Wednesday, March 29, 2006

Time Machine

Siguro na-encounter mo na yung tanong na "kunwari may time machine ka, anong point ng buhay mo yung babalikan mo tapos babaguhin mo?". Kung beauty contest to, malamang ang sagot dun e "if eyver im gonna changed a foint on my life, i wouldn't changed ey-nithing por da world itself. I thank you."

May babaguhin ba ako sa buhay ko? Nagsimula na itong bumagabag sa akin noong nag-marathon ako ng Back To The Future trilogy. Ngayon, madalas ko nang itanong ito sa sarili ko. Pag nasa FX, bus, jeep, taxi, toilet, o kaya minsan kapag nasa harap ng TV habang nanonood ako ng Home TV Shopping. Nakaka-blangko talaga ng utak ang mga pinapalabas nilang kalokohan dun sabay banat ng "BUT WAIT THERE'S MORE!"

Kung may babalikan man ako, high school yon. Frustrated ako sa high school life ko e. Hindi pang-Sharon Cuneta song. Pero ano nga kaya? Anong mangyayari kung mag-time machine ako at bumalik sa high school na ganito na yung pag-iisip ko?

Panis na panis na siguro ang panliligaw nun. Malamang mapapasagot ko na yung kaisa-isang babaeng minahal ko nung high school pero walang awang nambasted sa akin ng tatlong beses. Yung mga kasabayan kong nag-aaral mag-gitara, maglalaway kasi alam ko na yung intro tsaka chords ng "Stairway To Heaven". Memoryado ko na ang chords ng mga kantang inaaral namin. Pwede pa akong magtayo ng banda tapos yung mga sikat na kanta ngayon yung gagawin kong "originals". Magiging kilabot kami sa mga all-girl school na umiisnab sa iskwela namin. Maiinggit sa amin ang mga taga-La Salle, Ateneo, at Xavier na nang-aalipusta sa high school ko. Buhay pa ang Club Dredd noon, kaya malamang iinom ako nang iinom sa gabi pagkatapos ng gig namin, pero sisiw na sisiw na yung mga exam at mga term paper na isasampal sa akin ng mga teacher ko kinabukasan. Laging perfect ang mga exam, malamang maging valedictorian ako. Member pa ng sikat na banda, sikat ako sa school, marami akong girls. Wow.

Makakapasa ako sa gusto kong course sa UP, kahit quota course yun, kasi madali na para sa kin ang UPCAT. Babarkadahin ko sina Ely Buendia at Dong Abay na nag-uumpisa pa lang noon. Dadalaw ako sa Ateneo High School at makiki-jam sa Parokya Ni Edgar na pasingit-singit lang sa mga gigs nung mga panahon na yon. Ituturo ko sa kanila ang kantang "Mr. Suave" tapos sasabihin ko na gamitin nila yun kapag sikat na sila. Magiging front act ang banda ko ng Eraserheads at Yano. Magkakaroon kami ng mga album, at maraming-marami na akong pera. Magtatapos akong Summa Cum Laude dahil alam ko na ang mga ituturo sa akin. Pag-aagawan ako ng mga kumpanya at magtatrabaho ako para sa highest bidder. Nasa Ang TV pa si Angelica Panganiban nun at ibe-befriend ko na sya. Para pagdating nya ng 15 years old, liligawan ko na sya. Tapos pag-apak nya ng 18, bubuntisin ko na sya at magpapakasal na kami. Nice.

Pero teka.

Kung mangyari yun, makikilala ko pa kaya yung mga kabarkada ko ngayon? Sila yung mga kasa-kasama ko sa bahay noong college at nagtitiis kaming maghati-hati sa isang latang sardinas. Kami-kaming nagpapatalbugan sa ligawan pero kami-kami rin ang nagdadamayan kapag may nabibigo. Hindi kami mapaghiwalay kasi alam namin ang kahinaan ng isa't-isa. (Well actually hindi kami mapaghiwalay noon kasi laging napapagtawanan at nilalait yung wala sa usapan). Ngayon, lampas sampung taon na ang nakakalipas, sila pa rin ang barkada ko. Mula sa pagsasamang nabuo sa bulok na bahay na yon hanggang ngayong nagkakaroon na ang bawat isa sa amin ng kaginhawaan sa buhay, hindi kami nagkakalimutan. Nagsimula kaming lahat sa wala, kaya masaya ang buong grupo kapag may naa-achieve ang isa sa amin. Walang kapantay ang ganitong samahan para sa akin. Kung may time machine ako at may binago ako sa nakaraan ko, paano ko masasalubong ang landas ng mga itinuturing kong tunay na kaibigan ngayon?

Kung may time machine ako at may binago ako sa nakaraan ko, makikilala ko pa kaya ang misis ko ngayon? Siguro sasabihin nyo, "Pre naman, si Angelica Panganiban na yung misis mo e. Ano pang hahanapin mo doon?" Oo nga si Angelica Panganiban yun. Pero siya kaya yung tipong tatawag sa akin sa opisina at magsasabing "umuwi ka nang maaga, nagluto ako ng paborito mo. munggo at galunggong!" Kumakain kaya si Angelica nun? In the first place, marunong ba syang magluto? In the second place (hehe), kasing sarap ba ng luto ng misis ko yung luto nya? Siya kaya yung tipo ng babae na kahit hirap na hirap na kayo sa pera, may poise pa rin at naka-focus sa kung paano kayo makakatawid sa krisis? Marami nang pera malamang si Angelica, kaya malabong ganun yun. Plus may manager na at mga alalay pa sya. Malabo ring siya ang tipo ng babaeng magpupunta sa parlor at magpapaganda para sa akin lang. Artista yun. Trabaho nya ang pagpapaganda. Kung misis ko si Angelica, ako lang kaya ang gwapo sa paningin nya? Malabo rin. Matatawa kaya siya sa jokes ko? Di rin siguro. Sa Ang TV ko nakuha ang mga jokes ko e.

Higit sa lahat, kung may time machine ako at baguhin ko yung nakaraan ko, lalabas pa kaya sa mundo ang dalawang gwapong-gwapong anak ko? Kahit mayaman ako, sikat, may asawang artista, at nasa palad ko lahat ng karangyaan sa mundo, walang kwenta ang lahat ng ito kung wala ang mga anak ko ngayon. Grabe. Naiisip ko pa lang na wala sila, nalulungkot na talaga ako. Dati-rati nung single pa ako at walang pakialam sa mundo, nagtatampo ako sa mga kainuman kong umaabsent sa drinking session dahil sa pamilya. Tinatanong ko kung anong big deal sa pagkakaroon ng anak e basta makapag-provide ka sa kanila, solb na. Hindi pala ganun. Nagbabago pala talaga ang mundo pag dumating na ang baby. Totoo pala ang mga cliche ng mga tatay. Ngayon, kahit kwento ng buhay ni Chicken Little, apektado na ako. Naluluha na ako pag nanonood ako ng Finding Nemo, lalo na dun sa part na kinukwento na kay Nemo yung ginawa ng tatay nya para mahanap sya.

Hay. Kaya ko lang siguro na-entertain yung thought na mag-time machine e dahil alam kong marami akong pagkakamali, at gusto kong ayusin ang mga pagkakamaling nagawa ko. Nature ko rin siguro bilang tao ang maghanap ng mas magandang kalagayan kesa sa kinalalagyan ko ngayon. Normal na rin sigurong mangarap ng pera, kasikatan, at magagandang babae.

Marami na akong nagawang mali. Minsan nga paulit-ulit akong nagkakamali, hindi pa rin ako natututo. Dumating na lang yung point na nagsasawa na lang ako kasi yun ang lagi kong desisyon, kaya kailangan nang baguhin. Dati-rati napaka-OA ko, pwede nang pang-telenobela ang acting dahil hindi ko matanggap na nagkamali ako.

Ngayon, pag binabalikan ko yung mga nagawa ko, di ko talaga mapigilang magsabi ng "buti na lang pala nangyari yon". Mali man o tama, naka-contribute ito sa buhay ko ngayon. At ang buhay ko ngayon ay perfect. Ironic nga kasi I don't have the perfect job, I don't have the perfect friends, I don't have the perfect wife, and I'm sure I don't have the perfect kids. Pero masaya ako kasi considering the mistakes I've done in the past, maganda pa rin yung payoff.

So kung may kilala kayong may Time Machine tapos naghahanap ng magte-test, count me out. Mas gugustuhin ko pang manood ng Home TV Shopping.

13 comments:

  1. nice. happy birthday! :D

    ReplyDelete
  2. Happy birthday! Congrats nga pala ulit sa mga kids mo.

    ReplyDelete
  3. woooohooo free porn! hehe

    ReplyDelete
  4. Wow. :) Nice post, as usual.

    ReplyDelete
  5. hi! i dont know you but i came across your blog from a friend's blog. ang ganda ng insights mo. keep it up! sana mas madalas ka magpost. Ü

    ReplyDelete
  6. galing-galing! i like the way you write. asteeg pare! asteeg talaga. more! more! more! sana ganyan din blog ko pero hindi eh. di ko marunong magsulat.

    ---------------
    kung ikaw ay papipiliin, gusto mo maging:
    a. taxi
    b. kahit ano
    c. pinoy
    d. pelikula
    e. chismosa

    ReplyDelete
  7. Grabe naisip ko na rin 2 dati pero natakot din ako dahil nga baka wala ka ng babalikan pagkatapos mong sumakay sa time machine...hehehe...galing mo pre..sulat ka pa ng iba para maaliw naman kami...

    ReplyDelete
  8. Tol.

    Di ko alam kung bakit pero naiyak ako sa sinulat mo.

    Ganyan din pinagdaraanan ko ngayon e.

    Kahit na ilang beses na akong pumapalpak di pa rin ako natututo.

    Shet.

    ReplyDelete
  9. hi,congrats ang sarap mag basa.sa halagang 20 pesos may mapupulot ka talagang aral d2 sa blog. mas gustuhin ko pang mag blog kesa manuod ng tagalog movies.ung sa time machine issue. well ayokong bumalik sa isang panahon. i wont go back to repair the damage ive done. d ako nakatapos ng college. pero iniisip ko kung nakatapos man ako ng college.. naiba din ang takbo ng buhay ko for sure. cguro kung nakatapos man ako, andito lang ako sa booth ng radio station. kung nakatapos man ako, di ko na nameet ung taong tumulong sakin. im pride to say kahit d ako nakatapos ng college nakarating ako ng europe at halos buong asia.burma na lang at mongolia and d ko narating.turista yun,huh?d ofw. hinde ako nag yayabang, ang point ko rito ay bgyan ng pag asa ung ibang tao lalo na ung d nakatapos, na kailanman eto ay di sagabal sa pangarap. sa panahon ng matigil ako sa pag aaral wala akong ginawa kundi mag basa ng mag basa. ang time machine ay para lang sa mga taong nakapatay o nakapagnakaw o ung nagtatago sa batas.malay mo, baka nga meron ding aayaw d2. salamat.mabuhay ka!

    p.s.pre maitatanung ko nga pala panu b mag lagay ng picture dun sa header mu?

    straum

    ReplyDelete
  10. ooooops! mali

    erratum:

    im proud to say
    not
    im pride to say.

    sensya na anok na po.


    straum

    ReplyDelete
  11. lufhet ng blog na ito. ganda ng posts mo. maganda din 'yung "tutuli sa tenga" mo. sarap magbasa. rock on. pareho tayong ely buendia fan.

    ReplyDelete
  12. okey ah! ang simple pero malupit. tol, kilala mo ba si bob ong? you kinda remind me of him...

    congrats sa buhay mong hindi mababago ng time machine!

    ReplyDelete
  13. galeng men....
    d best ka!!! sobrang idol kita!!!

    nakita ko yan sa peups tapos yan napadpad ako sa blog site mo!!!

    d best ka..

    more blogs to come!!!!!

    ReplyDelete