Wednesday, December 17, 2014

Bayad Utang

"Alam nyo na ang gender ng baby sa tiyan ni misis?"

"Oo pre. Girl daw sabi ng doktor."

"Ayun o! Pambayad utang!"

Hindi ka siguro Pilipino kung hindi mo pa naririnig ang ganitong usapan. Ang anak na babae ay binigay ng tadhana ("karma" so to speak) upang pambayad sa pagpapaiyak, pambayad sa panloloko, pambayad sa pananakit ng ama sa mga past relationships nya.

Natanggap ko ang ganitong mga pagbibiro noong ipinagbubuntis ni misis ang baby girl namin. Tuwing ia-announce ko na girl ang magiging bunso namin, automatic na yung reaction na "ALAM NA KUNG BAKIT GIRL!"

Naiisip ko minsan, tama yung biro na yun e. Halos mabaliw na ako ngayon kakaisip kung paano ko babantayan ang anak ko kapag lumaki syang kasing ganda at kasing bait ng nanay nya. Imbis na mag-aral ng ballet, papaaralin ko sya ng Krav Maga, Aikido, Taekwondo, tsaka Brazilian Jiu-jitsu. Nagbabalak na rin akong makipagkilala sa mga riding-in-tandem guns-for-hire para alam ko kung sinong lalapitan pag may lalaking nagpaiyak sa kanya. Tumigil na nga akong magyosi para lang madagdagan ang oras ko sa mundo, para lang mabantayan sya.

Dahil natatakot akong may makilala syang tulad ko noon.

Pero lahat ng takot na to ay mabubura ng isang simpleng "Hi Daddy!". Big smile. Round eyes. Pigtails. Sugar and spice and everything nice. Titigil ang mundo sa sobrang tuwa. Biglang may tutugtog sa isip ko
"...with all that I've done wrong, 
I must have done something right
To deserve a hug every morning
And butterfly kisses at night"
Ang ganda namang pambayad utang nito. Sino ba talaga ang may utang? Ako ba yung nagbabayad, o ako yung nabayaran?

Natutunaw lahat ng problema ko sa mundo kapag yumakap na sya sa kin at hahalik sa pisngi ko. May kakaibang glow sa mukha nya kapag may bago syang damit at isusuot nya para makita ko. Minsan, hindi sya makakatulog kapag hindi sya nakasiksik sa akin. Kapag nakakita sya ng ipis, tatakbo sya sa kin at magsusumbong. At parang si Leonidas sa 300, susugurin at papatayin ko yung walanghiyang ipis na tumakot sa mahal ko.

Ramdam na ramdam ko na "a father is a daughter's first love". 

Tuwing katabi ko sya sa pagtulog, marami akong sinasabi sa kanya sa isip ko. Nangangako akong hindi nya ako makikitang maninigarilyo o umiinom hangga't kaya kong iwasan. Hinding-hindi ako mawawala sa tabi nya para i-celebrate ang mga milestones sa buhay nya, kahit gaano pa kaliit. Ililibot ko sya sa Pilipinas, at sa buong mundo. Hindi nya ako makikitang mababaon sa utang. Kung magkaproblema man kami ng mommy nya, o kung may mga hindi maiiwasang paghihirap sa pamilya, logic ang paiiralin namin at magfo-focus kami sa solution, hindi sa drama.

Dahil bilang "first love", gusto kong ako ang gagawin nyang standard sa kung ano ang magiging gusto nyang qualities ng boys. Dapat lahat ng magiging ka-relasyon, at ang mapapangasawa nya, matatapatan o mahihigitan ang mga nagawa ko para sa kanya.

Hindi ibinigay ang mga baby girl para magbalik-tanaw ang mga ama sa mga kalokohan nila noong nakaraan. Dumating sila na parang alarm clock ng buhay, na nagsasabing

"Pare, oras na. Become the man you're destined to be."

Monday, September 15, 2014

I love Pilipinas

Bumisita ako ulit ng Singapore. Kasalukuyan kong sinusulat sa bus stop to habang hinihintay ang sasakyan ko papuntang mall. Sabi kasi sa app nila, 19 minutes pa daw bago dumating yung bus.

Let it sink in. Sa bus stop lang tumitigil ang bus. May sinusunod na schedule. Sa app mo malalaman kung anong oras dadaan yung sasakyan mo.

Tulad ng lahat ng Pilipinong dumadalaw ng ibang bansa, di ko mapigilang magtanong ng "bakit hindi ganito sa Pilipinas?" at kasunod nito ay ang walang katapusang paglilista ng mga bagay na ikinagagalit ko. Bulok na public  transportation system, bulok na traffic enforcement, mga bobong driver. And the list goes on.

Halos tatlong taon din akong nagtrabaho noon sa Singapore. Noong simula, nasabi ko sa sarili ko na "Hallelujah nakatakas na rin sa bwakananginang hell hole na Pilipinas! Pakyu mga tarantadong pulitiko!" Pero lumipas ang mga taon, unti-unti kong naramdaman,

Gusto ko nang bumalik sa Pilipinas.

Parang may gelpren ako na sobrang tagal ko na ka-relasyon, tapos napapansin kong hindi na ako masaya. Sinabi ko sa kanya, "Gusto ko ng space. Cool off muna." Lumayo ako, nakipag-date sa iba't-ibang gerls. Pero pagtagal eh nagtataka na  ako kung bakit hinahanap-hanap ko yung wrong grammar nya, yung baho ng hininga nya pagkagising sa umaga, yung amoy ng kili-kili nya pag di sya naligo buong araw.

Tulad ng mapagkumbabang ex na nakikipagbalikan sa kanyang gelpren, bumalik ako sa Pilipinas. At ngayon, alam ko na ang ibig sabihin ng cliché na "love is sweeter the second time around".

Naiinis pa rin ako sa traffic at sa instant taong grasa makeup na ibibigay sa yo ng EDSA. Naiinis pa rin ako sa mga barker ng jeep na pilit pinapagkasya ang 20 katao sa jeep na pang-14 lang ang upuan. Napipikon ako sa mga balita sa TV, na mas binibigyan pang halaga ang lovelife ng kung sinong artista kesa mga balitang makakatulong sa pag-unlad ng kabuhayan ng mga tao. Pero naiinis man ako, mas malaki na ang pagmamahal ko sa bansa para maapektuhan pa ako ng mga bagay na to.

Sigurado akong marami sa atin ang nagsasabing, "mahal ko ang Pilipinas, pero kung hindi maaayos ang gobyerno, sa ibang bansa na lang ako" o kaya "mahal ko ang Pilipinas, pero ayokong dito lumaki ang mga anak ko"

Bago ako maging OFW, ganun ang nasasabi ko, laging may kadikit na "pero" ang "Mahal ko ang Pilipinas." Pagbalik ko ng bansa, nagulat na lang ako na "kasi" na ang kadikit nito.

Mahal ko ang Pilipinas kasi masarap ang lechon, crispy pata, kare-kare, binagoongan, pakbet, at dinuguan na luto dito.

Ay baket ba gay-on ang lechon na ire?
Mahal ko ang Pilipinas kasi kahit kailan ko gusto, mapapanood ko sa mga gig nila ang mga paborito kong bandang Sandwich, Pedicab, Pupil, Urbandub, Parokya Ni Edgar, Peryodiko, at si Barbie Almalbis.

Mahal ko ang Pilipinas kasi mas masayang manood ng iba pang local channels bukod sa ABS-CBN. Walang mga dokyu ng GMA News TV, Eat Bulaga, tsaka PBA sa TFC.

Mahal ko ang Pilipinas kasi mas masaya ang mga kiddie parties dito na pinupuntahan ng mga anak ko (lalo na pag Jollibee kasi libre ang Chickenjoy at spaghetti hehehe)

Mahal ko ang Pilipinas, kasi gusto kong dito  lumaki bilang Pilipino ang mga anak ko. May angas, natural na komedyante, may diskarte sa buhay, may pagmamahal at paggalang sa nakatatanda.

Mahal ko ang Pilipinas. Kasi Pilipino ako, sa isip, sa salita, at sa gawa.

Saturday, August 09, 2014

The UP Bonfire and 3 Secrets to A Happy Life

Para sa mga walang idea kung ano ang "UP Bonfire":

  • Una, ang "bonfire" ay isang activity ng Ateneo De Manila University para i-celebrate ang kanilang "tradition of winning" tuwing may nakukuha silang championship. Keyword: CHAMPIONSHIP.
  • Pangalawa: Ngayong araw na to nanalo ang UP Fighting Maroons laban sa Adamson Soaring Falcons, na tumapos sa 27-game LOSING STREAK ng Maroons. Yung huling panalo daw ng UP e nung Aug 19, 2012 pa, nung tinalo nila ang University of the East, 63-48.

Hence, UP Bonfire.

Source: Philippine Collegian

"Parang tanga tong mga taga-UP no? Nanalo lang ng isa sa UAAP, hindi pa ganun kalakas ang kalaban nila, nag-bonfire na!"

Sigurado naman akong may Atenistang magsasabi sa yo na "hindi naman necessarily championship ang dahilan ng bonfire. Dude, chong, it's a symbol for the fighting spirit. One Big Fight, pare!"


Pero tama na yan. Kids, marami kayong matututunan sa UP Bonfire na to. Meron ditong nagtatagong 3 secrets to a happy life.

Isipin mo, talong-talo ka buong buhay mo, pero dumating yung one chance to tell the world na "tangina! kaya ko to!", tapos nanalo ka! Kung napanood mo na ang Rudy, Karate Kid, Mighty Ducks, o kaya Rocky, alam mo ang sinasabi kong "one chance" na to.

Yun nga lang, hindi naman mala-Apollo Creed yung kalaban ng UP Fighting Maroons dito. More of Bobby Pacquiao lang. Ang totoo nyan, laban ito ng dalawang kulelat sa standings. 0-6 ang UP, 0-5 ang Adamson. Pero, to quote the wisdom of one of the greatest philosophers of our time, si Vin Diesel:

"It don't matter if you win by an inch or a mile. Winning's winning." - Dom, Fast and the Furious (2001)

Nanalo ang kulelat na UP sa kulelat na Adamson? Mag-bonfire! Pasang-awa ka sa exam sa math? Padagdagan mo ng pearl ang milk tea na lagi mong inoorder! Nasabihan ka ng boss mo ng "good job"? Umorder ka ng calderetang baka at extra rice sa suki mong jollijeep! Naka-80% sa report card ang anak mong laging line of seven ang grade? Bigyan mo ng extra 1 hour sa paggamit ng internet sa bahay!

1st secret to a happy life: Celebrate even the smallest wins.

Kapag nagce-celebrate ka ng smallest wins, magfo-focus ka sa paghahanap ng mga positive na pangyayari sa buhay mo. At hindi rin naman maiiwasang ma-addict sa thrill of victory. Tulad lang ng pagsabay sa Twitter trend ng #UPBonfire ang tanong na "ano nang gagawin natin pag nanalo ulit ang UP?"

Ang UP Fighting Maroons, masakit mang tanggapin para sa mga taga-UP, eh palaging natatalo. Kaya wag kang mag-expect na dahil lang sa isang panalong to, sunud-sunod na ang wins nila.

2nd secret to a happy life: Always lower your expectations.

Kung may kaibigan kang utang nang utang sa yo pero hindi naman nagbabayad, wag mo nang i-expect na bigla na lang syang lilitaw at babayaran lahat ng utang nya. Kung may kapatid kang sunud-sunod ang mga gelpren na panget na ang mukha, masagwa pa ang ugali, wag kang mag-expect na isang araw magiging gelpren na nya si Taylor Swift. Pwede kang mangarap, wag ka lang umasa.

Wala rin sigurong panget na movie kung hindi ka magpapadala sa ratings ng IMDB at Rotten Tomatoes. Lahat siguro ng restaurant, magugustuhan mo ang pagkain kapag hindi ka nagpapadala sa opinion ng mga food bloggers, or wala kang standard na lasa na pwede mong basis for comparison.

Kung alam mong pupunta ka sa isang government office para mag-asikaso ng papeles, mag-prepare ka para sa whole day ng paghihintay. Extreme na siguro to, alam ko naman na may hangganan ang pasensya mo. Ang sinasabi ko lang eh babaan ang expectations mo para hindi ka ma-stress, therefore happy life.

Mase-stress ka lang kasi sa mga bagay na wala kang control over. Kelan ka ba nawindang kasi under control mo yung situation? Laging ang mga bagay na wala na sa mga kamay natin ang nagbibigay ng takot.

Which brings me to the 3rd secret to a happy life. Sa gitna ng hype nitong UP Bonfire, humirit ako sa Facebook ng "nanalo na ang UP, single ka pa rin."

At ang napakahusay na sagot ng nag-comment:

"Kung UP nga nanalo, e di may pag-asa pa ako."



Thursday, July 31, 2014

Homophobic Blog Entry

Naaalala ko yung sinulat ko noon tungkol sa CR Para Sa Mga Bakla. To summarize the blog entry, nag-CR ako minsan, tapos napansin ko na habang jumi-jingle ako, nakasilip sa ari ko yung nasa kabilang urinal. Nagalit ako, at sinabi kong dapat may sariling CR ang mga members ng "third sex".

Niyari ako nang husto sa comments ng blog entry na yon, na nasa linya ng "ignorante", "bobo", "bigot", at kung anu-ano pa. Binasa ko sya ulit ngayon at tingin ko, may point pa rin naman yung sinulat ko. Yun nga lang, hindi sya issue ng kabaklaan.

Issue sya ng morality. Pamboboso yon, nagkataon lang na "homecourt" ang men's CR kaya mas accessible. Nagalit ako sa paggamit ng mga manyak na bakla bilang advantage ang makapasok sa banyo ng mga lalaki. Walang pinagkaiba sa manyak na straight na lalaki na nagdamit babae para makapasok sa Women's CR para mamboso.

Oo, inaamin ko, homophobic ang blog entry ko na yon. Magalit ka na sa akin kung magagalit ka, pero pananaw ko yun noong panahon na yon at hinding-hindi ko na maaring baguhin ang nakaraan.


What else should I say? Everyone is gay.
Isa ako sa maraming Pilipinong pinalaki ng mga magulang na umiwas sa mga bakla. Sa inyong mga bading na galit sa mga tulad naming pinalaki na homophobic, sana maintindihan nyo rin na hindi ganoon kadaling magbago ng pananaw sa buhay. Kung ipinanganak ang isang tao sa Katolikong pamilya, bininyagan bilang Katoliko, lumaki bilang Katoliko, hindi mo mae-expect na magbago sya agad-agad ng pananaw at tanggapin lahat ng itinuturo ng mga born again o kaya ng Iglesia Ni Cristo.

Pero, paano ba tanggapin ang mga bakla sa lipunan? Kasing simple lang ba sya ng hindi mandiri kapag nakakakita ng picture, video, or actual na halikan ng dalawang lalaki? Honestly, hindi ko pa rin kakayaning makakita ng ganun. Natanong ko to dahil makalipas ang ilang taon mula noong sinulat ko yung blog entry na yon, napansin ko naman na nagbago na rin ang tingin ko sa mga bakla, at hindi ko alam kung yun ba ang tamang "pagtanggap" sa kanila:

Noon, ipinagdadasal ko na sana hindi maging bading ang mga anak kong lalaki. Ngayon, kapag tinanong na ako ng "anong gagawin mo pag nagkaroon ka ng anak na bakla?" ang sagot ko e "ok lang yun, sigurado akong may mag-aalaga sa akin hanggang pagtanda ko parang pagmamahal ni Boy Abunda sa nanay nya."

Noon, iniisip ko na salot sila sa lipunan. Ngayon, iginagalang ko ang bigat ng impluwensya nila sa kultura. Marami sa mga mahuhusay na pelikula ay gawa nina Jose Javier Reyes, Lino Brocka, Joel Lamangan, Brillante Mendoza, at Ishmael Bernal. Nito ko rin nga lang nalaman na bakla si Maryo J. de los Reyes, ang direktor ng dalawa sa mga pinakapaborito kong Pinoy movies of all time, yung "Bagets" at "Magnifico". Pero hindi ko kino-consider na "magaling silang direktor, kasi bakla" kundi "magaling silang direktor, period".

Minsan, may mga malalaking kontribusyon sila sa kultura na hindi ko nagugustuhan, tulad ng mga walang prenong patawa ng mga bading na stand up comedian tulad ni Vice Ganda. Pero noong panahon ko naman, marami ring nandidiri sa humor ni Joey De Leon, at kahit hindi gusto ng iba, tuwang-tuwa pa rin ako sa kanya. Kaya hindi na rin sya usapang "kadiri yung humor, kasi bakla" kundi "kadiri yung humor, period".


Noon, umiiwas ako sa bakla na parang may nakakahawa silang sakit. Ngayon, hindi pwedeng hindi ko yayain ang mga beki friends ko sa inuman. Nalulungkot pa nga ako pag hindi sila nakakapunta, kasi parang patay yung party kapag wala sila.

Noon, akala ko, walang kwentang makipag-usap sa mga bakla dahil wala silang ibang alam na pag-usapan kundi ang makakita ng malalaking etits. Ngayon, hindi ko na naiisip to dahil isa sa mga pinakamagaling kong narinig magbigay ng advice ay bakla. Kapag humingi ka sa kanya ng payo (hindi pera ha), sasabihin niya sa yo ang tama at totoo, hindi lang yung mga salitang gusto mong marinig, para matauhan ka.

Noon, kinakabahan na ako kapag may bakla sa CR ng mga lalaki. Ngayon, sa mga salita nila, keri na lang.  Nawala na yata ang takot ko dahil ngayon, mas matindi na ang respeto ko sa mga kakilala kong bakla. 

Pero may kinakatakutan pa rin naman ako sa CR na tingin ko hinding-hindi ko maiintindihan kahit na kailan.

Mga hindi marunong mag-flush.

Wednesday, July 30, 2014

Sa Mga Bagong Tatay At Magiging Tatay Pa Lang

Hindi ko alam kung anong meron ngayong taon na to pero parang maraming nabuntis at may mga nanganak na. Sa inyong mga bagong tatay at soon-to-be tatay, pagbigyan nyo na ako at hindi ko mapigilang mag-share ng knowledge mula sa experience na (here comes the cliche) mahirap pero sobrang sulit at saya:

  1. Humingi na agad sa mga kaibigan ng recommendations para sa pediatrician. Hindi reliable ang internet sa ganitong mga desisyon. Ang pedia ang magiging best friend nyo sa unang tatlong taon ng anak ninyo. Choose your best friend wisely.
  2. Bago manganak, i-encourage nyo si misis na mag-breastfeed. Humingi rin ng payo sa OB/Gyne or sa magiging pediatrician ninyo tungkol sa breastfeeding. Para saan? Ganito: pumunta ka sa pinakamalapit na supermarket. Tingnan mo kung magkano ang pinakamahal na infant formula. Multiply mo yung presyo by 4. Yan ang matitipid mo per month sa pag-breastfeed.
  3. Huwag masyadong gawing reason ang "minsan lang sila maging bata", unless may balak kayo na sundan sya agad at mag-recycle. Namomroblema kami ngayon sa storage space dahil sa mga lumang laruan, damit, at sapatos na hindi na nagamit after a few months. Mabilis silang lumaki, kaya hinay-hinay lang sa pagbili.
  4. Habang baby pa lang sya, pumili na kayo ng 3-5 songs na kakantahin ninyo sa kanya na lullaby. Malaking tulong ito lalo na pagdating ng age 2-3. Pag binuhat nyo na sya at kinanta ang "pampatulog playlist" ninyo, alam na nya na sleeping time na at kusa na syang yayakap sa inyo. Yung anak kong 8 years old na ngayon, yung playlist nya mula nung baby pa sya, kinakanta ko pa rin hanggang ngayon sa kanya:
  5. Pansin ko lang, ang unang natututunan ng bata pag natuto na syang tumayo at lumakad ay ang tumakas sa kung ano mang "kulungan" nya (crib, playpen, etc). Siguraduhin ninyong safe ang babagsakan nya kung sakaling maging successful ang prison break nya.
  6. Bonggang 1st birthday party? Sige kung may pera kayo. Di ko lang gets yung mga 1st birthday party na sobrang bongga. Para sa anak nyo ba yan o para sa inyong mag-asawa kasi naka-survive kayo ng isang taon na pagod at puyat sa kakalinis ng pwet at kakatimpla ng gatas?

Last but not the least, ilayo nyo sila sa negativity. Kung nagsisigawan kayong mag-asawa, wag kayong magsigawan sa harap nya. Kung nanonood kayo ng telenobela sa TV na puro sigawan, o balita na puro patayan at krimen sa Quezon City, hinaan ninyo ang volume. Bago man lang sila ma-expose sa reality ng Pilipinas, iregalo nyo na sa kanila ang mga unang taon ng buhay nila na punung-puno ng pagmamahal at saya.

Stock image ba to? Hindi ko alam e. Hahaha

Friday, March 28, 2014

Happy Birthday To Me, 10 Years Later (a.k.a. The Cure To Quarter Life Crisis)

10 years ago, nag-blog ako tungkol sa birthday ko. Binasa ko sya ulit kanina. Medyo natawa na lang ako nung nabasa ko yung ending paragraph na:

"Isa na to sa mga pinakamasayang birthday ng buhay ko. Nakatulog akong nag-iisip kung bakit pa ako nabubuhay dito sa mundo. Nagising ako at ipinakita sa akin kung bakit kailangan ko pang mabuhay."
Well, anyway, kaya ako natatawa, eto kasi ang mga nangyari sa buhay ko pagkatapos kong magsulat tungkol sa so called "isa sa pinakamasayang birthday ng buhay ko"

  • 2004 - Naging gelpren ko ang babaeng pakakasalan ko (hindi sya yung crush ko na andun sa blog entry sa taas)
  • 2005 - Kinasal kami. Bilis no?
  • 2006 - Pinanganak ang panganay namin. Do the math. Hahaha
  • 2007 - Na-promote ako sa trabaho (hindi dahil sa tenure, pero dahil sa merit)
  • 2008 - Nakita ko ang Old Faithful at Grand Canyon. Nasakyan ko lahat ng rides sa Six Flags Magic Mountain at thrill rides ng Stratosphere Las Vegas
  • 2009 - Sinabihan ako ni Ely ng "I Love You Too Pare" sa Eraserheads Final Set
  • 2010 - Nanirahan na kami sa Singapore at nakasama ko ang mga college best friends ko doon.
  • 2011 - Napanood ko nang live si Eric Clapton, si Slash, at ang Stone Temple Pilots, ilan lang sa mga tinuturing kong heroes ng music
  • 2012 - Pinanganak ang baby girl ko
  • 2013 - Bumalik kami sa Singapore, pero para manood ng concert ng Eraserheads
Pasensya na kung medyo mayabang ang dating, ang point ko lang e every year since that day, may binigay na reason sa akin para sabihing "THIS IS THE BEST YEAR OF MY LIFE"

10 years ago, tulad ng marami sa inyo, dumaan ako sa quarter life crisis. Sabi ni Wikipedia,
The quarterlife crisis is a period of life usually ranging from the late teens to the early thirties, in which a person begins to feel doubtful about their own lives, brought on by the stress of becoming an adult... Common symptoms of a quarter life crisis are often feelings of being "lost, scared, lonely or confused" about what steps to take in order to transition properly into adulthood.
O di ba? Yung pinagdadaanan ko 10 years ago, saktong-sakto sa symptoms. Pero, eto na ako ngayon, masasabi kong masaya ang buhay ko at nalampasan ko na nga siguro yung quarter life crisis.


Sa inyong mga dumadaan sa ganitong phase ng buhay, eto ang mga maipapayo ko para maka-graduate kayo with flying colors:

Huwag na huwag mong i-compare ang sarili mo sa ibang tao.

Hindi mo maiiwasang sabihin sa sarili mo na "buti pa yung kaklase ko nung high school ang yaman na" o kaya "ang galing nung kalaro ko dati, manager na ngayon sa trabaho nya". Alam mo, OK lang mainggit. Nature ng tao yon. Ang masama eh yung ma-consume ka ng inggit mo, na matatakot ka sa possibility na hindi mo na sila maaabutan pagdating sa career or financial advancement. Fear is the path to the dark side, ika nga. Wag kang mag-focus sa mga bagay na mas higit sila sa yo. Isipin mo ang mga bagay na kung saan ikaw naman ang higit sa kanila, and at the end of the day, masasabi mo sa sarili mo na pantay-pantay din lang pala kayong lahat.

Lahat ng gawin mo sa katawan mo, ibabalik din sa yo.

Sige lumamon at uminom ka na parang walang bukas para malunod ang lungkot mo. 10 years from now, sisingilin ka na ng atay, puso, kidney, at lungs mo. Yung 500 pesos na sisig at beer mo araw-araw, eventually, magiging 500 per consultation sa doctor. Hindi pa kasama yung gamot nyan.

Travel.

Wala akong pakialam kung saan mo gustong pumunta. Ang importante e hindi sya dapat mabulok sa pagiging pangarap lang. Gawin mo. Akala mo mahirap mag-travel, pero madali lang, as soon as malaman mo kung anong klaseng traveller ka. Traveller ha, hindi tourist. Malaki ang difference.

Tatlo ang klase ng travellers para sa akin. Una, ang "Samantha Brown" na puro kasosyalan. Pangalawa, ang "Anthony Bourdain" na tamang mix ng sosyal at koboy. At pangatlo, ang aking paborito, ang "Drew Arellano" na nae-enjoy ang travel kahit na maliit lang ang budget.

Huwag maging tanga sa perang kinikita mo.

Ano kamo? Retail Therapy ang sagot sa quarter life crisis? O sige bumili ka ng bagong cellphone para pwede mong iyabang sa Starbucks! Yang 20 thousand peso cellphone na pinaglalawayan mo ngayon, 10 years from now, kahit snatcher, walang tatanggap. Pero isipin mo, kung bumili ka ng 20 shares at 1000 pesos per share ng PLDT 10 years ago, nasa 54000 pesos na ang pera mo kasi 2700 pesos per share na ang PLDT ngayon. YAN ang pwede mong iyabang sa Starbucks.

Manood ng concert at least once a year.

Pag tinanong siguro ako ng "Kahit na masaya ang buhay mo ngayon, ano ang mga regrets mo?" ang isasagot ko: "Pearl Jam Live in Manila", "Metallica Live in Manila", "Rage Against The Machine Live in Manila", "Smashing Pumpkins Live In Manila", mga concert na hindi ko napanood noong dumalaw sila dito sa Pilipinas. Noong kasikatan ng Eraserheads, kahit nanonood ako pag nagco-concert sila sa school, hindi ako nagpupunta sa mga bar gig nila. Kaya ngayon ako bumabawi, kung kailan paminsan-minsan at sa malalayong lugar na ang tinutugtugan nila.

Minsan lang sila maging sikat, pero habambuhay silang mananatili sa playlist mo. Panoorin mo na habang may pagkakataon.

Huwag mag-aalala, dahil the best days of your life are ahead of you.

Itanim sa puso at isipan ang mga iniwang salita ni Steve Jobs sa commencement address nya noong 2005 sa Stanford:
"You can't connect the dots looking forward; you can only connect them looking backwards. So you have to trust that the dots will somehow connect in your future. You have to trust in something — your gut, destiny, life, karma, whatever."



Teka, teka, teka, teka, teka muna, teka. Bigla kong na-realize na natapos ko na yung quarter life crisis...

Tangina, next na yung mid-life?

Friday, March 14, 2014

Parinig

May Facebook or Twitter friend ka ba na kung mag-post e parang nagpaparinig sa yo?

"Yung ibang tao dyan puro selfie, para namang ubod ng kagandahan."

"Hindi ka siguro taga-Pasig no? Kasi bawal ang plastic dito e."


or may mga defensive o "I am the victim here" na parinig din tulad ng:

"Yung mga mahilig magsalita sa likod mo, sila yung nangungunang inggit sa yo"

"Kahit na anong gawin mong mabuti, may mga taong hihila at hihila sa yo pababa"


Imposibleng walang ganyang posts sa wall mo. Nag-evolve na nga yan e, umabot na rin sa Instagram. Mga hateful words na alam mong para sa isa o sa isang grupo ng mga tao lang, pero pinaparamdam ng nagsulat na para sa lahat yon.

Inaamin ko, nagparinig na rin ako sa social media, maraming beses na. Hanggang ngayon, may tendencies pa rin ako na magparinig na sobrang hirap pigilin. Pero habang tumatanda ako, unti-unti kong nari-realize ang mga sumusunod:

1) Walang pagbabagong nagagawa ang pagpaparinig.

Nakakainggit yung lakas ng loob ng mga "Open Letter to " kasi, kahit papaano, may name di ba? O kaya yung mga may @username mention sa Twitter. O kaya yung may tag sa Facebook. Tukoy nila kung sino ang may problema, at kung ano ang pagbabago na nais nilang makita.

Sa pagpaparinig, imagine mo na lang na may nag-iisang mekaniko sa garahe ng mga taxi, tapos sasabihin ng may-ari na "YUNG ISA SA MGA KOTSENG YAN, MAY SIRA YUNG CARBURETOR!"

Sa tingin mo ba may maaayos na kotse sa ganoong paraan?

2) "If you spot it, you got it!"

Malaki ang galit ko sa mga taong tumatawid ng kalsada tapos nago-ober-da-bakod kung may fence sa center island. Lagi kong iniisip na may dahilan kung bakit nilagyan ng bakod yan, tanga!

 
Pero ang nakakatawa, kapag usapang yabangan na, lagi kong binibida yung mga kalokohan ko noong kabataan ko. Inaakyat namin yung bakod ng school para makapag-lakwatsa sa Megamall. Inaakyat ko ang bakod ng bahay namin para makalabas at pumunta sa "Payanig Sa Pasig" on a school day (napapaghalataan ang edad hahaha). Inaakyat namin yung bakod na may barbed wire para makapag-swimming sa campus nang madaling araw pagkatapos ng inuman.

Galit ako sa mga umaakyat ng bakod, kasi gawain ko yon. Parang yung sinasabi lagi ng teacher namin dati: "if you point a finger at others, three fingers will point back at you"

Kung ire-rewrite natin yung mga parinig sa taas using the "If you spot it, you got it!" framework, ito ang mga totoong ibig nilang sabihin:

"Pangit ako, pero ubod ng ganda rin ang tingin ko sa sarili ko."

"Plastic ako."


kahit sa mga defensive na hirit:

"Mahilig akong magsalita sa likod ng ibang tao, kasi ako ang nangungunang inggit sa kanila."

"Kahit na anong gawin mong mabuti, hihilahin at hihilahin kita pababa."


3) Hate is a virus.

As long as may mga marunong magalit pero walang lakas ng loob makipag-usap sa kinagagalitan nila, hindi mo kayang pigilan ang pagpaparinig ng mga tao sa social media -- dahil hindi tumitigil ang galit sa isang tao lang. Dapat may karamay sya na may sama  din ng loob sa kinagagalitan nya.

For example: May nagpost ng parinig. Tapos, kinabukasan sa opisina, magtatanong sa kanya  si Officemate A ng "uy para kanino yung pinost mo kagabi?" Tapos, habang nagkukwentuhan sila, lalapit si Officemate B at magtatanong ng "uy sino yang pinaguusapan nyo?" Tapos, may isang makakarinig na wala naman talagang pakialam noong simula pero since galit na rin si officemate A and B, magagalit na rin sya.

Walang pinagkaiba ang paraan kung paano kumalat ang sipon at galit. Yun nga lang, ang sipon, may gamot na nabibili sa drugstore. Ang gamot sa galit dapat galing sa isip, sa salita, at sa gawa.

Hindi lang sa dasal. Tulad nito.

At kapag pumapasok ang usapang "things we think, say, or do," naalala ko lang yung rebulto ng Rotary Club na laging nadadaanan ng jeep tuwing pumapasok ako noon. Dahil sa traffic, paulit-ulit ko syang nakikita araw-araw.

"Rotary Club Four-Way Test":

  1. Is it the truth?
  2. Is it fair to all concerned?
  3. Will it build goodwill and better friendships?
  4. Will it be beneficial to all concerned?

Sinasabi ko sa yo, ang hirap sundin nito. Hanggang ngayon, nahihirapan pa ako na bago ko gawing outlet ng galit ang social media at magkalat ng hate virus, idaan ang post sa 4-way test.

Because prevention is always better than deleting the post.

Wednesday, March 05, 2014

Kotse

Sa inyong mga hindi nakakakilala sa akin, masasabi ko naman na kaya kong makabili ng sasakyan, pero convinced talaga ako na hindi worth it ang pagbili nito dahil 1) sobrang bilis nito mag-depreciate; at 2) umaasa ito sa gasolina, isang commodity na hindi stable at sobrang bilis tumaas ang presyo. Isa syang malaking financial black hole, and to put it simply, "para kang bumili ng mamahaling martilyo na ihahampas sa ulo mo."


Nitong linggo lang, nag-post ako sa Facebook ng tanong na matagal nang bumabagabag sa isip ko.

Kung gusto nyong basahin yung article, click nyo to.

Nagkaroon kami ng masayang back-and-forth sa comments, at maraming interesting sa talking points:
  1. Kung walang magbabago sa pag-iisip ng mga tao, hangga't "necessity" tsaka "symbol of success" ang kotse, walang ibang mangyayari kundi paglaki ng problema sa traffic.
  2. Pero subjective ang necessity, at kung nasa definition mo ng necessity ang pagkakaroon ng sasakyan, e di bumili ka.
  3. Kung aayusin lang talaga ng gobyerno ang bus at train system ng Metro Manila, pati na rin ang law and order, mababawasan ang mga kotse sa kalye
  4. "A developed country is not a place where the poor have cars. It's where the rich use public transportation." - Enrique Peñalosa
Pero sa topic ng pagiging "necessity" at "symbol of success" ang pagkakaroon ng sasakyan, isa sa mga reply doon ang nakapagpaisip sa akin


Kita nyo yung unang dalawang point nya? Tungkol sa "risk" at "hawak ang oras"? Ito yung nakapagpa-realize sa akin kung bakit naging "symbol of success" ang pagkakaroon ng kotse. Kapag nagkaroon ka na ng kotse, hindi mo na kailangang sabihin, pero makikita na lang ng buong mundo na:
  1. Nakuha mo na ang unang million pesos ng buhay mo (pero kung galing sa magulang mo yung kotse, wag kang mayabang hahaha)
  2. Hawak mo ang oras mo at ang mga lugar na gusto mong puntahan. Hindi ka naghahabol ng "last trip" at hindi mo kailangang maglipat-lipat ng sasakyan para lang makapunta sa kung saan
  3. Nama-manage mo ang risks ng biyahe, hindi tulad ng pagsakay sa bus na ipinapa-"Bahala na si Batman" mo ang buhay mo at ng pamilya mo.
Ang pagma-manage ng sarili mong risks at paghawak sa sarili mong oras ay dalawa lang sa mga signs ng maturity na naghihiwalay ng "men" sa "boys". Men take control and responsibility. Ang pagbili ng sariling sasakyan ay hindi lang status symbol na nagsasabing may pera ka na, pero para sa ibang tao, ito ay rite of passage. Walang pinagkaiba sa Naghol Land Diving, Maasai Lion Hunt, Bullet Ant-Glove ng Satere-Mawe tribe. 

Tuli, Part 2.

Naiintindihan ko na kung bakit necessity para sa iba ang kotse. Iba lang talaga siguro ako mag-isip. Pwede mo ngang sabihin na "supot pa" sa mata ng ibang tao. Darating din siguro ang panahon na bibili ako ng sarili kong sasakyan. 

Pero saka na, pag tumatae na ako ng pera.