Thursday, May 31, 2007

Becoming The Enemy

Noon pa man, hindi ko na talaga gusto yung concept ng may boss.

Siguro nasobrahan ako sa kakapanood ng The Ten Commandments nung bata pa ako (Betamax tape pa yon!). Tumatak sa isip ko yung pang-aalipusta ng mga Egyptian sa mga Israelites, at naging idolo ko si Moses dahil sa pagtalikod nya sa pharaoh at pagtulong sa mga inaapi.

Nung college naman, hindi naman ako sumasama sa rally, pero apektado ako pag may nagra-rally na factory workers o mga magsasaka laban sa mga boss nila. Nagturo muna ako part time bago magsimulang magtrabaho dahil hindi ko talaga gusto yung concept ng pagiging subordinate.

Nung unang trabaho ko, pasaway na empleyado ako. Gimik halos gabi-gabi, tapos pupunta ako ng Los BaƱos pag weekend para gumimik ulit. Minsan Lunes na ng tanghali ang balik ko sa Manila. Nagkataon din na yung boss ko non, sobrang strikto. Dapat on time lagi yung pasok ko, kahit na nag-over-overtime ako nung previous night at wala namang gagawin kinabukasan. Naiimagine nyo na siguro ang relationship namin ng boss ko nun. Para kaming magsyotang walang ginawa kundi mag-away, pero hindi naman namin maiwan yung relationship dahil may pakinabang pa naman kami sa isa't-isa.

Makalipas ang walong taong pagtrabaho, pitong kumpanya at labing-isang boss, dumating na ako sa point na, in English, "the tables have been turned". Ipinagkatiwala sa akin ang pag-supervise sa limang tao. Hindi naman siguro ibibigay sa akin yung ganun kalaking responsibility kung hindi naman ako fit sa standards nila.

Hirap pa rin ako sa pag-adjust sa concept na may subordinates na ako. Hanggang ngayon, naiilang pa rin ako pag tinatawag akong "boss" o kaya pag may nagtatanong sa kin kung kumusta na "ang mga tao ko". Siguro kasi, hindi ko matanggap na malamang gagawin na sa kin yung mga ginagawa ko noon sa mga boss ko. Dati kasi sandamakmak na reklamo at panlalait ang inaabot sa kin ng mga boss (shempre pag nakatalikod sila). Nagyayaya ako ng gimik sa mga officemates ko, pero hindi kasama yung boss sa distribution list ng invitation. Konting chismis lang tungkol sa boss ko, ikukwento ko kagad with additional speculations para lang lumaki yung issue.

Wala na akong magagawa. Ako na ang kontrabida ngayon. Pero kahit ganito na ang mga nangyayari, may tatlo pa akong options:

Unang option, mag-resign at maghanap ng non-managerial work. Hindi ko pwedeng gawin yun dahil tama naman ang career path na sinusunod ko. Ang mga security guard siguro, hindi security guard habambuhay. Nagiging "senior security guard" din. Kahit yung mga crew sa Jollibee, hindi crew habambuhay. Wala akong nakikitang 40 year old na nasa counter o sa kitchen, pero may 40 year old na branch manager. Para sa kin, tama ang path na to at hindi ko to pwedeng talikuran dahil napa-praning lang ako. Kalokohan yon.

Pangalawang option, since kontrabida na ako, e di mag-asal kontrabida na rin. Kung magsasalita din lang ang mga tao ko pag nakatalikod ako, I'll do the same thing, pero a hundred times worse. Pag nakatalikod sila, sisiraan ko sila sa mga boss ko, na boss din nila. Bwahahahahahahahaha! Kung di rin lang nila ako yayayain gumimik, e di papapasukin ko sila pag Sabado tsaka Linggo para hindi na sila makagimik. Bwahahahahahahahaha!

Masyadong brutal naman yung pangalawang option, pero totoo, kayang-kaya kong gawin yon. Ang resulta lang nito, baka ulit-ulitin ko ang mga katagang "I'm ashamed of what I’ve become in the mirror, the face of my one true enemy" pagdating ng panahon. Ayoko non.

May isa pang option, yung pinakamahirap, pero eto yung may sense: ano kaya kung gawin ko lahat ng makakaya ko para i-develop ang mga tao ko, para mas mabilis silang dumating sa point na sila na yung boss? Misery loves company talaga no? Hehe. Pero seryoso, wala talagang ibang way para maintindihan ng isang empleyado ang hirap ng pagiging supervisor kundi pag naging supervisor na rin sila. Kung ayaw naman nilang maging boss, e di wag. Kanya-kanya lang naman yan, pero at least nakita ng mga tao na worthy sya sa position na yon.

Ay teka, anjan na boss ko. Back to work.