Friday, March 28, 2014

Happy Birthday To Me, 10 Years Later (a.k.a. The Cure To Quarter Life Crisis)

10 years ago, nag-blog ako tungkol sa birthday ko. Binasa ko sya ulit kanina. Medyo natawa na lang ako nung nabasa ko yung ending paragraph na:

"Isa na to sa mga pinakamasayang birthday ng buhay ko. Nakatulog akong nag-iisip kung bakit pa ako nabubuhay dito sa mundo. Nagising ako at ipinakita sa akin kung bakit kailangan ko pang mabuhay."
Well, anyway, kaya ako natatawa, eto kasi ang mga nangyari sa buhay ko pagkatapos kong magsulat tungkol sa so called "isa sa pinakamasayang birthday ng buhay ko"

  • 2004 - Naging gelpren ko ang babaeng pakakasalan ko (hindi sya yung crush ko na andun sa blog entry sa taas)
  • 2005 - Kinasal kami. Bilis no?
  • 2006 - Pinanganak ang panganay namin. Do the math. Hahaha
  • 2007 - Na-promote ako sa trabaho (hindi dahil sa tenure, pero dahil sa merit)
  • 2008 - Nakita ko ang Old Faithful at Grand Canyon. Nasakyan ko lahat ng rides sa Six Flags Magic Mountain at thrill rides ng Stratosphere Las Vegas
  • 2009 - Sinabihan ako ni Ely ng "I Love You Too Pare" sa Eraserheads Final Set
  • 2010 - Nanirahan na kami sa Singapore at nakasama ko ang mga college best friends ko doon.
  • 2011 - Napanood ko nang live si Eric Clapton, si Slash, at ang Stone Temple Pilots, ilan lang sa mga tinuturing kong heroes ng music
  • 2012 - Pinanganak ang baby girl ko
  • 2013 - Bumalik kami sa Singapore, pero para manood ng concert ng Eraserheads
Pasensya na kung medyo mayabang ang dating, ang point ko lang e every year since that day, may binigay na reason sa akin para sabihing "THIS IS THE BEST YEAR OF MY LIFE"

10 years ago, tulad ng marami sa inyo, dumaan ako sa quarter life crisis. Sabi ni Wikipedia,
The quarterlife crisis is a period of life usually ranging from the late teens to the early thirties, in which a person begins to feel doubtful about their own lives, brought on by the stress of becoming an adult... Common symptoms of a quarter life crisis are often feelings of being "lost, scared, lonely or confused" about what steps to take in order to transition properly into adulthood.
O di ba? Yung pinagdadaanan ko 10 years ago, saktong-sakto sa symptoms. Pero, eto na ako ngayon, masasabi kong masaya ang buhay ko at nalampasan ko na nga siguro yung quarter life crisis.


Sa inyong mga dumadaan sa ganitong phase ng buhay, eto ang mga maipapayo ko para maka-graduate kayo with flying colors:

Huwag na huwag mong i-compare ang sarili mo sa ibang tao.

Hindi mo maiiwasang sabihin sa sarili mo na "buti pa yung kaklase ko nung high school ang yaman na" o kaya "ang galing nung kalaro ko dati, manager na ngayon sa trabaho nya". Alam mo, OK lang mainggit. Nature ng tao yon. Ang masama eh yung ma-consume ka ng inggit mo, na matatakot ka sa possibility na hindi mo na sila maaabutan pagdating sa career or financial advancement. Fear is the path to the dark side, ika nga. Wag kang mag-focus sa mga bagay na mas higit sila sa yo. Isipin mo ang mga bagay na kung saan ikaw naman ang higit sa kanila, and at the end of the day, masasabi mo sa sarili mo na pantay-pantay din lang pala kayong lahat.

Lahat ng gawin mo sa katawan mo, ibabalik din sa yo.

Sige lumamon at uminom ka na parang walang bukas para malunod ang lungkot mo. 10 years from now, sisingilin ka na ng atay, puso, kidney, at lungs mo. Yung 500 pesos na sisig at beer mo araw-araw, eventually, magiging 500 per consultation sa doctor. Hindi pa kasama yung gamot nyan.

Travel.

Wala akong pakialam kung saan mo gustong pumunta. Ang importante e hindi sya dapat mabulok sa pagiging pangarap lang. Gawin mo. Akala mo mahirap mag-travel, pero madali lang, as soon as malaman mo kung anong klaseng traveller ka. Traveller ha, hindi tourist. Malaki ang difference.

Tatlo ang klase ng travellers para sa akin. Una, ang "Samantha Brown" na puro kasosyalan. Pangalawa, ang "Anthony Bourdain" na tamang mix ng sosyal at koboy. At pangatlo, ang aking paborito, ang "Drew Arellano" na nae-enjoy ang travel kahit na maliit lang ang budget.

Huwag maging tanga sa perang kinikita mo.

Ano kamo? Retail Therapy ang sagot sa quarter life crisis? O sige bumili ka ng bagong cellphone para pwede mong iyabang sa Starbucks! Yang 20 thousand peso cellphone na pinaglalawayan mo ngayon, 10 years from now, kahit snatcher, walang tatanggap. Pero isipin mo, kung bumili ka ng 20 shares at 1000 pesos per share ng PLDT 10 years ago, nasa 54000 pesos na ang pera mo kasi 2700 pesos per share na ang PLDT ngayon. YAN ang pwede mong iyabang sa Starbucks.

Manood ng concert at least once a year.

Pag tinanong siguro ako ng "Kahit na masaya ang buhay mo ngayon, ano ang mga regrets mo?" ang isasagot ko: "Pearl Jam Live in Manila", "Metallica Live in Manila", "Rage Against The Machine Live in Manila", "Smashing Pumpkins Live In Manila", mga concert na hindi ko napanood noong dumalaw sila dito sa Pilipinas. Noong kasikatan ng Eraserheads, kahit nanonood ako pag nagco-concert sila sa school, hindi ako nagpupunta sa mga bar gig nila. Kaya ngayon ako bumabawi, kung kailan paminsan-minsan at sa malalayong lugar na ang tinutugtugan nila.

Minsan lang sila maging sikat, pero habambuhay silang mananatili sa playlist mo. Panoorin mo na habang may pagkakataon.

Huwag mag-aalala, dahil the best days of your life are ahead of you.

Itanim sa puso at isipan ang mga iniwang salita ni Steve Jobs sa commencement address nya noong 2005 sa Stanford:
"You can't connect the dots looking forward; you can only connect them looking backwards. So you have to trust that the dots will somehow connect in your future. You have to trust in something — your gut, destiny, life, karma, whatever."



Teka, teka, teka, teka, teka muna, teka. Bigla kong na-realize na natapos ko na yung quarter life crisis...

Tangina, next na yung mid-life?

Friday, March 14, 2014

Parinig

May Facebook or Twitter friend ka ba na kung mag-post e parang nagpaparinig sa yo?

"Yung ibang tao dyan puro selfie, para namang ubod ng kagandahan."

"Hindi ka siguro taga-Pasig no? Kasi bawal ang plastic dito e."


or may mga defensive o "I am the victim here" na parinig din tulad ng:

"Yung mga mahilig magsalita sa likod mo, sila yung nangungunang inggit sa yo"

"Kahit na anong gawin mong mabuti, may mga taong hihila at hihila sa yo pababa"


Imposibleng walang ganyang posts sa wall mo. Nag-evolve na nga yan e, umabot na rin sa Instagram. Mga hateful words na alam mong para sa isa o sa isang grupo ng mga tao lang, pero pinaparamdam ng nagsulat na para sa lahat yon.

Inaamin ko, nagparinig na rin ako sa social media, maraming beses na. Hanggang ngayon, may tendencies pa rin ako na magparinig na sobrang hirap pigilin. Pero habang tumatanda ako, unti-unti kong nari-realize ang mga sumusunod:

1) Walang pagbabagong nagagawa ang pagpaparinig.

Nakakainggit yung lakas ng loob ng mga "Open Letter to " kasi, kahit papaano, may name di ba? O kaya yung mga may @username mention sa Twitter. O kaya yung may tag sa Facebook. Tukoy nila kung sino ang may problema, at kung ano ang pagbabago na nais nilang makita.

Sa pagpaparinig, imagine mo na lang na may nag-iisang mekaniko sa garahe ng mga taxi, tapos sasabihin ng may-ari na "YUNG ISA SA MGA KOTSENG YAN, MAY SIRA YUNG CARBURETOR!"

Sa tingin mo ba may maaayos na kotse sa ganoong paraan?

2) "If you spot it, you got it!"

Malaki ang galit ko sa mga taong tumatawid ng kalsada tapos nago-ober-da-bakod kung may fence sa center island. Lagi kong iniisip na may dahilan kung bakit nilagyan ng bakod yan, tanga!

 
Pero ang nakakatawa, kapag usapang yabangan na, lagi kong binibida yung mga kalokohan ko noong kabataan ko. Inaakyat namin yung bakod ng school para makapag-lakwatsa sa Megamall. Inaakyat ko ang bakod ng bahay namin para makalabas at pumunta sa "Payanig Sa Pasig" on a school day (napapaghalataan ang edad hahaha). Inaakyat namin yung bakod na may barbed wire para makapag-swimming sa campus nang madaling araw pagkatapos ng inuman.

Galit ako sa mga umaakyat ng bakod, kasi gawain ko yon. Parang yung sinasabi lagi ng teacher namin dati: "if you point a finger at others, three fingers will point back at you"

Kung ire-rewrite natin yung mga parinig sa taas using the "If you spot it, you got it!" framework, ito ang mga totoong ibig nilang sabihin:

"Pangit ako, pero ubod ng ganda rin ang tingin ko sa sarili ko."

"Plastic ako."


kahit sa mga defensive na hirit:

"Mahilig akong magsalita sa likod ng ibang tao, kasi ako ang nangungunang inggit sa kanila."

"Kahit na anong gawin mong mabuti, hihilahin at hihilahin kita pababa."


3) Hate is a virus.

As long as may mga marunong magalit pero walang lakas ng loob makipag-usap sa kinagagalitan nila, hindi mo kayang pigilan ang pagpaparinig ng mga tao sa social media -- dahil hindi tumitigil ang galit sa isang tao lang. Dapat may karamay sya na may sama  din ng loob sa kinagagalitan nya.

For example: May nagpost ng parinig. Tapos, kinabukasan sa opisina, magtatanong sa kanya  si Officemate A ng "uy para kanino yung pinost mo kagabi?" Tapos, habang nagkukwentuhan sila, lalapit si Officemate B at magtatanong ng "uy sino yang pinaguusapan nyo?" Tapos, may isang makakarinig na wala naman talagang pakialam noong simula pero since galit na rin si officemate A and B, magagalit na rin sya.

Walang pinagkaiba ang paraan kung paano kumalat ang sipon at galit. Yun nga lang, ang sipon, may gamot na nabibili sa drugstore. Ang gamot sa galit dapat galing sa isip, sa salita, at sa gawa.

Hindi lang sa dasal. Tulad nito.

At kapag pumapasok ang usapang "things we think, say, or do," naalala ko lang yung rebulto ng Rotary Club na laging nadadaanan ng jeep tuwing pumapasok ako noon. Dahil sa traffic, paulit-ulit ko syang nakikita araw-araw.

"Rotary Club Four-Way Test":

  1. Is it the truth?
  2. Is it fair to all concerned?
  3. Will it build goodwill and better friendships?
  4. Will it be beneficial to all concerned?

Sinasabi ko sa yo, ang hirap sundin nito. Hanggang ngayon, nahihirapan pa ako na bago ko gawing outlet ng galit ang social media at magkalat ng hate virus, idaan ang post sa 4-way test.

Because prevention is always better than deleting the post.

Wednesday, March 05, 2014

Kotse

Sa inyong mga hindi nakakakilala sa akin, masasabi ko naman na kaya kong makabili ng sasakyan, pero convinced talaga ako na hindi worth it ang pagbili nito dahil 1) sobrang bilis nito mag-depreciate; at 2) umaasa ito sa gasolina, isang commodity na hindi stable at sobrang bilis tumaas ang presyo. Isa syang malaking financial black hole, and to put it simply, "para kang bumili ng mamahaling martilyo na ihahampas sa ulo mo."


Nitong linggo lang, nag-post ako sa Facebook ng tanong na matagal nang bumabagabag sa isip ko.

Kung gusto nyong basahin yung article, click nyo to.

Nagkaroon kami ng masayang back-and-forth sa comments, at maraming interesting sa talking points:
  1. Kung walang magbabago sa pag-iisip ng mga tao, hangga't "necessity" tsaka "symbol of success" ang kotse, walang ibang mangyayari kundi paglaki ng problema sa traffic.
  2. Pero subjective ang necessity, at kung nasa definition mo ng necessity ang pagkakaroon ng sasakyan, e di bumili ka.
  3. Kung aayusin lang talaga ng gobyerno ang bus at train system ng Metro Manila, pati na rin ang law and order, mababawasan ang mga kotse sa kalye
  4. "A developed country is not a place where the poor have cars. It's where the rich use public transportation." - Enrique Peñalosa
Pero sa topic ng pagiging "necessity" at "symbol of success" ang pagkakaroon ng sasakyan, isa sa mga reply doon ang nakapagpaisip sa akin


Kita nyo yung unang dalawang point nya? Tungkol sa "risk" at "hawak ang oras"? Ito yung nakapagpa-realize sa akin kung bakit naging "symbol of success" ang pagkakaroon ng kotse. Kapag nagkaroon ka na ng kotse, hindi mo na kailangang sabihin, pero makikita na lang ng buong mundo na:
  1. Nakuha mo na ang unang million pesos ng buhay mo (pero kung galing sa magulang mo yung kotse, wag kang mayabang hahaha)
  2. Hawak mo ang oras mo at ang mga lugar na gusto mong puntahan. Hindi ka naghahabol ng "last trip" at hindi mo kailangang maglipat-lipat ng sasakyan para lang makapunta sa kung saan
  3. Nama-manage mo ang risks ng biyahe, hindi tulad ng pagsakay sa bus na ipinapa-"Bahala na si Batman" mo ang buhay mo at ng pamilya mo.
Ang pagma-manage ng sarili mong risks at paghawak sa sarili mong oras ay dalawa lang sa mga signs ng maturity na naghihiwalay ng "men" sa "boys". Men take control and responsibility. Ang pagbili ng sariling sasakyan ay hindi lang status symbol na nagsasabing may pera ka na, pero para sa ibang tao, ito ay rite of passage. Walang pinagkaiba sa Naghol Land Diving, Maasai Lion Hunt, Bullet Ant-Glove ng Satere-Mawe tribe. 

Tuli, Part 2.

Naiintindihan ko na kung bakit necessity para sa iba ang kotse. Iba lang talaga siguro ako mag-isip. Pwede mo ngang sabihin na "supot pa" sa mata ng ibang tao. Darating din siguro ang panahon na bibili ako ng sarili kong sasakyan. 

Pero saka na, pag tumatae na ako ng pera.