Naaalala ko yung sinulat ko noon tungkol sa CR Para Sa Mga Bakla. To summarize the blog entry, nag-CR ako minsan, tapos napansin ko na habang jumi-jingle ako, nakasilip sa ari ko yung nasa kabilang urinal. Nagalit ako, at sinabi kong dapat may sariling CR ang mga members ng "third sex".
Niyari ako nang husto sa comments ng blog entry na yon, na nasa linya ng "ignorante", "bobo", "bigot", at kung anu-ano pa. Binasa ko sya ulit ngayon at tingin ko, may point pa rin naman yung sinulat ko. Yun nga lang, hindi sya issue ng kabaklaan.
Issue sya ng morality. Pamboboso yon, nagkataon lang na "homecourt" ang men's CR kaya mas accessible. Nagalit ako sa paggamit ng mga manyak na bakla bilang advantage ang makapasok sa banyo ng mga lalaki. Walang pinagkaiba sa manyak na straight na lalaki na nagdamit babae para makapasok sa Women's CR para mamboso.
Oo, inaamin ko, homophobic ang blog entry ko na yon. Magalit ka na sa akin kung magagalit ka, pero pananaw ko yun noong panahon na yon at hinding-hindi ko na maaring baguhin ang nakaraan.
What else should I say? Everyone is gay.
Isa ako sa maraming Pilipinong pinalaki ng mga magulang na umiwas sa mga bakla. Sa inyong mga bading na galit sa mga tulad naming pinalaki na homophobic, sana maintindihan nyo rin na hindi ganoon kadaling magbago ng pananaw sa buhay. Kung ipinanganak ang isang tao sa Katolikong pamilya, bininyagan bilang Katoliko, lumaki bilang Katoliko, hindi mo mae-expect na magbago sya agad-agad ng pananaw at tanggapin lahat ng itinuturo ng mga born again o kaya ng Iglesia Ni Cristo.
Pero, paano ba tanggapin ang mga bakla sa lipunan? Kasing simple lang ba sya ng hindi mandiri kapag nakakakita ng picture, video, or actual na halikan ng dalawang lalaki? Honestly, hindi ko pa rin kakayaning makakita ng ganun. Natanong ko to dahil makalipas ang ilang taon mula noong sinulat ko yung blog entry na yon, napansin ko naman na nagbago na rin ang tingin ko sa mga bakla, at hindi ko alam kung yun ba ang tamang "pagtanggap" sa kanila:
Noon, ipinagdadasal ko na sana hindi maging bading ang mga anak kong lalaki. Ngayon, kapag tinanong na ako ng "anong gagawin mo pag nagkaroon ka ng anak na bakla?" ang sagot ko e "ok lang yun, sigurado akong may mag-aalaga sa akin hanggang pagtanda ko parang pagmamahal ni Boy Abunda sa nanay nya."
Noon, iniisip ko na salot sila sa lipunan. Ngayon, iginagalang ko ang bigat ng impluwensya nila sa kultura. Marami sa mga mahuhusay na pelikula ay gawa nina Jose Javier Reyes, Lino Brocka, Joel Lamangan, Brillante Mendoza, at Ishmael Bernal. Nito ko rin nga lang nalaman na bakla si Maryo J. de los Reyes, ang direktor ng dalawa sa mga pinakapaborito kong Pinoy movies of all time, yung "Bagets" at "Magnifico". Pero hindi ko kino-consider na "magaling silang direktor, kasi bakla" kundi "magaling silang direktor, period". Minsan, may mga malalaking kontribusyon sila sa kultura na hindi ko nagugustuhan, tulad ng mga walang prenong patawa ng mga bading na stand up comedian tulad ni Vice Ganda. Pero noong panahon ko naman, marami ring nandidiri sa humor ni Joey De Leon, at kahit hindi gusto ng iba, tuwang-tuwa pa rin ako sa kanya. Kaya hindi na rin sya usapang "kadiri yung humor, kasi bakla" kundi "kadiri yung humor, period".
Noon, umiiwas ako sa bakla na parang may nakakahawa silang sakit. Ngayon, hindi pwedeng hindi ko yayain ang mga beki friends ko sa inuman. Nalulungkot pa nga ako pag hindi sila nakakapunta, kasi parang patay yung party kapag wala sila.
Noon, akala ko, walang kwentang makipag-usap sa mga bakla dahil wala silang ibang alam na pag-usapan kundi ang makakita ng malalaking etits. Ngayon, hindi ko na naiisip to dahil isa sa mga pinakamagaling kong narinig magbigay ng advice ay bakla. Kapag humingi ka sa kanya ng payo (hindi pera ha), sasabihin niya sa yo ang tama at totoo, hindi lang yung mga salitang gusto mong marinig, para matauhan ka.
Noon, kinakabahan na ako kapag may bakla sa CR ng mga lalaki. Ngayon, sa mga salita nila, keri na lang. Nawala na yata ang takot ko dahil ngayon, mas matindi na ang respeto ko sa mga kakilala kong bakla.
Pero may kinakatakutan pa rin naman ako sa CR na tingin ko hinding-hindi ko maiintindihan kahit na kailan.
Hindi ko alam kung anong meron ngayong taon na to pero parang maraming nabuntis at may mga nanganak na. Sa inyong mga bagong tatay at soon-to-be tatay, pagbigyan nyo na ako at hindi ko mapigilang mag-share ng knowledge mula sa experience na (here comes the cliche) mahirap pero sobrang sulit at saya:
Humingi na agad sa mga kaibigan ng recommendations para sa pediatrician. Hindi reliable ang internet sa ganitong mga desisyon. Ang pedia ang magiging best friend nyo sa unang tatlong taon ng anak ninyo. Choose your best friend wisely.
Bago manganak, i-encourage nyo si misis na mag-breastfeed. Humingi rin ng payo sa OB/Gyne or sa magiging pediatrician ninyo tungkol sa breastfeeding. Para saan? Ganito: pumunta ka sa pinakamalapit na supermarket. Tingnan mo kung magkano ang pinakamahal na infant formula. Multiply mo yung presyo by 4. Yan ang matitipid mo per month sa pag-breastfeed.
Huwag masyadong gawing reason ang "minsan lang sila maging bata", unless may balak kayo na sundan sya agad at mag-recycle. Namomroblema kami ngayon sa storage space dahil sa mga lumang laruan, damit, at sapatos na hindi na nagamit after a few months. Mabilis silang lumaki, kaya hinay-hinay lang sa pagbili.
Habang baby pa lang sya, pumili na kayo ng 3-5 songs na kakantahin ninyo sa kanya na lullaby. Malaking tulong ito lalo na pagdating ng age 2-3. Pag binuhat nyo na sya at kinanta ang "pampatulog playlist" ninyo, alam na nya na sleeping time na at kusa na syang yayakap sa inyo. Yung anak kong 8 years old na ngayon, yung playlist nya mula nung baby pa sya, kinakanta ko pa rin hanggang ngayon sa kanya:
Pansin ko lang, ang unang natututunan ng bata pag natuto na syang tumayo at lumakad ay ang tumakas sa kung ano mang "kulungan" nya (crib, playpen, etc). Siguraduhin ninyong safe ang babagsakan nya kung sakaling maging successful ang prison break nya.
Bonggang 1st birthday party? Sige kung may pera kayo. Di ko lang gets yung mga 1st birthday party na sobrang bongga. Para sa anak nyo ba yan o para sa inyong mag-asawa kasi naka-survive kayo ng isang taon na pagod at puyat sa kakalinis ng pwet at kakatimpla ng gatas?
Last but not the least, ilayo nyo sila sa negativity. Kung nagsisigawan kayong mag-asawa, wag kayong magsigawan sa harap nya. Kung nanonood kayo ng telenobela sa TV na puro sigawan, o balita na puro patayan at krimen sa Quezon City, hinaan ninyo ang volume. Bago man lang sila ma-expose sa reality ng Pilipinas, iregalo nyo na sa kanila ang mga unang taon ng buhay nila na punung-puno ng pagmamahal at saya.
10 years ago, nag-blog ako tungkol sa birthday ko. Binasa ko sya ulit kanina. Medyo natawa na lang ako nung nabasa ko yung ending paragraph na:
"Isa na to sa mga pinakamasayang birthday ng buhay ko. Nakatulog akong nag-iisip kung bakit pa ako nabubuhay dito sa mundo. Nagising ako at ipinakita sa akin kung bakit kailangan ko pang mabuhay."
Well, anyway, kaya ako natatawa, eto kasi ang mga nangyari sa buhay ko pagkatapos kong magsulat tungkol sa so called "isa sa pinakamasayang birthday ng buhay ko"
2004 - Naging gelpren ko ang babaeng pakakasalan ko (hindi sya yung crush ko na andun sa blog entry sa taas)
2005 - Kinasal kami. Bilis no?
2006 - Pinanganak ang panganay namin. Do the math. Hahaha
2007 - Na-promote ako sa trabaho (hindi dahil sa tenure, pero dahil sa merit)
2008 - Nakita ko ang Old Faithful at Grand Canyon. Nasakyan ko lahat ng rides sa Six Flags Magic Mountain at thrill rides ng Stratosphere Las Vegas
2010 - Nanirahan na kami sa Singapore at nakasama ko ang mga college best friends ko doon.
2011 - Napanood ko nang live si Eric Clapton, si Slash, at ang Stone Temple Pilots, ilan lang sa mga tinuturing kong heroes ng music
2012 - Pinanganak ang baby girl ko
2013 - Bumalik kami sa Singapore, pero para manood ng concert ng Eraserheads
Pasensya na kung medyo mayabang ang dating, ang point ko lang e every year since that day, may binigay na reason sa akin para sabihing "THIS IS THE BEST YEAR OF MY LIFE"
10 years ago, tulad ng marami sa inyo, dumaan ako sa quarter life crisis. Sabi ni Wikipedia,
The quarterlife crisis is a period of life usually ranging from the late teens to the early thirties, in which a person begins to feel doubtful about their own lives, brought on by the stress of becoming an adult... Common symptoms of a quarter life crisis are often feelings of being "lost, scared, lonely or confused" about what steps to take in order to transition properly into adulthood.
O di ba? Yung pinagdadaanan ko 10 years ago, saktong-sakto sa symptoms. Pero, eto na ako ngayon, masasabi kong masaya ang buhay ko at nalampasan ko na nga siguro yung quarter life crisis.
Sa inyong mga dumadaan sa ganitong phase ng buhay, eto ang mga maipapayo ko para maka-graduate kayo with flying colors:
Huwag na huwag mong i-compare ang sarili mo sa ibang tao.
Hindi mo maiiwasang sabihin sa sarili mo na "buti pa yung kaklase ko nung high school ang yaman na" o kaya "ang galing nung kalaro ko dati, manager na ngayon sa trabaho nya". Alam mo, OK lang mainggit. Nature ng tao yon. Ang masama eh yung ma-consume ka ng inggit mo, na matatakot ka sa possibility na hindi mo na sila maaabutan pagdating sa career or financial advancement. Fear is the path to the dark side, ika nga. Wag kang mag-focus sa mga bagay na mas higit sila sa yo. Isipin mo ang mga bagay na kung saan ikaw naman ang higit sa kanila, and at the end of the day, masasabi mo sa sarili mo na pantay-pantay din lang pala kayong lahat.
Lahat ng gawin mo sa katawan mo, ibabalik din sa yo.
Sige lumamon at uminom ka na parang walang bukas para malunod ang lungkot mo. 10 years from now, sisingilin ka na ng atay, puso, kidney, at lungs mo. Yung 500 pesos na sisig at beer mo araw-araw, eventually, magiging 500 per consultation sa doctor. Hindi pa kasama yung gamot nyan.
Travel.
Wala akong pakialam kung saan mo gustong pumunta. Ang importante e hindi sya dapat mabulok sa pagiging pangarap lang. Gawin mo. Akala mo mahirap mag-travel, pero madali lang, as soon as malaman mo kung anong klaseng traveller ka. Traveller ha, hindi tourist. Malaki ang difference.
Tatlo ang klase ng travellers para sa akin. Una, ang "Samantha Brown" na puro kasosyalan. Pangalawa, ang "Anthony Bourdain" na tamang mix ng sosyal at koboy. At pangatlo, ang aking paborito, ang "Drew Arellano" na nae-enjoy ang travel kahit na maliit lang ang budget.
Huwag maging tanga sa perang kinikita mo.
Ano kamo? Retail Therapy ang sagot sa quarter life crisis? O sige bumili ka ng bagong cellphone para pwede mong iyabang sa Starbucks! Yang 20 thousand peso cellphone na pinaglalawayan mo ngayon, 10 years from now, kahit snatcher, walang tatanggap. Pero isipin mo, kung bumili ka ng 20 shares at 1000 pesos per share ng PLDT 10 years ago, nasa 54000 pesos na ang pera mo kasi 2700 pesos per share na ang PLDT ngayon. YAN ang pwede mong iyabang sa Starbucks.
Manood ng concert at least once a year.
Pag tinanong siguro ako ng "Kahit na masaya ang buhay mo ngayon, ano ang mga regrets mo?" ang isasagot ko: "Pearl Jam Live in Manila", "Metallica Live in Manila", "Rage Against The Machine Live in Manila", "Smashing Pumpkins Live In Manila", mga concert na hindi ko napanood noong dumalaw sila dito sa Pilipinas. Noong kasikatan ng Eraserheads, kahit nanonood ako pag nagco-concert sila sa school, hindi ako nagpupunta sa mga bar gig nila. Kaya ngayon ako bumabawi, kung kailan paminsan-minsan at sa malalayong lugar na ang tinutugtugan nila.
Minsan lang sila maging sikat, pero habambuhay silang mananatili sa playlist mo. Panoorin mo na habang may pagkakataon.
Huwag mag-aalala, dahil the best days of your life are ahead of you.
Itanim sa puso at isipan ang mga iniwang salita ni Steve Jobs sa commencement address nya noong 2005 sa Stanford:
"You can't connect the dots looking forward; you can only connect them looking backwards. So you have to trust that the dots will somehow connect in your future. You have to trust in something — your gut, destiny, life, karma, whatever."
Teka, teka, teka, teka, teka muna, teka. Bigla kong na-realize na natapos ko na yung quarter life crisis...
May Facebook or Twitter friend ka ba na kung mag-post e parang nagpaparinig sa yo?
"Yung ibang tao dyan puro selfie, para namang ubod ng kagandahan." "Hindi ka siguro taga-Pasig no? Kasi bawal ang plastic dito e."
or may mga defensive o "I am the victim here" na parinig din tulad ng:
"Yung mga mahilig magsalita sa likod mo, sila yung nangungunang inggit sa yo" "Kahit na anong gawin mong mabuti, may mga taong hihila at hihila sa yo pababa"
Imposibleng walang ganyang posts sa wall mo. Nag-evolve na nga yan e, umabot na rin sa Instagram. Mga hateful words na alam mong para sa isa o sa isang grupo ng mga tao lang, pero pinaparamdam ng nagsulat na para sa lahat yon.
Inaamin ko, nagparinig na rin ako sa social media, maraming beses na. Hanggang ngayon, may tendencies pa rin ako na magparinig na sobrang hirap pigilin. Pero habang tumatanda ako, unti-unti kong nari-realize ang mga sumusunod:
1) Walang pagbabagong nagagawa ang pagpaparinig.
Nakakainggit yung lakas ng loob ng mga "Open Letter to " kasi, kahit papaano, may name di ba? O kaya yung mga may @username mention sa Twitter. O kaya yung may tag sa Facebook. Tukoy nila kung sino ang may problema, at kung ano ang pagbabago na nais nilang makita.
Sa pagpaparinig, imagine mo na lang na may nag-iisang mekaniko sa garahe ng mga taxi, tapos sasabihin ng may-ari na "YUNG ISA SA MGA KOTSENG YAN, MAY SIRA YUNG CARBURETOR!"
Sa tingin mo ba may maaayos na kotse sa ganoong paraan?
2) "If you spot it, you got it!"
Malaki ang galit ko sa mga taong tumatawid ng kalsada tapos nago-ober-da-bakod kung may fence sa center island. Lagi kong iniisip na may dahilan kung bakit nilagyan ng bakod yan, tanga! Pero ang nakakatawa, kapag usapang yabangan na, lagi kong binibida yung mga kalokohan ko noong kabataan ko. Inaakyat namin yung bakod ng school para makapag-lakwatsa sa Megamall. Inaakyat ko ang bakod ng bahay namin para makalabas at pumunta sa "Payanig Sa Pasig" on a school day (napapaghalataan ang edad hahaha). Inaakyat namin yung bakod na may barbed wire para makapag-swimming sa campus nang madaling araw pagkatapos ng inuman.
Galit ako sa mga umaakyat ng bakod, kasi gawain ko yon. Parang yung sinasabi lagi ng teacher namin dati: "if you point a finger at others, three fingers will point back at you"
Kung ire-rewrite natin yung mga parinig sa taas using the "If you spot it, you got it!" framework, ito ang mga totoong ibig nilang sabihin:
"Pangit ako, pero ubod ng ganda rin ang tingin ko sa sarili ko." "Plastic ako."
kahit sa mga defensive na hirit:
"Mahilig akong magsalita sa likod ng ibang tao, kasi ako ang nangungunang inggit sa kanila." "Kahit na anong gawin mong mabuti, hihilahin at hihilahin kita pababa."
3) Hate is a virus.
As long as may mga marunong magalit pero walang lakas ng loob makipag-usap sa kinagagalitan nila, hindi mo kayang pigilan ang pagpaparinig ng mga tao sa social media -- dahil hindi tumitigil ang galit sa isang tao lang. Dapat may karamay sya na may sama din ng loob sa kinagagalitan nya.
For example: May nagpost ng parinig. Tapos, kinabukasan sa opisina, magtatanong sa kanya si Officemate A ng "uy para kanino yung pinost mo kagabi?" Tapos, habang nagkukwentuhan sila, lalapit si Officemate B at magtatanong ng "uy sino yang pinaguusapan nyo?" Tapos, may isang makakarinig na wala naman talagang pakialam noong simula pero since galit na rin si officemate A and B, magagalit na rin sya.
Walang pinagkaiba ang paraan kung paano kumalat ang sipon at galit. Yun nga lang, ang sipon, may gamot na nabibili sa drugstore. Ang gamot sa galit dapat galing sa isip, sa salita, at sa gawa.
Hindi lang sa dasal. Tulad nito.
At kapag pumapasok ang usapang "things we think, say, or do," naalala ko lang yung rebulto ng Rotary Club na laging nadadaanan ng jeep tuwing pumapasok ako noon. Dahil sa traffic, paulit-ulit ko syang nakikita araw-araw. "Rotary Club Four-Way Test":
Is it the truth?
Is it fair to all concerned?
Will it build goodwill and better friendships?
Will it be beneficial to all concerned?
Sinasabi ko sa yo, ang hirap sundin nito. Hanggang ngayon, nahihirapan pa ako na bago ko gawing outlet ng galit ang social media at magkalat ng hate virus, idaan ang post sa 4-way test.
Because prevention is always better than deleting the post.
Sa inyong mga hindi nakakakilala sa akin, masasabi ko naman na kaya kong makabili ng sasakyan, pero convinced talaga ako na hindi worth it ang pagbili nito dahil 1) sobrang bilis nito mag-depreciate; at 2) umaasa ito sa gasolina, isang commodity na hindi stable at sobrang bilis tumaas ang presyo. Isa syang malaking financial black hole, and to put it simply, "para kang bumili ng mamahaling martilyo na ihahampas sa ulo mo."
Nitong linggo lang, nag-post ako sa Facebook ng tanong na matagal nang bumabagabag sa isip ko.
Kung gusto nyong basahin yung article, click nyo to.
Nagkaroon kami ng masayang back-and-forth sa comments, at maraming interesting sa talking points:
Kung walang magbabago sa pag-iisip ng mga tao, hangga't "necessity" tsaka "symbol of success" ang kotse, walang ibang mangyayari kundi paglaki ng problema sa traffic.
Pero subjective ang necessity, at kung nasa definition mo ng necessity ang pagkakaroon ng sasakyan, e di bumili ka.
Kung aayusin lang talaga ng gobyerno ang bus at train system ng Metro Manila, pati na rin ang law and order, mababawasan ang mga kotse sa kalye
"A developed country is not a place where the poor have cars. It's where the rich use public transportation." - Enrique PeƱalosa
Pero sa topic ng pagiging "necessity" at "symbol of success" ang pagkakaroon ng sasakyan, isa sa mga reply doon ang nakapagpaisip sa akin
Kita nyo yung unang dalawang point nya? Tungkol sa "risk" at "hawak ang oras"? Ito yung nakapagpa-realize sa akin kung bakit naging "symbol of success" ang pagkakaroon ng kotse. Kapag nagkaroon ka na ng kotse, hindi mo na kailangang sabihin, pero makikita na lang ng buong mundo na:
Nakuha mo na ang unang million pesos ng buhay mo (pero kung galing sa magulang mo yung kotse, wag kang mayabang hahaha)
Hawak mo ang oras mo at ang mga lugar na gusto mong puntahan. Hindi ka naghahabol ng "last trip" at hindi mo kailangang maglipat-lipat ng sasakyan para lang makapunta sa kung saan
Nama-manage mo ang risks ng biyahe, hindi tulad ng pagsakay sa bus na ipinapa-"Bahala na si Batman" mo ang buhay mo at ng pamilya mo.
Ang pagma-manage ng sarili mong risks at paghawak sa sarili mong oras ay dalawa lang sa mga signs ng maturity na naghihiwalay ng "men" sa "boys". Men take control and responsibility. Ang pagbili ng sariling sasakyan ay hindi lang status symbol na nagsasabing may pera ka na, pero para sa ibang tao, ito ay rite of passage. Walang pinagkaiba sa Naghol Land Diving, Maasai Lion Hunt, Bullet Ant-Glove ng Satere-Mawe tribe.
Tuli, Part 2.
Naiintindihan ko na kung bakit necessity para sa iba ang kotse. Iba lang talaga siguro ako mag-isip. Pwede mo ngang sabihin na "supot pa" sa mata ng ibang tao. Darating din siguro ang panahon na bibili ako ng sarili kong sasakyan.
Maraming masasamang ugali ng Pilipino ang makikita mo sa sinasabing "cultural icon" ng mga kalsada sa bansa natin: ang jeepney.
Nakasakay ka na ba sa punuang jeep tapos mga 1 or 2 "seats" ang layo mo sa driver? May unwritten rule yata sa Pinas na kung sino man ang nakaupo malapit sa driver, sya ang maga-abot ng bayad. At madalas mong maririnig ang mga salitang
"MAMA, BAYAD O!"
Larawan mula sa http://afternoonwalks.wordpress.com/2011/07/25/a-trip-down-memory-lane/
Pansin mo, ang "Mama, bayad o" ay addressed sa driver, at hindi sa maga-abot ng bayad? At parang ina-assume ng magsasabi nito na kapag tinawag na niya ang atensyon ng lahat ng tao sa loob ng jeep na magbabayad na sya, susunod na ang mga mas malapit sa driver para i-abot ang bayad?
Which brings us to Masamang Ugali ng Pinoy na Makikita sa Jeepney #1:
Scenario: May mga mabibigat na kahon na kailangang buhatin from point A to point B. Si Boy, imbis na lalapit sa isang kakilala at sasabihin nyang "parekoy, patulong namang magbuhat nito o," ang sasabihin nya e "GRABE AMBIGAT NAMAN NITO, ANG HIRAP NAMAN NG GINAGAWA KO" para marinig ng buong sangkatauhan. Tapos pag walang tumulong sa kanya, magrereklamo. Kilala mo ba tong Boy na tinutukoy ko?
Oo, masamang ugali ng Pilipino yun. Dinadaan sa parinig ang paghingi ng tulong. Hirap makiusap sa kapwa.
Kaya hassle umupo malapit sa driver. Ia-assume ng lahat ng maga-abot ng bayad na kapag sumigaw sila ng "MAMA BAYAD O", lilingon ka na para iabot ang bayad nila. Kapag hindi mo sila pinansin, magagalit sila sa yo, kahit hindi sila nakiusap.
Speaking of pakiusap, bukod sa "Mama, bayad o", ang maririnig mo na lang sa jeep e "BAYAD!" o kaya "ETO BAYAD KO O". Minsan nga, hindi na sila magsasalita, may kamay na lang na tatapat sa mukha mo na may pera. Minsan nate-tempt na nga akong sagutin ang "BAYAD O" ng "O E ANONG GAGAWIN KO DYAN?"
Isipin nyo, mga kapwa Pinoy, recognized sa bansa natin ang uri ng pangungusap na Pakiusap. Gamitin naman natin ng tama sa pang-araw-araw. Anim na syllables lang naman ang pagkakaiba ng "BAYAD O" sa "MAKIKIABOT HO NG BAYAD", kakatamaran pa.
Kung bawat isa sa atin ay maga-ayos ng mga maliliit na bagay na ginagawa natin araw-araw, magbabago ang bansa.
Oo tama ang nababasa mo. Papatayin kita. Dahil ang "pagpatay" sa sarili ko ang bago akong paraan para makatulong na alisin ang stress ko sa buhay, ishe-share ko lang dito baka sakaling makatulong din sa yo.
Kapag naiinis ka na sa mga nangyayari sa paligid mo, mapa-school man o trabaho, sa mga kaibigan o kamag-anak, humanap ka lang ng tahimik na lugar. Pumikit ka, tapos isipin mo ngayon na patay ka na. Wala na akong pakialam sa iisipin mong cause of death. Wala rin akong pakialam kung mas close ka sa diyos ng religion mo kaya hindi ka nag-aalala sa kaluluwa mo. Basta imagine mo na patay ka na.
Habang ini-imagine mo na patay ka na, pag-isipan mong mabuti ang mga sagot sa mga tanong na ito:
Unang tanong: Ano ang gusto mong magandang quote na ilalagay sa lapida (gravestone) mo?
Sa sitwasyon mo ngayon, ano ang huling tweet o quote na gusto mong iwan bilang aral sa mga naiwan mong dadalaw sa yo? Kunyari:
"Go out in the world and work like money doesn't matter, Sing as if no one is listening, Love as if you have never been hurt, and Dance as if no one is watching”
Kung di naman magkakasya yan sa lapida mo, pwedeng: “Love all, trust a few, do wrong to none.” - William Shakespeare
May naisip ka nang quote sa lapida mo? Yan. Ipaalala mo ngayon sa sarili mo ang quote na yan. Gawin mong anchor ng emotions mo, dahil sa mga stressful na sitwasyon, ang pinakamahalaga ay ang pag-detach ng emotions sa current standpoint at bumalik sa mga prinsipyo mo.
Pangalawang tanong: Sa lamay mo, sinu-sino ang mga dadalaw?
Kung medyo observant din kayo sa mga lamay, alam nyo na kung saan papunta tong tanong na to. May iba-ibang klaseng taong dumadalaw sa lamay, at may iba-ibang degree ng relationship sa namatay.
Una: yung araw-araw na pumupunta, at tuwing nakikita ang coffin mo, publicly or privately, umiiyak sila. Sa isip mo ngayon, sino ang mga taong ito? Huwag kang masyadong assuming, sigurado akong mabibilang mo lang sa daliri ng mga kamay mo ang nasa category na to. Tandaan mo ang mga taong ito, dahil sila ang pinakamahalaga sa yo, at mahalaga ka rin sa kanila. Kung wala sila sa current stressful situation mo, walang kwenta yung pinagdadaanan mo ngayon.
Pangalawa: yung mga dadalaw, haharap sa coffin mo, titingnan ka, tapos may maaalalang mga pinagdaanan nyo, at manghihinayang na nawala ka na. Mahalaga pa rin ang mga taong ito, dahil kahit hindi na kayo palaging magkasama, o kung nagkaaway man kayo, dumalaw pa rin sya sa mga huling araw mo sa mundo.
Pangatlo: yung mga dumalaw na hindi mo naman kilala pero pumunta lang para i-console ang mga naiwan mo. Walang bearing sa buhay mo ang mga taong ito ngayon. Pero kung gusto mong i-upgrade sila sa #2 or sa #1 sa taas, tandaan mong may oras ka pa ngayon para gawin ito.
Pang-apat: yung mga pumunta para sa sugal o sa libreng inom/pagkain. Wag mo nang pag-aksayahan ng panahon ang mga ito. Pero kung gusto mong sayangin ang buhay mo ngayon, sige, be my guest.
Panglima dapat yung mga hindi pupunta sa lamay mo, pero ang tanong naman kasi e " sa lamay mo, sinu-sino ang mga dadalaw?" So kung wala sila sa naiimagine mong lamay mo, pero nasa buhay mo sila ngayon, mas may silbi pa yung mga nasa #4 kesa sa kanila.
Huling tanong: Sa huling Eucharist/blessing/ceremony bago ka ilibing, ano yung sasabihin ng mga magsasalita sa podium?
Sigurado ako, hindi aakyat yung boss mo sa podium para sabihing "Hindi sya na-late buong buhay nya sa office. Tinapos nya lahat ng tasks on time, at nanghihinayang ang opisina namin na nawala na sya ngayon, kasi marami pa syang trabahong iniwan." So kung opisina ang pino-problema mo ngayon, isipin mo na lang kung worth it ba talaga yung kinaiinisan mo ngayon, kasi sa lamay mo, walang magbabanggit tungkol sa pagkabibo mo sa opisina.
May magsasabi ba na, "Sayang, marami pa syang gustong gawin. Gusto nyang magpa-picture sa Eiffel Tower. Gusto nyang mag-aral mag-gitara, kasi gusto nyang sumulat ng sariling kanta. Gusto nyang bumili ng bahay para sa parents nya kasi mahal na mahal nya ang mga ito". Kung alam mong may magsasabi ng ganito, ano yung mga bagay na gusto mo pang gawin na hindi mo pa nasisimulan ngayon? O alam mo naman pala e. Anong ginagawa mo ngayon para ma-achieve ang mga to?
May gusto ka bang sabihin nila tungkol sa pagkatao mo? Wala namang magsasabi na masama kang tao kasi nga tribute yun sa yo e. Kung may gusto kang sabihing maganda tungkol sa yo, tapos alam mong hindi pa ikaw yung ganung klaseng tao, aba e simulan mo na. Gawin mong cliche ng buhay mo ang cliche na "A thought becomes action; action becomes habit; habit becomes character, and character becomes destiny."
O ayan. Pinatay na kita. Natuwa ka bang dumalaw sa sarili mong lamay? Kung hindi, bumalik ka na sa buhay mo ngayon at baguhin ang mga kailangang baguhin. Dahil lahat tayo, doon pupunta, at hindi natin alam kung kailan. Kahit pa tumatakbo ka linggu-linggo ng 42K marathon, baka mauna ka pang mamatay kesa sa tatay kong 72 years old na at ang lakas pa ring magyosi.
Sabi nga ng isang legend na maraming nabagong buhay bago sya pumanaw (isa na ako dun), si Stephen Covey:
Narinig nyo na ba yung kanta ng APO Hiking Society na "Saan Na Nga Ba'ng Barkada"?
Sigurado namang hindi ako nag-iisa sa mga nakakapansin ng ganitong phenomenon sa mga barkadahan. Laging may mage-emote na "bakit noon, mas madaling magyaya ng mga tao?" Tapos babanat ng, "ngayon, may cellphone ka na, may Facebook at Twitter pa, pero kasing hirap na ng pagtitinda ng Encyclopedia Britannica ang pagyaya sa mga tao."
Natatandaan nyo pa ba yung mga panahong isang "tara" lang, maisasama mo na ang isang batalyon ng mga kabarkada mo sa mall, sa out-of-town, o sa inuman, tapos ngayon, kailangang 1 month ahead nagpapadala ka na ng invites? Napudpod na ang mga daliri mo kaka-follow up sa mga taong ayaw mag-reply, tapos sa mismong araw ng get-together, makikita mong kayo-kayo na lang ng mga madalas magkasama-sama ang dadating.
Nagtataka ka ba kung bakit may mga taong hindi tumutupad sa pinky promise nyo noon na "best friends tayong lahat forever ha? Parang tayong T.G.I.S., guys!"
Ang pagkakakilala mo sa sarili mo ay laging identified sa grupo kung saan ka active, na kahit na anong gawin ng grupong yun, iniisip mo na yun dapat ang ginagawa mo. Kumbaga, feel na feel mo ang pagiging part of a whole. Ang down side nito, kapag part ka ng isang grupo, gusto mo na laging ang grupong ito ang BEST IN THE WORLD. Kaya ang tendency mo, kahit na anong nasa labas ng grupo mo ngayon, panget na.
For example, noong college, puro manginginom ang kabarkada mo. Tapos ngayon, lagi ka nang sumasali sa mga fun run o marathon. Isang araw, nagyaya ng inuman yung mga college friends mo. Since ang grupo mo ngayon ay ang Team Fun Run, kahit wala ka naman talagang kakilala sa mga fun run at mag-isa ka lang na sumasali, may bumubulong na sa subconscious mo, "Team Fun Run Is The Best, Team Inuman Sucks!" At kapag tinanong ka ng mga kaibigan mo kung bakit hindi ka na makakapunta, gagawa ka na ng lame excuse na "sorry mga tol, healthy living na ako e"
Walang katapusang process ito.
Pag-graduate mo ng high school, magkakaroon ka ng college friends. Hindi ka na masyadong makakasama sa high school friends mo. Pag-graduate mo naman ng college, magkakaroon ka ng office friends at sasabihin mong "naka-move on na ako from college, nasa real world na ako".
Paglipat mo ng office, magkakaroon ka ng NEW office friends, tapos pag may magyaya sa yo ng get-together ng ex-officemates, sasabihin mong "anong pakialam ko sa kumpanyang yun na puro blah blah blah at nye nye nye"
Pag nagkaroon ka ng bagong sport, magkakaroon ka ng new sport friends, at mako-convince ka na "mas masarap mag-badminton kesa mag-billiards or bowling."
Tapos pag nagka-relationship ka na, yung mundo nyo na ng boypren/gelpren/gaypren mo ang "grupo" mo, kaya pag nagyaya ang barkada na lumabas, "sorry mga tol, ayaw ni kumander e," kahit na wala naman talagang sinasabi ang gelpren mo.
Tapos pag nag-asawa at nagka-anak ka na, ang tendency mo ay maki-grupo sa mga ka-pareho mong may asawa at anak. Compare notes kayo, yabangan ng mga anak, tapos pare-pareho kayong "hindi ko na talaga ma-gets tong mga single people na to, kasi being a parent is the best feeling in the world"
At kapag matanda ka na, magiging active ka na sa kung ano mang relihiyon ang pinili mo at sasama sa grupo ng iba pang mga matatandang kumukuha ng insurance para sa mga kaluluwa nila.
Kaya wag mong itanong kung saan na nga ba'ng barkada ngayon.
Alam nyo yung commercial ng Cornetto na tinatanong lagi nila kung ano na ang mabibili ng bente pesos mo? Maniniwala ka bang makakabili ka ng perspective sa halagang bente pesos? Ito ang pinakamura at pinaka-epektib na stress reliever na na-discover ko nitong linggo lang:
Tumaya sa lotto!
Disclaimer lang, hindi ako binayaran ng PCSO para mag-encourage sa inyo na magsugal. Napaisip lang ako noong pumila ako para sa 300 million peso jackpot ng Sept 12, 2012 6/55 draw. Ngayon lang kasi ako naka-encounter ng Philippine government agency na may mahabang pila, pero wala kang maririnig na nagrereklamo kasi mabagal at matagal. Pansinin nyo sa pila ng lotto, lahat tahimik. Lahat nakatulala, malayo ang tingin. Iisa ang tanong sa isip:
"Anong gagawin ko sa pera pag nanalo ako?"
Noong ako ang nakapila, andami nang pumapasok sa utak ko kung paano gagastusin ang 300 million jackpot. Unang naisip ko kung paano palakihin yung pera. Franchise ng Jollibee, franchise ng Petron, fleet ng taxi, fleet ng school service, mutual funds, farm sa Batangas, apartments na malapit sa mga universities.
Sumunod na inisip ko eh kung gaano kalaki ang iiwan kong savings para sa akin, para sa pamilya ko, lalo na sa mga anak. Dapat matiwasay na ang buhay nila hanggang pag-graduate ng college. Bawat isa sa kanila may 1 million pesos na premyo para makatapos ng pag-aaral.
Pagkatapos ng investments at savings, dun ko na naisip yung expenses. Resthouse sa Tagaytay, condo sa The Fort. Gagala ako sa buong Pilipinas. Pagkagala ko sa buong Pilipinas, South East Asia naman. Tapos South Korea, Japan, China, Australia. Tapos gala sa US. Maglibot sa Europe, 1 month sa Amsterdam. Pag-uwi ng Pilipinas, bibili ako ng isang townhouse na ipapa-convert ko na recording studio. Magtatayo ako ng indie label para sa mga bandang ma-tripan kong i-produce ang album.
30 minutes na akong nakapila, hindi ko namalayan yung oras. Nakatulala rin yung lalaki sa harap ko. Baka pareho kami ng iniisip.
Teka, pano kung sampu kaming manalo ng jackpot? 30 million na lang yun. Ayun e di nawala na sa listahan ko yung studio, yung US, Europe, at Asia trip. Kahit na wala na rin yung Southeast Asia tour, gagala pa rin ako sa buong Pilipinas. Ang importante, naroon yung savings tsaka kahit franchise ng Jollibee, buhay na kaming pamilya.
Naku, pano kung limang number lang ang tumama? 150,000 pesos lang yun. Sige sa savings na ng mga bata ilagay yung pera.
Kung apat na numero lang, 2000 pesos na lang ang premyo. Sige kahit walang franchise ng Jollibee, ililibre ko na lang sa Jollibee ang mga bata.
Eh pano kung wala kahit isang tumama?
Panalo pa rin ako. Sa halagang bente pesos, naging reminder sa akin ang lotto kung para saan ang mga sakripisyo ko sa buhay. Umuwi akong nagpapasalamat dahil may trabaho ako ngayon para makapag-provide sa pamilya. Nagpapasalamat ako sa lagay ko ngayon, na hindi ko kailangang umasa sa sugal para mabigyan ko ng magandang buhay ang pinakamalalaking jackpot ng buhay ko:
Nagta-trabaho ka para mag-ipon ng pera na panggamot ng sakit mo kaka-trabaho.
Huwag lolokohin ang mga anak na maging M.D. para makatulong sa mga may sakit. Deretso nang sabihin na maging doktor para maraming pera. At para maka-discount pag ikaw na ang may sakit.
Buti na lang kinain ko lahat ng liempo, crispy pata, sisig, bulalo, hamburger, at steak na kaya kong kainin. Ngayong kailangan ko na silang iwasan, para akong nakipagbreak sa babaeng sobrang galing sa kama pero hindi naman wife material. Puro good memories, and no regrets.
Ang nag-trigger daw ng migraine ko eh galing sa mga pagkaing may keso o kaya chocolate. Kaya pala kapag tumagal e nagiging sakit sa ulo ang mga lalaking sweet at cheesy. Acheche!
Stress and lack of sleep ang major factors sa pagtaas ng blood pressure ko. Stressed kasi hindi ako makagimik tuwing weekdays at lack of sleep pag pumarty naman ako kapag weekends?
Mahalin natin ang mga doktor dahil sila lang ang nagsasabi sa yo na "ang bata-bata mo pa" kahit lahat ng tao sa paligid mo sinasabing "you're too old for this sh*t, bro"
Bukod sa "health is wealth", mas sang-ayon sa panahon natin ngayon ang "wealth is health". Kapag may isusuksok, may madudukot. Wala kang ibang maasahan kundi ang sarili mo, kaya mag-ipon, build your fortune, at wag nang bumili ng kotse kung marunong ka namang mag-commute...
".... Ok sir tapos na po, tulungan ko na kayong tumayo... "
Ayan tapos na daw yung CT Scan. Sana wala silang makitang sira sa ulo ko.