Pag hinahanap
mo, wala. Pag di ka nakatingin, biglang dadating. Pag gustung-gusto mo,
nagpapataas ng presyo. Pag Pasko, dapat hindi bakante. Pag Valentine's
naman, nakapila sa motel.
Ipagkakatiwala
mo ang buhay mo sa taong di mo kilala. May mabait, may barumbado. May
matalino, may tanga. Minsan matatapat ka sa manloloko. Minsan, nakasakay
ka pa lang, yung susunod na pasahero na ang inaatupag.
Ngayon, may mga app na mada-download para malaman mo kung sino ang available sa paligid mo.
Maiinis ka pag babagal-bagal. Pag sobrang bilis naman, matatakot ka.
Mas magandang sa umpisa pa lang, alam na nya kung saan mo gustong pumunta, at yung gusto mong daan. Gumaganda ang biyahe pag nag-uusap kayo. Malas mo na nga lang pag natapat ka sa ubod na mareklamo.
Ganyan talaga pag sumasakay ka ng taxi. Parang lovelife mo lang.
Habang tumatagal, lalo kang mapapamahal. Pero kahit gaano pa katagal o kabilis ang biyahe, kailangan mong magbigay ng minimum. Minsan nga sobra-sobra pa ang ibibigay mo, pero para di ka magalit, wag ka na lang maghintay na suklian ka pa.
Dahil wala ka sa kinatatayuan mo ngayon kung hindi kayo nagkita.