Monday, September 15, 2014

I love Pilipinas

Bumisita ako ulit ng Singapore. Kasalukuyan kong sinusulat sa bus stop to habang hinihintay ang sasakyan ko papuntang mall. Sabi kasi sa app nila, 19 minutes pa daw bago dumating yung bus.

Let it sink in. Sa bus stop lang tumitigil ang bus. May sinusunod na schedule. Sa app mo malalaman kung anong oras dadaan yung sasakyan mo.

Tulad ng lahat ng Pilipinong dumadalaw ng ibang bansa, di ko mapigilang magtanong ng "bakit hindi ganito sa Pilipinas?" at kasunod nito ay ang walang katapusang paglilista ng mga bagay na ikinagagalit ko. Bulok na public  transportation system, bulok na traffic enforcement, mga bobong driver. And the list goes on.

Halos tatlong taon din akong nagtrabaho noon sa Singapore. Noong simula, nasabi ko sa sarili ko na "Hallelujah nakatakas na rin sa bwakananginang hell hole na Pilipinas! Pakyu mga tarantadong pulitiko!" Pero lumipas ang mga taon, unti-unti kong naramdaman,

Gusto ko nang bumalik sa Pilipinas.

Parang may gelpren ako na sobrang tagal ko na ka-relasyon, tapos napapansin kong hindi na ako masaya. Sinabi ko sa kanya, "Gusto ko ng space. Cool off muna." Lumayo ako, nakipag-date sa iba't-ibang gerls. Pero pagtagal eh nagtataka na  ako kung bakit hinahanap-hanap ko yung wrong grammar nya, yung baho ng hininga nya pagkagising sa umaga, yung amoy ng kili-kili nya pag di sya naligo buong araw.

Tulad ng mapagkumbabang ex na nakikipagbalikan sa kanyang gelpren, bumalik ako sa Pilipinas. At ngayon, alam ko na ang ibig sabihin ng cliché na "love is sweeter the second time around".

Naiinis pa rin ako sa traffic at sa instant taong grasa makeup na ibibigay sa yo ng EDSA. Naiinis pa rin ako sa mga barker ng jeep na pilit pinapagkasya ang 20 katao sa jeep na pang-14 lang ang upuan. Napipikon ako sa mga balita sa TV, na mas binibigyan pang halaga ang lovelife ng kung sinong artista kesa mga balitang makakatulong sa pag-unlad ng kabuhayan ng mga tao. Pero naiinis man ako, mas malaki na ang pagmamahal ko sa bansa para maapektuhan pa ako ng mga bagay na to.

Sigurado akong marami sa atin ang nagsasabing, "mahal ko ang Pilipinas, pero kung hindi maaayos ang gobyerno, sa ibang bansa na lang ako" o kaya "mahal ko ang Pilipinas, pero ayokong dito lumaki ang mga anak ko"

Bago ako maging OFW, ganun ang nasasabi ko, laging may kadikit na "pero" ang "Mahal ko ang Pilipinas." Pagbalik ko ng bansa, nagulat na lang ako na "kasi" na ang kadikit nito.

Mahal ko ang Pilipinas kasi masarap ang lechon, crispy pata, kare-kare, binagoongan, pakbet, at dinuguan na luto dito.

Ay baket ba gay-on ang lechon na ire?
Mahal ko ang Pilipinas kasi kahit kailan ko gusto, mapapanood ko sa mga gig nila ang mga paborito kong bandang Sandwich, Pedicab, Pupil, Urbandub, Parokya Ni Edgar, Peryodiko, at si Barbie Almalbis.

Mahal ko ang Pilipinas kasi mas masayang manood ng iba pang local channels bukod sa ABS-CBN. Walang mga dokyu ng GMA News TV, Eat Bulaga, tsaka PBA sa TFC.

Mahal ko ang Pilipinas kasi mas masaya ang mga kiddie parties dito na pinupuntahan ng mga anak ko (lalo na pag Jollibee kasi libre ang Chickenjoy at spaghetti hehehe)

Mahal ko ang Pilipinas, kasi gusto kong dito  lumaki bilang Pilipino ang mga anak ko. May angas, natural na komedyante, may diskarte sa buhay, may pagmamahal at paggalang sa nakatatanda.

Mahal ko ang Pilipinas. Kasi Pilipino ako, sa isip, sa salita, at sa gawa.

0 comments:

Post a Comment