Tuesday, December 29, 2015

Paalam muna, Facebook

Habang papalapit na ang bagong taon ng 2016, iniisip ko kung kakayanin kong mag-log off sa social media, particularly Facebook. Nakuha ko ang idea na to nang "nagpaalam" si Ed Sheeran sa social media via Instagram:

Obvious namang PR move to para sa next album nya, pero kahit paano, tinamaan ako sa mga salitang "... I find myself seeing the world through a screen and not my eyes.."

Marami namang perks ang social media. Isa sa pinakamaganda: lahat ng pictures ng pamilya at kaibigan, nasa "cloud" na. Sa dinami-dami ng baha na dumaan sa bahay namin, dito ako nagpapasalamat, dahil hindi na aabutin ng baha ang pictures sa  cloud (pun intended hahaha)

Pero lately, napapansin kong kung kailan dumating ang technology na madaling nagko-connect sa akin at sa mga kakilala ko, saka pa kami lalong napapalayo sa isa't-isa.

Sa mga reunion at get-together na pinuntahan ko last Christmas, napansin kong nagiging awkward at redundant na ang mga face-to-face conversations with friends and family, dahil lahat na ng updates, nasa social media na.

May naging conversation na ba kayong parang ganito?
Ako: "Uy tol, kumusta na anak mo?"
Siya: "Ayun, top 10 ulit sa klase"
Extra: "Ay oo nga nakita ko pinost mo sa Facebook, ang galing nya. Tapos ang galing pa sa basketball!"

Kasalanan na ata ngayon ang mangumusta kasi halatang hindi ka nagbabasa ng Facebook feed ng mga kaibigan mo. 

May nakatabi kaming table sa isang buffet, hindi nag-uusap ang mga tao, nakatutok lang sa phone. May humirit ng "o picture naman!" at pagkatapos ng picture, may nagsabi ng "oy tag mo ko ha?" tapos balik na sila ulit sa mga telepono nila. Ganito ba ang behind-the-scenes ng mga get-together pics nyo?

Ang pinaka-malala at ang pinaka-ayaw kong effect ng Facebook sa akin ay ang paghihintay ng Likes (Reactions na daw ngayon). Noong una, wala akong pakialam sa Likes. Tumagal naman ang blog na to na wala akong pakialam sa dami ng hits. E di sana tinadtad ko ng ads to, di ba? Sa akin, mai-share ko lang sa mundo ang thoughts ko, masaya na ako.

Paglipas ng panahon, para na akong pusa na hinihimas sa tenga sa bawat Like na matatanggap ng post ko. Unti-unti na akong na-addict sa recognition. Imbis na mag-isip ako ng magandang blog post na maaring magbago ng buhay ng ibang tao, mas concerned na ako sa pag-iisip ng witty one-liner na kukuha ng maraming Likes.

Kaya, paalam muna, Facebook. Hanggang kailan? Si Ed Sheeran, hanggang Autumn 2016 daw mawawala. Ako, hindi ko alam. Kung addiction to, pwedeng-pwede akong mag-relapse. Magche-check pa rin ako ng notifications at event invites. Hindi naman ako mago-offline sa Messenger.

Sa Instagram na lang muna ako siguro magpo-post, kasi kailangan ko pa ring maglagay ng photos sa cloud.

See you soon! 

TLDR para sa mga millenials na may attention span ng goldfish: 
Dahil sa Facebook, imbis na gumanda ang relationship sa ibang tao, lalo tayong nagiging self-centered. Na-addict ako sa vanity, at gusto ko nang mag-"rehab" by logging off.