Friday, September 13, 2013

"Mama, bayad o" (Eksena sa Jeepney Part 1)

Maraming masasamang ugali ng Pilipino ang makikita mo sa sinasabing "cultural icon" ng mga kalsada sa bansa natin: ang jeepney.

Nakasakay ka na ba sa punuang jeep tapos mga 1 or 2 "seats" ang layo mo sa driver? May unwritten rule yata sa Pinas na kung sino man ang nakaupo malapit sa driver, sya ang maga-abot ng bayad. At madalas mong maririnig ang mga salitang

"MAMA, BAYAD O!" 
Larawan mula sa http://afternoonwalks.wordpress.com/2011/07/25/a-trip-down-memory-lane/
Pansin mo, ang "Mama, bayad o" ay addressed sa driver, at hindi sa maga-abot ng bayad? At parang ina-assume ng magsasabi nito na kapag tinawag na niya ang atensyon ng lahat ng tao sa loob ng jeep na magbabayad na sya, susunod na ang mga mas malapit sa driver para i-abot ang bayad?

Which brings us to Masamang Ugali ng Pinoy na Makikita sa Jeepney #1:



Scenario: May mga mabibigat na kahon na kailangang buhatin from point A to point B. Si Boy, imbis na lalapit sa isang kakilala at sasabihin nyang "parekoy, patulong namang magbuhat nito o," ang sasabihin nya e "GRABE AMBIGAT NAMAN NITO, ANG HIRAP NAMAN NG GINAGAWA KO" para marinig ng buong sangkatauhan. Tapos pag walang tumulong sa kanya, magrereklamo. Kilala mo ba tong Boy na tinutukoy ko?


Oo, masamang ugali ng Pilipino yun. Dinadaan sa parinig ang paghingi ng tulong. Hirap makiusap sa kapwa.
Kaya hassle umupo malapit sa driver. Ia-assume ng lahat ng maga-abot ng bayad na kapag sumigaw sila ng "MAMA BAYAD O", lilingon ka na para iabot ang bayad nila. Kapag hindi mo sila pinansin, magagalit sila sa yo, kahit hindi sila nakiusap.

Speaking of pakiusap, bukod sa "Mama, bayad o", ang maririnig mo na lang sa jeep e "BAYAD!" o kaya "ETO BAYAD KO O". Minsan nga, hindi na sila magsasalita, may kamay na lang na tatapat sa mukha mo na may pera. Minsan nate-tempt na nga akong sagutin ang "BAYAD O" ng "O E ANONG GAGAWIN KO DYAN?"

Isipin nyo, mga kapwa Pinoy, recognized sa bansa natin ang uri ng pangungusap na Pakiusap. Gamitin naman natin ng tama sa pang-araw-araw. Anim na syllables lang naman ang pagkakaiba ng "BAYAD O" sa "MAKIKIABOT HO NG BAYAD", kakatamaran pa.

Kung bawat isa sa atin ay maga-ayos ng mga maliliit na bagay na ginagawa natin araw-araw, magbabago ang bansa.

Sunday, January 27, 2013

Buhay Ka Pa, Papatayin Na Kita


Oo tama ang nababasa mo. Papatayin kita. Dahil ang "pagpatay" sa sarili ko ang bago akong paraan para makatulong na alisin ang stress ko sa buhay, ishe-share ko lang dito baka sakaling makatulong din sa yo.


Kapag naiinis ka na sa mga nangyayari sa paligid mo, mapa-school man o trabaho, sa mga kaibigan o kamag-anak, humanap ka lang ng tahimik na lugar. Pumikit ka, tapos isipin mo ngayon na patay ka na. Wala na akong pakialam sa iisipin mong cause of death. Wala rin akong pakialam kung mas close ka sa diyos ng religion mo kaya hindi ka nag-aalala sa kaluluwa mo. Basta imagine mo na patay ka na.

Habang ini-imagine mo na patay ka na, pag-isipan mong mabuti ang mga sagot sa mga tanong na ito:

Unang tanong: Ano ang gusto mong magandang quote na ilalagay sa lapida (gravestone) mo? 

Sa sitwasyon mo ngayon, ano ang huling tweet o quote na gusto mong iwan bilang aral sa mga naiwan mong dadalaw sa yo? Kunyari:

"Go out in the world and work like money doesn't matter, Sing as if no one is listening, Love as if you have never been hurt, and Dance as if no one is watching”

Kung di naman magkakasya yan sa lapida mo, pwedeng: “Love all, trust a few, do wrong to none.” - William Shakespeare

May naisip ka nang quote sa lapida mo? Yan. Ipaalala mo ngayon sa sarili mo ang quote na yan. Gawin mong anchor ng emotions mo, dahil sa mga stressful na sitwasyon, ang pinakamahalaga ay ang pag-detach ng emotions sa current standpoint at bumalik sa mga prinsipyo mo.

Pangalawang tanong: Sa lamay mo, sinu-sino ang mga dadalaw?

Kung medyo observant din kayo sa mga lamay, alam nyo na kung saan papunta tong tanong na to. May iba-ibang klaseng taong dumadalaw sa lamay, at may iba-ibang degree ng relationship sa namatay.
  1. Una: yung araw-araw na pumupunta, at tuwing nakikita ang coffin mo, publicly or privately, umiiyak sila. Sa isip mo ngayon, sino ang mga taong ito? Huwag kang masyadong assuming, sigurado akong mabibilang mo lang sa daliri ng mga kamay mo ang nasa category na to. Tandaan mo ang mga taong ito, dahil sila ang pinakamahalaga sa yo, at mahalaga ka rin sa kanila. Kung wala sila sa current stressful situation mo, walang kwenta yung pinagdadaanan mo ngayon.
  2. Pangalawa: yung mga dadalaw, haharap sa coffin mo, titingnan ka, tapos may maaalalang mga pinagdaanan nyo, at manghihinayang na nawala ka na. Mahalaga pa rin ang mga taong ito, dahil kahit hindi na kayo palaging magkasama, o kung nagkaaway man kayo, dumalaw pa rin sya sa mga huling araw mo sa mundo. 
  3. Pangatlo: yung mga dumalaw na hindi mo naman kilala pero pumunta lang para i-console ang mga naiwan mo. Walang bearing sa buhay mo ang mga taong ito ngayon. Pero kung gusto mong i-upgrade sila sa #2 or sa #1 sa taas, tandaan mong may oras ka pa ngayon para gawin ito. 
  4. Pang-apat: yung mga pumunta para sa sugal o sa libreng inom/pagkain. Wag mo nang pag-aksayahan ng panahon ang mga ito. Pero kung gusto mong sayangin ang buhay mo ngayon, sige, be my guest.
Panglima dapat yung mga hindi pupunta sa lamay mo, pero ang tanong naman kasi e " sa lamay mo, sinu-sino ang mga dadalaw?" So kung wala sila sa naiimagine mong lamay mo, pero nasa buhay mo sila ngayon, mas may silbi pa yung mga nasa #4 kesa sa kanila. 

Huling tanong: Sa huling Eucharist/blessing/ceremony bago ka ilibing, ano yung sasabihin ng mga magsasalita sa podium?

Sigurado ako, hindi aakyat yung boss mo sa podium para sabihing "Hindi sya na-late buong buhay nya sa office. Tinapos nya lahat ng tasks on time, at nanghihinayang ang opisina namin na nawala na sya ngayon, kasi marami pa syang trabahong iniwan." So kung opisina ang pino-problema mo ngayon, isipin mo na lang kung worth it ba talaga yung kinaiinisan mo ngayon, kasi sa lamay mo, walang magbabanggit tungkol sa pagkabibo mo sa opisina.

May magsasabi ba na, "Sayang, marami pa syang gustong gawin. Gusto nyang magpa-picture sa Eiffel Tower. Gusto nyang mag-aral mag-gitara, kasi gusto nyang sumulat ng sariling kanta. Gusto nyang bumili ng bahay para sa parents nya kasi mahal na mahal nya ang mga ito". Kung alam mong may magsasabi ng ganito, ano yung mga bagay na gusto mo pang gawin na hindi mo pa nasisimulan ngayon? O alam mo naman pala e. Anong ginagawa mo ngayon para ma-achieve ang mga to?

May gusto ka bang sabihin nila tungkol sa pagkatao mo? Wala namang magsasabi na masama kang tao kasi nga tribute yun sa yo e. Kung may gusto kang sabihing maganda tungkol sa yo, tapos alam mong hindi pa ikaw yung ganung klaseng tao, aba e simulan mo na. Gawin mong cliche ng buhay mo ang cliche na "A thought becomes action; action becomes habit; habit becomes character, and character becomes destiny."

O ayan. Pinatay na kita. Natuwa ka bang dumalaw sa sarili mong lamay? Kung hindi, bumalik ka na sa buhay mo ngayon at baguhin ang mga kailangang baguhin. Dahil lahat tayo, doon pupunta, at hindi natin alam kung kailan. Kahit pa tumatakbo ka linggu-linggo ng 42K marathon, baka mauna ka pang mamatay kesa sa tatay kong 72 years old na at ang lakas pa ring magyosi.

Sabi nga ng isang legend na maraming nabagong buhay bago sya pumanaw (isa na ako dun), si Stephen Covey:

"Begin With The End In Mind"

Friday, January 11, 2013

Saan Na Nga Ba, Saan Na Nga Ba, Saan Na Nga Ba'ng Barkada Ngayon?

Narinig nyo na ba yung kanta ng APO Hiking Society na "Saan Na Nga Ba'ng Barkada"?

Sigurado namang hindi ako nag-iisa sa mga nakakapansin ng ganitong phenomenon sa mga barkadahan. Laging may mage-emote na "bakit noon, mas madaling magyaya ng mga tao?" Tapos babanat ng, "ngayon, may cellphone ka na, may Facebook at Twitter pa, pero kasing hirap na ng pagtitinda ng Encyclopedia Britannica ang pagyaya sa mga tao."


Natatandaan nyo pa ba yung mga panahong isang "tara" lang, maisasama mo na ang isang batalyon ng mga kabarkada mo sa mall, sa out-of-town, o sa inuman, tapos ngayon, kailangang 1 month ahead nagpapadala ka na ng invites? Napudpod na ang mga daliri mo kaka-follow up sa mga taong ayaw mag-reply, tapos sa mismong araw ng get-together, makikita mong kayo-kayo na lang ng mga madalas magkasama-sama ang dadating.

Nagtataka ka ba kung bakit may mga taong hindi tumutupad sa pinky promise nyo noon na "best friends tayong lahat forever ha? Parang tayong T.G.I.S., guys!"

O eto, basahin nyo: Social Identity Theory

Ang pagkakakilala mo sa sarili mo ay laging identified sa grupo kung saan ka active, na kahit na anong gawin ng grupong yun, iniisip mo na yun dapat ang ginagawa mo. Kumbaga, feel na feel mo ang pagiging part of a whole. Ang down side nito, kapag part ka ng isang grupo, gusto mo na laging ang grupong ito ang BEST IN THE WORLD. Kaya ang tendency mo, kahit na anong nasa labas ng grupo mo ngayon, panget na.

For example, noong college, puro manginginom ang kabarkada mo. Tapos ngayon, lagi ka nang sumasali sa mga fun run o marathon. Isang araw, nagyaya ng inuman yung mga college friends mo. Since ang grupo mo ngayon ay ang Team Fun Run, kahit wala ka naman talagang kakilala sa mga fun run at mag-isa ka lang na sumasali, may bumubulong na sa subconscious mo, "Team Fun Run Is The Best, Team Inuman Sucks!" At kapag tinanong ka ng mga kaibigan mo kung bakit hindi ka na makakapunta, gagawa ka na ng lame excuse na "sorry mga tol, healthy living na ako e"

Walang katapusang process ito.

Pag-graduate mo ng high school, magkakaroon ka ng college friends. Hindi ka na masyadong makakasama sa high school friends mo. Pag-graduate mo naman ng college, magkakaroon ka ng office friends at sasabihin mong "naka-move on na ako from college, nasa real world na ako".

Paglipat mo ng office, magkakaroon ka ng NEW office friends, tapos pag may magyaya sa yo ng get-together ng ex-officemates, sasabihin mong "anong pakialam ko sa kumpanyang yun na puro blah blah blah at nye nye nye"

Pag nagkaroon ka ng bagong sport, magkakaroon ka ng new sport friends, at mako-convince ka na "mas masarap mag-badminton kesa mag-billiards or bowling."

Tapos pag nagka-relationship ka na, yung mundo nyo na ng boypren/gelpren/gaypren mo ang "grupo" mo, kaya pag nagyaya ang barkada na lumabas, "sorry mga tol, ayaw ni kumander e," kahit na wala naman talagang sinasabi ang gelpren mo.

Tapos pag nag-asawa at nagka-anak ka na, ang tendency mo ay maki-grupo sa mga ka-pareho mong may asawa at anak. Compare notes kayo, yabangan ng mga anak, tapos pare-pareho kayong "hindi ko na talaga ma-gets tong mga single people na to, kasi being a parent is the best feeling in the world"

At kapag matanda ka na, magiging active ka na sa kung ano mang relihiyon ang pinili mo at sasama sa grupo ng iba pang mga matatandang kumukuha ng insurance para sa mga kaluluwa nila.

Kaya wag mong itanong kung saan na nga ba'ng barkada ngayon.

Ang itanong mo ay kung nasaan ka ngayon.