Tuesday, March 29, 2005

Gising, tol.

Tumatanda ka na, tol.

Nasa Friday Magic Madness na yung mga paborito mong kanta. Nakaka-relate ka na sa Classic MTV. Lesbiana na yung kinaaaliwan mong child star dati. Nanay na lagi ang role ng crush na crush mong matinee idol noon.

Dati, pag may panot, sisigaw ka agad ng "PENDONG!". Ngayon, pag may sumisigaw nun, ikaw na yung napapraning. Parang botika na ang cabinet mo. May multivitamins, vitamin E, vitamin C, royal jelly, tsaka ginko biloba.

Dati, laging may inuman. Sa inuman, may lechon, sisig, kaldereta, inihaw na liempo, pusit, at kung anu-ano pa. Ngayon, nagkukumpulan na lang kayo ng mga kasama mo sa Starbucks at oorder ng tea.

Wala na ang mga kaibigan mo noon.

Ang dating masasayang tawanan ng barkada sa canteen, napalitan na ng walang katapusang pagrereklamo tungkol sa kumpanya ninyo. Wala na ang best friend mo na lagi mong pinupuntahan kapag may problema ka. Ang lagi mo na lang kausap ngayon e ang kaopisina mong hindi ka sigurado kung binebenta ka sa iba pag nakatalikod ka. Ang hirap nang magtiwala.

Mahirap nang makahanap ng totoong kaibigan. Hindi mo kayang pagkatiwalaan ang kasama mo araw-araw sa opisina. Kung sabagay, nagkakilala lang kayo dahil gusto ninyong kumita ng pera at umakyat sa tinatawag nilang "corporate ladder". Anumang pagkakaibigang umusbong galing sa pera at ambisyon ay hindi talaga totoong pagkakaibigan. Pera din at ambisyon ang sisira sa inyong dalawa.

Pera. Pera na ang nagpapatakbo ng buhay mo.

Alipin ka na ng Meralco, PLDT, SkyCable, Globe, Smart, at Sun. Alipin ka ng Midnight Madness. Alipin ka ng tollgate sa expressway. Alipin ka ng credit card mo. Alipin ka ng ATM. Alipin ka ng BIR.

Dati-rati masaya ka na sa isang platong instant pancit canton. Ngayon, dapat may kasamang italian chicken ang fettucine alfredo mo. Masaya ka na noon pag nakakapag-ober-da-bakod kayo para makapagswimming. Ngayon, ayaw mong lumangoy kung hindi Boracay o Puerto Galera ang lugar. Dati, sulit na sulit na sa yo ang gin pomelo. Ngayon, pagkatapos ng ilang bote ng red wine, maghahanap ka ng San Mig Light.

Wala ka nang magawa. Sumasabay ang lifestyle mo sa income mo. Nagtataka ka kung bakit hindi ka pa rin nakakaipon kahit tumataas ang sweldo mo. Yung mga bagay na gusto mong bilhin dati na sinasabi mong hindi mo kailangan, abot-kamay mo na. Pero kahit nasa iyo na ang mga gusto mong bilhin, hindi ka pa rin makuntento.

Saan ka ba papunta?

Tol, gumising ka. Hindi ka nabuhay sa mundong ito para maging isa lang sa mga baterya ng mga machines sa Matrix.Hanapin mo ang dahilan kung bakit nilagay ka rito. Kung ang buhay mo ngayon ay uulit-ulit lang hanggang maging singkwenta anyos ka na, magsisisi ka. Lumingon ka kung paano ka nagsimula, isipin ang mga tao at mga bagay na nagpasaya sa yo.

Ikaw ang nagbago, hindi ang mundo.