Wednesday, October 01, 2008

Pamamaalam ng Isang Pilosopo

Di mo matatakasan ang makarinig ng mga kantang may mga salitang "paalam", "goodbye", o "farewell" sa radyo. Mas madaling kasi sigurong maka-relate sa mga iniwan, kaya kung gagawa ka ng kanta, sure money ang kanta tungkol o para sa mga nagpaalam. Para sa katulad kong nagpipilit maging pilosopo, pamamaalam ang common "antithesis" sa mga "thesis" tulad ng friendship, romance, at existence. May hello, may goodbye. May friendship, may farewell. May romance, may breakup. May life, may death.

Medyo mabigat para sa akin tong mga nakaraang linggo, at sa tingin ko, lalong mahirap ang mga susunod. May kaibigang pumanaw, may kapatid na naman ako na humiwalay na sa bahay, tapos lilipad naman sa ibang bansa ang asawa ko. After a few months, susunduin na nya ang anak namin. Nate-tempt akong mag-emote, pero sa edad kong to, nakakasawa na rin. Ipapagpaubaya ko na lang siguro sa GMA at ABS-CBN ang primetime drama.

Bigla kong inisa-isa ang mga major goodbyes sa buhay ko. Sa akin kasi, kailangan kong balikan ang mga dinaanan kong paghihiwalay para makahanap ako ng lakas.

Nag-time space warp ako sa mga panahong hinahatid pa namin yung tatay ko sa airport. Seaman kasi yun e. Oo alam ko yung joke tungkol sa plural ng seaman. Nung bata pa ako, sobrang bigat lagi yung paghatid kay papa sa airport. Lagi kong tinatanong kung bakit kailangan pa niyang umalis ng bansa eh pwede namang magtrabaho dito.

Naalala ko rin yung breakup namin ng isa kong girlfriend. Sinabi ko sa kanya, "kung lalabas ka sa pintong yan at sasama dun sa lalaking yun, hindi mo na ako makikita kahit kailan". Ayun lumabas sya at hindi na lumingon. Nasira yung mundo ko noon, umabot sa point na ang breakfast, lunch, at dinner ko e isang lapad na Tanduay.

Binalikan ko rin yung araw na kausap ko sa telepono yung nanay ng isang anak ko. Nagdadalang-tao pa lang sya non. Sinabi ko sa kanya na kung ayaw nya akong pakasalan, susuportahan ko na lang yung anak namin. Sinigawan nya ako ng "PAANO MO SUSUPORTAHAN TO E WALA KA NAMANG TRABAHO?! P*T@N6 !N@ MO WALA AKONG TATANGGAPIN SA YO!"

Naalala ko rin yung mga huling araw ng pagkahumaling ko sa UPLB, a.k.a my Fight Club days. Fight Club days kasi ginagaya ko si Edward Norton nun. Naghahamon na ako ng sapakan, tapos nung walang pumapatol sa akin, inupakan ko yung sarili ko. Sa isang inuman, sinabihan na ako ng mga kaibigan ko na "pare, kailangan mo nang umalis ng LB". Kung kilala mo ako, alam mo kung gaano ko kamahal ang LB. Sobrang sakit marinig yon.

Si Pierre Carlo Cornago. Isa sa mga ka-love-hate relationship ko sa org namin. Namatay dahil sa bangungot. Sa burol nya, habang nakatingin sa kabaong nya, nakapagbiro pa kami ng "sayang naman to, hindi na mapapanood yung Lord of the Rings Two Towers". Paulit-ulit sa akin ang mga tanong tulad ng "bakit namatay yun e mabait na tao si Piyer, samantalang yung mga siraulo, buhay pa rin?"

Dagdag mo pa sa mga alaalang yan yung pagpunta sa ibang bansa ng besprens 1, 2 and 3 ko, ang napakaraming breakup, at ang mga "close-dati-pero-deadma-na-ngayon" friends sa buhay ko.

Iniisip mo siguro, "Ehhh paano ka naman makakahanap ng lakas sa pag-alala ng mga hiwalayan na yan? Akala ko ba hindi ka mage-emote? Ehhh nage-emote ka na e!"

Teka teka, hindi pa kasi ako tapos. Let me continue...

Si papa, retired na ngayon. Araw-araw ko nang kasama sa bahay. Di pa rin kami masyadong nag-uusap, pero pag nakikita ko ngayon yung mga squatter sa lugar namin, nararamdaman ko yung utang na loob ko sa kanya. Dahil sa mga pag-alis-alis nya ng bansa, naiangat nya kami sa level above the poverty line.

Yung ex-girlfriend ko na sumama sa ibang lalaki, after a few months, nagsabi na gusto na niyang makipagbalikan sa kin. Eh taken na ako nun.

Yung nanay ng isang anak ko, nakipag-ayos na din sa akin. Ngayon, friends na kami at nagtutulungang maging mabuting magulang para kay Kenzo.

UPLB? Oo iniwan ko. Matagal akong nawala. Pero yung mga kaibigan ko noon na nagsabi sa akin na iwan ko na ang LB, sila na ngayon yung nagyayaya sa akin na dumalaw ulit doon at uminom.

Si Piyer, ilang taon nang patay. Hindi naman bumangon. Pero pag Pasko, lagi pa ring may isang tagay para sa kanya.

Si bespren 1, nasa Chicago. Kakadalaw nya lang sa Pinas this year dahil binyag ng anak nya. May US Visa na ako ngayon, kaya pera na lang talaga tsaka oras ang problema. Si besprens 2 & 3, nasa Singapore. Eh dun din pupunta si misis at si Austin. Malapit ko na rin silang makita ulit.

After ng napakaraming breakups, nakilala ko si misis. At sa bawat isang "close-dati-pero-deadma-na-ngayon" friend sa buhay ko, may isang kapalit na "deadma-dati-pero-close-na-ngayon" friend.

So, ano ang point ko? God, or whatever supreme being or unknown force you believe in, comes in threes. Father, Son, and Holy Spirit. Birth, Death, and Rebirth. Brahma, Vishnu, and Shiva. Yùqīng, Shàngqīng, and Tàiqīng.


Thesis, Antithesis, and Synthesis.

Hindi natatapos ang mundo sa thesis at antithesis. Mayroon ka pang synthesis. Hindi pwedeng mawala ang synthesis. Lahat ng paghihiwalay ay magdadala ng pagbabago. May goodbye ang bawat hello. May farewell ang friendship. May breakup ang romance. May kamatayan sa lahat ng may buhay.

Pero life goes on. And everything will be alright.

3 comments:

  1. magaling magaling magaling...
    entries like this one reaffirms why i love this blog so much.

    thesis. antithesis. synthesis.

    gives one hope, doesn't it?

    ReplyDelete
  2. Anonymous12:27 AM

    amen to you, whoever you are. i just stumbled upon this blog and im thankful that i did.

    ReplyDelete
  3. di nakakasawang basahin lahat ng entry mo... Idol!

    ReplyDelete