Friday, January 11, 2013

Saan Na Nga Ba, Saan Na Nga Ba, Saan Na Nga Ba'ng Barkada Ngayon?

Narinig nyo na ba yung kanta ng APO Hiking Society na "Saan Na Nga Ba'ng Barkada"?

Sigurado namang hindi ako nag-iisa sa mga nakakapansin ng ganitong phenomenon sa mga barkadahan. Laging may mage-emote na "bakit noon, mas madaling magyaya ng mga tao?" Tapos babanat ng, "ngayon, may cellphone ka na, may Facebook at Twitter pa, pero kasing hirap na ng pagtitinda ng Encyclopedia Britannica ang pagyaya sa mga tao."


Natatandaan nyo pa ba yung mga panahong isang "tara" lang, maisasama mo na ang isang batalyon ng mga kabarkada mo sa mall, sa out-of-town, o sa inuman, tapos ngayon, kailangang 1 month ahead nagpapadala ka na ng invites? Napudpod na ang mga daliri mo kaka-follow up sa mga taong ayaw mag-reply, tapos sa mismong araw ng get-together, makikita mong kayo-kayo na lang ng mga madalas magkasama-sama ang dadating.

Nagtataka ka ba kung bakit may mga taong hindi tumutupad sa pinky promise nyo noon na "best friends tayong lahat forever ha? Parang tayong T.G.I.S., guys!"

O eto, basahin nyo: Social Identity Theory

Ang pagkakakilala mo sa sarili mo ay laging identified sa grupo kung saan ka active, na kahit na anong gawin ng grupong yun, iniisip mo na yun dapat ang ginagawa mo. Kumbaga, feel na feel mo ang pagiging part of a whole. Ang down side nito, kapag part ka ng isang grupo, gusto mo na laging ang grupong ito ang BEST IN THE WORLD. Kaya ang tendency mo, kahit na anong nasa labas ng grupo mo ngayon, panget na.

For example, noong college, puro manginginom ang kabarkada mo. Tapos ngayon, lagi ka nang sumasali sa mga fun run o marathon. Isang araw, nagyaya ng inuman yung mga college friends mo. Since ang grupo mo ngayon ay ang Team Fun Run, kahit wala ka naman talagang kakilala sa mga fun run at mag-isa ka lang na sumasali, may bumubulong na sa subconscious mo, "Team Fun Run Is The Best, Team Inuman Sucks!" At kapag tinanong ka ng mga kaibigan mo kung bakit hindi ka na makakapunta, gagawa ka na ng lame excuse na "sorry mga tol, healthy living na ako e"

Walang katapusang process ito.

Pag-graduate mo ng high school, magkakaroon ka ng college friends. Hindi ka na masyadong makakasama sa high school friends mo. Pag-graduate mo naman ng college, magkakaroon ka ng office friends at sasabihin mong "naka-move on na ako from college, nasa real world na ako".

Paglipat mo ng office, magkakaroon ka ng NEW office friends, tapos pag may magyaya sa yo ng get-together ng ex-officemates, sasabihin mong "anong pakialam ko sa kumpanyang yun na puro blah blah blah at nye nye nye"

Pag nagkaroon ka ng bagong sport, magkakaroon ka ng new sport friends, at mako-convince ka na "mas masarap mag-badminton kesa mag-billiards or bowling."

Tapos pag nagka-relationship ka na, yung mundo nyo na ng boypren/gelpren/gaypren mo ang "grupo" mo, kaya pag nagyaya ang barkada na lumabas, "sorry mga tol, ayaw ni kumander e," kahit na wala naman talagang sinasabi ang gelpren mo.

Tapos pag nag-asawa at nagka-anak ka na, ang tendency mo ay maki-grupo sa mga ka-pareho mong may asawa at anak. Compare notes kayo, yabangan ng mga anak, tapos pare-pareho kayong "hindi ko na talaga ma-gets tong mga single people na to, kasi being a parent is the best feeling in the world"

At kapag matanda ka na, magiging active ka na sa kung ano mang relihiyon ang pinili mo at sasama sa grupo ng iba pang mga matatandang kumukuha ng insurance para sa mga kaluluwa nila.

Kaya wag mong itanong kung saan na nga ba'ng barkada ngayon.

Ang itanong mo ay kung nasaan ka ngayon.

0 comments:

Post a Comment