yung mga kabarkada ko sa Los BaƱos. Nasa apartment na daw namin sila. Umuwi na daw ako para mag-inuman kami. Langya. Lunes na lunes e. May nag-text pa ulit sa kin, papunta na din daw sila sa apartment namin. Hala. Panic mode. Tumawag ako kaagad sa bahay namin at nagbilin sa nanay ko na magluto ng tilapia tsaka tahong. Tawag din ako sa mga kasama kong mag-lunch para magyaya sa inuman mamayang gabi.

Nagdatingan sa aking munting birthday party ang masasabi kong mga lifetime friends ko. Pumunta kahit yung mga hindi ko madalas makasama sa inuman. Nag-enjoy silang lahat sa tilapia, bangus, tahong, at beer. Walang tigil ang videoke at tawanan. Parang ayoko na silang pauwiin.

Isa na to sa mga pinakamasayang birthday ng buhay ko. Nakatulog akong nag-iisip kung bakit pa ako nabubuhay dito sa mundo. Nagising ako at ipinakita sa akin kung bakit kailangan ko pang mabuhay.

Happy Birthday To Me.