Showing posts with label manila. Show all posts
Showing posts with label manila. Show all posts

Friday, April 10, 2015

Si Kuyang Uber Driver Mula Sa Tacloban

Kumuha ako ng Uber para ihatid ako pauwi galing sa opisina kanina. Pagsakay ko ng kotse at pagkasabi ko ng destination namin, sinabi ng driver sa akin,  

"Ser, paki-guide na lang po ako. Bago lang kasi ako dito sa Maynila."

"Sige po Kuya, no problem. Saan po ba kayo galing?"

"Tacloban po, ser."

Napatigil ako. Naramdaman rin siguro ni Kuyang Driver na may gusto akong itanong sa kanya pero nagdadalawang-isip ako. Itinanong ko na rin, at nalaman kong kabilang ang pamilya nya sa mga na-displace ng bagyong Yolanda. Kasama nyang lumipat dito ang kanyang asawa, 9-year old na anak, at kanyang ina. Wala naman daw namatay sa pamilya nila.

Sinimulan nyang ikwento sa kin kung paano nya niligtas yung mag-ina nya.

"Ser, nung huli, wala ka na talagang magagawa. Nawasak na yung bahay namin. Nakadapa na lang kami sa sahig, akala ko talaga katapusan na. Sinasabi ko na lang na kahit ako na lang yung kunin, wag lang yung asawa at anak ko."

Napansin kong hindi nya nababanggit ang mga salitang "dasal", "salamat sa Diyos" o "sa awa ng Diyos" na karaniwang ginagamit ng mga may pinagdaanan sa buhay, at nakaligtas. Nakalimutan lang ba nya? May galit ba sya? Hindi ko alam.

Gusto ko sanang itanong kung ano ang pumapasok sa isip nya tuwing lumalabas yung salitang "SURGE" sa Uber driver app nya. Matutuwa ba sya kasi dagdag na kita, o maaalala nya yung sinapit nya noon sa storm surge?

Kinwento rin nya ang buhay nila paglipat dito. Naninibago pa rin daw sya sa Maynila. Sa Tacloban daw, walang barumbadong driver. Hindi sya ina-agrabiyado ng boss nya. Simple lang daw ang buhay. Sabi ko na lang,

"Kuya, kung si Yolanda nga, nalampasan ninyo e. Sisiw na sisiw na lang ang Maynila. Basta sipag lang at wag kayong magpapalamang kahit kanino, aasenso kayo. Tiwala lang. Hindi na po kayo biktima dito. Kayo na ang bida."

Pag-uwi ko sa bahay, niyakap ko yung misis ko, tapos dun na ako naiyak. Luha siguro ng pasasalamat na nandito pa sila sa piling ko, na may bubong sa ibabaw ng bahay namin, na wala pa kaming pinagdaanang matinding sakuna.

Paglabas ng Uber receipt sa telepono ko, binigyan ko ng 5 stars si Kuyang Driver sa "Rate Your Ride": 5 stars para sa safety at convenience ng biyahe ko pauwi.

5 stars din para sa tibay ng loob nya upang magpatuloy at muling itayo ang tahanang winasak ng bagyong Yolanda

Thursday, March 12, 2015

Taxi

Pag hinahanap mo, wala. Pag di ka nakatingin, biglang dadating. Pag gustung-gusto mo, nagpapataas ng presyo. Pag Pasko, dapat hindi bakante. Pag Valentine's naman, nakapila sa motel.

Ngayon, may mga app na mada-download para malaman mo kung sino ang available sa paligid mo.

Ipagkakatiwala mo ang buhay mo sa taong di mo kilala. May mabait, may barumbado. May matalino, may tanga. Minsan matatapat ka sa manloloko. Minsan, nakasakay ka pa lang, yung susunod na pasahero na ang inaatupag.

Maiinis ka pag babagal-bagal. Pag sobrang bilis naman, matatakot ka.

Mas magandang sa umpisa pa lang, alam na nya kung saan mo gustong pumunta, at yung gusto mong daan. Gumaganda ang biyahe pag nag-uusap kayo. Malas mo na nga lang pag natapat ka sa ubod na mareklamo.

Ganyan talaga pag sumasakay ka ng taxi. Parang lovelife mo lang.

Habang tumatagal, lalo kang mapapamahal. Pero kahit gaano pa katagal o kabilis ang biyahe, kailangan mong magbigay ng minimum. Minsan nga sobra-sobra pa ang ibibigay mo, pero para di ka magalit, wag ka na lang maghintay na suklian ka pa.

Sa huli, kung maghihiwalay na kayo at hindi ka naman nasaktan, magpasalamat ka sa kanya.

Dahil wala ka sa kinatatayuan mo ngayon kung hindi kayo nagkita.