Tuesday, December 29, 2015

Paalam muna, Facebook

Habang papalapit na ang bagong taon ng 2016, iniisip ko kung kakayanin kong mag-log off sa social media, particularly Facebook. Nakuha ko ang idea na to nang "nagpaalam" si Ed Sheeran sa social media via Instagram:

Obvious namang PR move to para sa next album nya, pero kahit paano, tinamaan ako sa mga salitang "... I find myself seeing the world through a screen and not my eyes.."

Marami namang perks ang social media. Isa sa pinakamaganda: lahat ng pictures ng pamilya at kaibigan, nasa "cloud" na. Sa dinami-dami ng baha na dumaan sa bahay namin, dito ako nagpapasalamat, dahil hindi na aabutin ng baha ang pictures sa  cloud (pun intended hahaha)

Pero lately, napapansin kong kung kailan dumating ang technology na madaling nagko-connect sa akin at sa mga kakilala ko, saka pa kami lalong napapalayo sa isa't-isa.

Sa mga reunion at get-together na pinuntahan ko last Christmas, napansin kong nagiging awkward at redundant na ang mga face-to-face conversations with friends and family, dahil lahat na ng updates, nasa social media na.

May naging conversation na ba kayong parang ganito?
Ako: "Uy tol, kumusta na anak mo?"
Siya: "Ayun, top 10 ulit sa klase"
Extra: "Ay oo nga nakita ko pinost mo sa Facebook, ang galing nya. Tapos ang galing pa sa basketball!"

Kasalanan na ata ngayon ang mangumusta kasi halatang hindi ka nagbabasa ng Facebook feed ng mga kaibigan mo. 

May nakatabi kaming table sa isang buffet, hindi nag-uusap ang mga tao, nakatutok lang sa phone. May humirit ng "o picture naman!" at pagkatapos ng picture, may nagsabi ng "oy tag mo ko ha?" tapos balik na sila ulit sa mga telepono nila. Ganito ba ang behind-the-scenes ng mga get-together pics nyo?

Ang pinaka-malala at ang pinaka-ayaw kong effect ng Facebook sa akin ay ang paghihintay ng Likes (Reactions na daw ngayon). Noong una, wala akong pakialam sa Likes. Tumagal naman ang blog na to na wala akong pakialam sa dami ng hits. E di sana tinadtad ko ng ads to, di ba? Sa akin, mai-share ko lang sa mundo ang thoughts ko, masaya na ako.

Paglipas ng panahon, para na akong pusa na hinihimas sa tenga sa bawat Like na matatanggap ng post ko. Unti-unti na akong na-addict sa recognition. Imbis na mag-isip ako ng magandang blog post na maaring magbago ng buhay ng ibang tao, mas concerned na ako sa pag-iisip ng witty one-liner na kukuha ng maraming Likes.

Kaya, paalam muna, Facebook. Hanggang kailan? Si Ed Sheeran, hanggang Autumn 2016 daw mawawala. Ako, hindi ko alam. Kung addiction to, pwedeng-pwede akong mag-relapse. Magche-check pa rin ako ng notifications at event invites. Hindi naman ako mago-offline sa Messenger.

Sa Instagram na lang muna ako siguro magpo-post, kasi kailangan ko pa ring maglagay ng photos sa cloud.

See you soon! 

TLDR para sa mga millenials na may attention span ng goldfish: 
Dahil sa Facebook, imbis na gumanda ang relationship sa ibang tao, lalo tayong nagiging self-centered. Na-addict ako sa vanity, at gusto ko nang mag-"rehab" by logging off.

Thursday, July 09, 2015

Tanders Club of Manila

Last April 28, 2015 ang aking official induction sa Tanders Club of Manila. Nahilo ako sa opisina, at may kakaiba akong naramdaman sa may bandang batok ko. Kinabahan na ako at nagpahatid na sa emergency room ng Medical City. Sa hospital triage, kinuha nila yung vitals, at BAMMMMMM

185/110 daw yung blood pressure ko.

Sa mga walang idea, 90/60 - 120/80 yung normal na blood pressure. 140/90 ang borderline. Lately ko lang nalaman na may chance na pala akong magka-stroke sa taas ng BP ko na yun.

Natawa pa ako nung umpisa at napa-react pa ako ng "seryoso ba yan?" sa nurse na kumuha ng vitals ko. Nung nilabas na nila yung wheelchair para isakay ako, napalitan na ng takot yung tawa ko.


Kita nyo yung pic? Nakapagpahinga na ako nyan, pero 177/103 pa rin yung BP ko.

So, binigyan ako ng doctor sa emergency room ng blood pressure meds for 2 weeks at sabi nya, kailangan ko na raw mag-consult sa cardiologist. After 14 days, dumaan ako sa "Tanders Club Cardio Checkup Package" (urine & blood test, ECG, chest x-ray, 2D echogram, treadmill stress test). Paglabas ng results, ganito yung naging gist ng usapan namin ng cardiologist:

Doc: "Sir, normal naman po kayo sa lahat, except yung weight at sa liver ninyo. Kailangan nyo nang magpapayat at tumigil sa pag-inom."
Ako: "ANO? Doc, pwede bang magpapayat na lang muna, saka ko na tigilan yung alak?"
Doc: "Kayo po bahala, ang sinasabi ko lang eh delikado na yung level ng uric acid sa liver nyo at kailangan nyo nang mag-abstain."
Ako: "Ok po. Ano pong mga pagkain ang kailangan kong iwasan?"
Doc: "Sir, matanda na po kayo para malaman kung ano yung bawal para sa inyo"

(Opo, Verbatim po yung last line. Dapat pag member ka na ng Tanders Club of Manila, tanggap mo ang pagka-tanders mo. Bawal ang in denial.)

Binigyan na ako ng doktor ng go signal para mag-exercise, at sinabi nyang wag munang mag-gamot, na baka madaan pa sa lifestyle change. I-note ko daw ang blood pressure ko pagkagising at bago matulog. Itatanong ko pa dapat kung may ibibigay syang membership ID sa kin para sa Tanders Club of Manila, pero baka saksakin pa nya ako ng scalpel, mahirap na.

Madaling sabihin ang mga salitang "lifestyle change", pero putangina pramis, ang hirap gawin. So far eto pa lang ang mga ginagawa ko:

Exercise:
Bumili ako ng matinong backpack, yung ginagamit na ng mga biker at mountaineer, yung may raincover. Bumili na rin ako ng bagong sports earphones. Imbis na gumastos sa gym, naglalakad na lang ako every Mon-Wed-Fri night papunta sa office at Tue-Thu-Sat morning pabalik ng bahay (panggabi kasi ako). 9 kilometers from Pasig to Makati, 9 km din pabalik.

I call this my "Taong Grasa Cardio Workout".




Progress Tracking:
Nag-install ako sa telepono ko ng Runkeeper para ma-track ang aking Taong Grasa activities. Nag-install rin ako ng MyFitnessPal para ma-track ang kinakain ko, at Withings Health Mate para ma-store ang weight and blood pressure readings.


Diet:
As much as possible, umiiwas na ako sa rice at sa maaalat na pagkain. Di naman ako ipokrito. Kung ikamamatay ko ang sobrang rice at sobrang asin, mas maaga yata akong mamamatay kung hindi na ako magkakanin at hindi na ako kakain ng binagoongang baboy. Kalokohan yon.


Inom:
Umiinom pa rin ako, pero once a month na lang, at madadagdagan pa depende sa dami ng nagce-celebrate ng birthday nila sa buwan na yon.

At ang pinaka-importante sa lahat,

Stress:
  • Hindi na ako nagta-taxi, Uber car na lang ang ginagamit ko. Sa Uber, hindi na ako natatakot kung holdaper o hindi yung driver ko. Hindi ko na kailangang makipagtalo kung saan dapat dumaan. Hindi ko na rin problema yung bayad kasi icha-charge na lang sa credit card ko. Walang hassle, walang stress.
  • Pag sasakay ng jeep or bus, nakikinig na lang ako kay Ella Fitzgerald, Louis Armstrong, Frank Sinatra, at John Coltrane habang nasa byahe. Subukan mo to, siguradong magugulat ka sa soothing effect ng boses ni Lady Ella habang nasa EDSA traffic.
  • Sa trabaho, hindi naman maiiwasan ang stress, pero sa tuwing dumarating ang panahon na kumukulo na ang dugo ko sa galit, pupunta ako sa banyo para mag-toothbrush. Simpleng-simple pero effective na stress reliever ang pagsisipilyo para sa kin.
  • Naglinis ako ng social media:
    • Sa Twitter, nag-pigeonhole ako ng mga fina-follow ko sa kani-kanilang nilang lists. Hindi ko naman kasi kailangang basahin lahat ng brain farts nila sa bawat pag-refresh ko ng feed ko.
    • Sa Instagram, in-unfollow ko na yung mga taong puro "look at me, my life is better than yours" pics
    • Sa Facebook, 
      • nag-unfollow ako ng mga taong walang ibang pino-post kundi reklamo sa mundo.
      • nag-unfollow na rin ako ng mga ubod ng yabang
      • in-unfollow ko na rin yung mga panay ang selfie na hindi ko naman gusto ang pagmumukha
      • tinanggal ko na yung Rappler, Inquirer, GMA News, ABS-CBN News, at Interaksyon sa feed ko. Sa 6 pm news na lang ng CNN Philippines ako kumukuha ng balita
  • Ang kalaban mo lang naman sa social media ay ang FOMO or Fear Of Missing Out, kaya imbis na mag-aksaya ng oras sa Facebook, nakikipag-daldalan na lang ako sa mga kaibigan ko sa Viber group namin. Hindi mo na kailangang mag-refresh nang mag-refresh dahil kusang dadating sa yo ang kwentuhan, therefore, walang mami-miss out. Isa pang malaking difference: sa Facebook, maraming judgmental na lurker. Sa Viber, alam mo nang judgmental yung mga kausap mo, pero since magkakaibigan naman kayo, masaya ang kwentuhan.


Malayo pa ako sa ideal weight at ideal waistline. Maraming kilo pang steamed fish ang kakainin at marami pang taong grasa activities ang kailangan kong gawin. Dahil sa taong grasa activities, hindi nakakain ng exercise ang oras ko para sa pamilya. Hindi rin araw-araw ang pag-commute. Mas nama-manage ko na nang mabuti ang stress sa work. Mas masaya pa ako ngayon dahil hindi natatapos ang araw na hindi kami nagkakatawanan ng mga kaibigan ko.

And so here I am, a proud member of the Tanders Club of Manila. 73 days after ng pagsugod sa akin sa E.R., and 65 days after ng last intake ko ng blood pressure meds:










Friday, April 10, 2015

Si Kuyang Uber Driver Mula Sa Tacloban

Kumuha ako ng Uber para ihatid ako pauwi galing sa opisina kanina. Pagsakay ko ng kotse at pagkasabi ko ng destination namin, sinabi ng driver sa akin,  

"Ser, paki-guide na lang po ako. Bago lang kasi ako dito sa Maynila."

"Sige po Kuya, no problem. Saan po ba kayo galing?"

"Tacloban po, ser."

Napatigil ako. Naramdaman rin siguro ni Kuyang Driver na may gusto akong itanong sa kanya pero nagdadalawang-isip ako. Itinanong ko na rin, at nalaman kong kabilang ang pamilya nya sa mga na-displace ng bagyong Yolanda. Kasama nyang lumipat dito ang kanyang asawa, 9-year old na anak, at kanyang ina. Wala naman daw namatay sa pamilya nila.

Sinimulan nyang ikwento sa kin kung paano nya niligtas yung mag-ina nya.

"Ser, nung huli, wala ka na talagang magagawa. Nawasak na yung bahay namin. Nakadapa na lang kami sa sahig, akala ko talaga katapusan na. Sinasabi ko na lang na kahit ako na lang yung kunin, wag lang yung asawa at anak ko."

Napansin kong hindi nya nababanggit ang mga salitang "dasal", "salamat sa Diyos" o "sa awa ng Diyos" na karaniwang ginagamit ng mga may pinagdaanan sa buhay, at nakaligtas. Nakalimutan lang ba nya? May galit ba sya? Hindi ko alam.

Gusto ko sanang itanong kung ano ang pumapasok sa isip nya tuwing lumalabas yung salitang "SURGE" sa Uber driver app nya. Matutuwa ba sya kasi dagdag na kita, o maaalala nya yung sinapit nya noon sa storm surge?

Kinwento rin nya ang buhay nila paglipat dito. Naninibago pa rin daw sya sa Maynila. Sa Tacloban daw, walang barumbadong driver. Hindi sya ina-agrabiyado ng boss nya. Simple lang daw ang buhay. Sabi ko na lang,

"Kuya, kung si Yolanda nga, nalampasan ninyo e. Sisiw na sisiw na lang ang Maynila. Basta sipag lang at wag kayong magpapalamang kahit kanino, aasenso kayo. Tiwala lang. Hindi na po kayo biktima dito. Kayo na ang bida."

Pag-uwi ko sa bahay, niyakap ko yung misis ko, tapos dun na ako naiyak. Luha siguro ng pasasalamat na nandito pa sila sa piling ko, na may bubong sa ibabaw ng bahay namin, na wala pa kaming pinagdaanang matinding sakuna.

Paglabas ng Uber receipt sa telepono ko, binigyan ko ng 5 stars si Kuyang Driver sa "Rate Your Ride": 5 stars para sa safety at convenience ng biyahe ko pauwi.

5 stars din para sa tibay ng loob nya upang magpatuloy at muling itayo ang tahanang winasak ng bagyong Yolanda

Thursday, March 12, 2015

Taxi

Pag hinahanap mo, wala. Pag di ka nakatingin, biglang dadating. Pag gustung-gusto mo, nagpapataas ng presyo. Pag Pasko, dapat hindi bakante. Pag Valentine's naman, nakapila sa motel.

Ngayon, may mga app na mada-download para malaman mo kung sino ang available sa paligid mo.

Ipagkakatiwala mo ang buhay mo sa taong di mo kilala. May mabait, may barumbado. May matalino, may tanga. Minsan matatapat ka sa manloloko. Minsan, nakasakay ka pa lang, yung susunod na pasahero na ang inaatupag.

Maiinis ka pag babagal-bagal. Pag sobrang bilis naman, matatakot ka.

Mas magandang sa umpisa pa lang, alam na nya kung saan mo gustong pumunta, at yung gusto mong daan. Gumaganda ang biyahe pag nag-uusap kayo. Malas mo na nga lang pag natapat ka sa ubod na mareklamo.

Ganyan talaga pag sumasakay ka ng taxi. Parang lovelife mo lang.

Habang tumatagal, lalo kang mapapamahal. Pero kahit gaano pa katagal o kabilis ang biyahe, kailangan mong magbigay ng minimum. Minsan nga sobra-sobra pa ang ibibigay mo, pero para di ka magalit, wag ka na lang maghintay na suklian ka pa.

Sa huli, kung maghihiwalay na kayo at hindi ka naman nasaktan, magpasalamat ka sa kanya.

Dahil wala ka sa kinatatayuan mo ngayon kung hindi kayo nagkita.