Alam nyo yung commercial ng Cornetto na tinatanong lagi nila kung ano na ang mabibili ng bente pesos mo? Maniniwala ka bang makakabili ka ng perspective sa halagang bente pesos? Ito ang pinakamura at pinaka-epektib na stress reliever na na-discover ko nitong linggo lang:
Tumaya sa lotto!
Disclaimer lang, hindi ako binayaran ng PCSO para mag-encourage sa inyo na magsugal. Napaisip lang ako noong pumila ako para sa 300 million peso jackpot ng Sept 12, 2012 6/55 draw. Ngayon lang kasi ako naka-encounter ng Philippine government agency na may mahabang pila, pero wala kang maririnig na nagrereklamo kasi mabagal at matagal. Pansinin nyo sa pila ng lotto, lahat tahimik. Lahat nakatulala, malayo ang tingin. Iisa ang tanong sa isip:
"Anong gagawin ko sa pera pag nanalo ako?"
Noong ako ang nakapila, andami nang pumapasok sa utak ko kung paano gagastusin ang 300 million jackpot. Unang naisip ko kung paano palakihin yung pera. Franchise ng Jollibee, franchise ng Petron, fleet ng taxi, fleet ng school service, mutual funds, farm sa Batangas, apartments na malapit sa mga universities.
Sumunod na inisip ko eh kung gaano kalaki ang iiwan kong savings para sa akin, para sa pamilya ko, lalo na sa mga anak. Dapat matiwasay na ang buhay nila hanggang pag-graduate ng college. Bawat isa sa kanila may 1 million pesos na premyo para makatapos ng pag-aaral.
Pagkatapos ng investments at savings, dun ko na naisip yung expenses. Resthouse sa Tagaytay, condo sa The Fort. Gagala ako sa buong Pilipinas. Pagkagala ko sa buong Pilipinas, South East Asia naman. Tapos South Korea, Japan, China, Australia. Tapos gala sa US. Maglibot sa Europe, 1 month sa Amsterdam. Pag-uwi ng Pilipinas, bibili ako ng isang townhouse na ipapa-convert ko na recording studio. Magtatayo ako ng indie label para sa mga bandang ma-tripan kong i-produce ang album.
30 minutes na akong nakapila, hindi ko namalayan yung oras. Nakatulala rin yung lalaki sa harap ko. Baka pareho kami ng iniisip.
Teka, pano kung sampu kaming manalo ng jackpot? 30 million na lang yun. Ayun e di nawala na sa listahan ko yung studio, yung US, Europe, at Asia trip. Kahit na wala na rin yung Southeast Asia tour, gagala pa rin ako sa buong Pilipinas. Ang importante, naroon yung savings tsaka kahit franchise ng Jollibee, buhay na kaming pamilya.
Naku, pano kung limang number lang ang tumama? 150,000 pesos lang yun. Sige sa savings na ng mga bata ilagay yung pera.
Kung apat na numero lang, 2000 pesos na lang ang premyo. Sige kahit walang franchise ng Jollibee, ililibre ko na lang sa Jollibee ang mga bata.
Eh pano kung wala kahit isang tumama?
Panalo pa rin ako. Sa halagang bente pesos, naging reminder sa akin ang lotto kung para saan ang mga sakripisyo ko sa buhay. Umuwi akong nagpapasalamat dahil may trabaho ako ngayon para makapag-provide sa pamilya. Nagpapasalamat ako sa lagay ko ngayon, na hindi ko kailangang umasa sa sugal para mabigyan ko ng magandang buhay ang pinakamalalaking jackpot ng buhay ko:
Ang mga anak ko.