Sunday, April 10, 2005

Sa Anak Ko... Kung Sakaling Mawala Ako Bigla At Hindi Ko Masabi Sa Iyo To

Anak, sa maniwala ka o sa hindi, ikaw ang pinakamagandang nangyari sa buhay ko.

Kahit hindi kami naging mag-asawa ng nanay mo, sana huwag kang magtatampo kung ikasal kami sa iba at magkaroon ka ng mga bagong kapatid. Magmahalan kayo bilang magkakapatid, at huwag ninyong gawing telenobela ang buhay ninyo dahil sa walang kakwenta-kwentang bagay.

Mahalin mo ang nanay mo. Wala siyang ibang inisip kundi kapakanan mo. Kung paluin ka man niya o sigawan, ito ay dahil may nagawa kang hindi sang-ayon sa mga prinsipyo niya. Itanong mo kung bakit ka niya pinapagalitan. Kung mali naman talaga, huwag mo nang ulitin.

Piliin mong mabuti ang mga kaibigan mo. Huwag sumali sa barkada na may iisang stereotype. Huwag sumali sa barkada na puro jologs, puro conio, puro bakla, puro nerd, puro manginginom, o puro manyak. Siguraduhin mong nakikita mo ang lahat ng klase ng tao sa barkada mo. Mas marami kang matututunan sa kanila kesa sa TV o sa bahay mo. Marami silang maituturo sa yo na hindi namin kaya, o hindi appropriate na kami ang magturo.

Maging fluent ka sa written and spoken English. Pag-aralan mong mabuti ang subject-verb agreement. Huwag kang matakot mag-consult sa dictionary o thesaurus kapag may hindi ka naiintindihan. Kasi anak, darating ang araw, makakaapak ka sa ibang bansa, at sigurado akong marami kang makakausap na hindi makakaintindi ng Tagalog. Kahit saang sulok sa mundo, makakahanap ka ng nagsasalita ng English.

Gawin mo ang lahat para matuto kang mag-gitara. Pag-aralan mo ding kumanta ng nasa tono. Kahit saan mo kasi dalhin ang gitara, maaaliw ka e. Isipin mo yung mga bulag. Hindi sila nakakapag-Playstation. Hindi sila nakakapag-Internet. Hindi sila nanonood ng TV, at hindi sila nakakapag-enjoy sa mall. Pero bigyan mo sila ng gitara at pakantahin mo, matutuwa sila. May kuryente man o wala, mapapasaya ka ng gitara.

Makinig ka sa mga kanta ng Beatles. Kapag naging aware ka na sa pag-develop ng musical style ng Beatles, kahit anong genre kaya mong i-appreciate. Sa kanila ka matututong magsulat ng poetry, at sa kanila mo rin matututunan kung paano lagyan ng music ang poetry na ito. Saan ka nakakita ng banda na lampas 30 years nang naghiwalay, patay na ang ilan sa mga miyembro, pero sikat at ginagaya pa rin? Beatles lang ang makakagawa nun, anak.

Pagdating mo ng college, huwag mong kakalimutang subukan lahat ng kalokohan sa mundo. Bakit college? Kasi kung high school ka magiging sira ulo, mawawalan ka ng options sa college. Baka sa walang kwentang money-centric computer institute ka bumagsak. Mag-aral ka ng mabuti sa elementary at high school. Dapat makapasok ka sa UP, Ateneo, La Salle, o UST. Dapat maganda yung course mo. Sa college, balansehin mo yung academics mo tsaka kalokohan. Gumimik ka pero pasukan mo lahat ng klase mo kinbukasan. Huwag magpakalasing kung wala kang siguradong uuwian at kung walang aalalay sa yo pag sumusuka ka na. Wag maadik sa droga. Sumubok kang mag-marijuana pero subok lang. Kung dadating yung panahong hindi mo na mapigilang makipag-sex, siguraduhin mo lang na gaganda ang lahi natin kung sakaling mabuntis mo yung makaka-sex mo. Practice safe sex. Wag mong kakalimutang mag-survey ng lugar kung may camera o wala. Kawawa naman ang nanay mo kung malalaman niyang may scandal ka.

Huwag mong gawing trial and error ang pagkakaroon ng girlfriend. Alamin mo muna kung ano ang kaya mong ibigay sa isang relationship, at kapag nalaman mo na, doon ka maghanap ng isang babaeng magiging masaya sa mga maibibigay mo. Pakinggan mong mabuti ang mga kuwento ng girlfriend mo. Alamin mo kung ano ang mga gusto niya at mga ayaw niya. Huwag mong sisigawan. Dahil ang babae, kapag pinakinggan mo siya at alam niyang nirerespeto mo siya, mamahalin ka nun habambuhay.

Pagka-graduate mo, iwanan mo na ang mga araw na umaasa ka pa sa ibang tao para mabuhay. Matuto kang mag-ipon. Alamin mo kung tama yung kinakaltas sa sweldo mo. Pinaghirapan mo yang pera na yan. Huwag mong hayaang kunin na lang ng kung sinu-sino. Bago ka gumastos, lagi mong itanong sa sarili mo kung ang bibilhin mo ay isang NEED o isa lamang WANT.

Sana maging accountable sa lahat ng ginagawa mo. Oo, hindi maganda ang sitwasyon nung dumating ka sa mundo. Pero sana sa paglaki mo, huwag mong sisisihin ang mga pangyayaring ito kaya ka nagrerebelde o nalulugar sa masamang landas. Ang buhay mo ngayon ay dahil sa desisyon namin na mabuhay ka. Pero tandaan mo to: lahat ng mangyayari sa buhay mo e dahil sa mga desisyon mo.

Anak, marami pa akong gustong sabihin sa iyo. Buti na lang naitanong ko sa isang kaibigan ko kung ano ang kaisa-isang advice na maibibigay niya sa anak nya, at eto yung nasabi niya sa kin. Sa lahat ng maibibigay kong advice, eto ang pinakamahalaga:

LEARN.

Huwag kang matakot matuto. Matuto ka sa Discovery at National Geographic channels. Matuto ka sa library. Matuto ka sa Internet. Matuto ka sa news. Matuto ka sa Bible, Koran, at teachings ni Buddha.

Matuto ka sa mga pagkakamali namin ng nanay mo. Matuto ka sa mga kaibigan mo.

Matuto ka sa mga pagkakamali mo.


Tuesday, March 29, 2005

Gising, tol.

Tumatanda ka na, tol.

Nasa Friday Magic Madness na yung mga paborito mong kanta. Nakaka-relate ka na sa Classic MTV. Lesbiana na yung kinaaaliwan mong child star dati. Nanay na lagi ang role ng crush na crush mong matinee idol noon.

Dati, pag may panot, sisigaw ka agad ng "PENDONG!". Ngayon, pag may sumisigaw nun, ikaw na yung napapraning. Parang botika na ang cabinet mo. May multivitamins, vitamin E, vitamin C, royal jelly, tsaka ginko biloba.

Dati, laging may inuman. Sa inuman, may lechon, sisig, kaldereta, inihaw na liempo, pusit, at kung anu-ano pa. Ngayon, nagkukumpulan na lang kayo ng mga kasama mo sa Starbucks at oorder ng tea.

Wala na ang mga kaibigan mo noon.

Ang dating masasayang tawanan ng barkada sa canteen, napalitan na ng walang katapusang pagrereklamo tungkol sa kumpanya ninyo. Wala na ang best friend mo na lagi mong pinupuntahan kapag may problema ka. Ang lagi mo na lang kausap ngayon e ang kaopisina mong hindi ka sigurado kung binebenta ka sa iba pag nakatalikod ka. Ang hirap nang magtiwala.

Mahirap nang makahanap ng totoong kaibigan. Hindi mo kayang pagkatiwalaan ang kasama mo araw-araw sa opisina. Kung sabagay, nagkakilala lang kayo dahil gusto ninyong kumita ng pera at umakyat sa tinatawag nilang "corporate ladder". Anumang pagkakaibigang umusbong galing sa pera at ambisyon ay hindi talaga totoong pagkakaibigan. Pera din at ambisyon ang sisira sa inyong dalawa.

Pera. Pera na ang nagpapatakbo ng buhay mo.

Alipin ka na ng Meralco, PLDT, SkyCable, Globe, Smart, at Sun. Alipin ka ng Midnight Madness. Alipin ka ng tollgate sa expressway. Alipin ka ng credit card mo. Alipin ka ng ATM. Alipin ka ng BIR.

Dati-rati masaya ka na sa isang platong instant pancit canton. Ngayon, dapat may kasamang italian chicken ang fettucine alfredo mo. Masaya ka na noon pag nakakapag-ober-da-bakod kayo para makapagswimming. Ngayon, ayaw mong lumangoy kung hindi Boracay o Puerto Galera ang lugar. Dati, sulit na sulit na sa yo ang gin pomelo. Ngayon, pagkatapos ng ilang bote ng red wine, maghahanap ka ng San Mig Light.

Wala ka nang magawa. Sumasabay ang lifestyle mo sa income mo. Nagtataka ka kung bakit hindi ka pa rin nakakaipon kahit tumataas ang sweldo mo. Yung mga bagay na gusto mong bilhin dati na sinasabi mong hindi mo kailangan, abot-kamay mo na. Pero kahit nasa iyo na ang mga gusto mong bilhin, hindi ka pa rin makuntento.

Saan ka ba papunta?

Tol, gumising ka. Hindi ka nabuhay sa mundong ito para maging isa lang sa mga baterya ng mga machines sa Matrix.Hanapin mo ang dahilan kung bakit nilagay ka rito. Kung ang buhay mo ngayon ay uulit-ulit lang hanggang maging singkwenta anyos ka na, magsisisi ka. Lumingon ka kung paano ka nagsimula, isipin ang mga tao at mga bagay na nagpasaya sa yo.

Ikaw ang nagbago, hindi ang mundo.