Sunday, January 27, 2013

Buhay Ka Pa, Papatayin Na Kita


Oo tama ang nababasa mo. Papatayin kita. Dahil ang "pagpatay" sa sarili ko ang bago akong paraan para makatulong na alisin ang stress ko sa buhay, ishe-share ko lang dito baka sakaling makatulong din sa yo.


Kapag naiinis ka na sa mga nangyayari sa paligid mo, mapa-school man o trabaho, sa mga kaibigan o kamag-anak, humanap ka lang ng tahimik na lugar. Pumikit ka, tapos isipin mo ngayon na patay ka na. Wala na akong pakialam sa iisipin mong cause of death. Wala rin akong pakialam kung mas close ka sa diyos ng religion mo kaya hindi ka nag-aalala sa kaluluwa mo. Basta imagine mo na patay ka na.

Habang ini-imagine mo na patay ka na, pag-isipan mong mabuti ang mga sagot sa mga tanong na ito:

Unang tanong: Ano ang gusto mong magandang quote na ilalagay sa lapida (gravestone) mo? 

Sa sitwasyon mo ngayon, ano ang huling tweet o quote na gusto mong iwan bilang aral sa mga naiwan mong dadalaw sa yo? Kunyari:

"Go out in the world and work like money doesn't matter, Sing as if no one is listening, Love as if you have never been hurt, and Dance as if no one is watching”

Kung di naman magkakasya yan sa lapida mo, pwedeng: “Love all, trust a few, do wrong to none.” - William Shakespeare

May naisip ka nang quote sa lapida mo? Yan. Ipaalala mo ngayon sa sarili mo ang quote na yan. Gawin mong anchor ng emotions mo, dahil sa mga stressful na sitwasyon, ang pinakamahalaga ay ang pag-detach ng emotions sa current standpoint at bumalik sa mga prinsipyo mo.

Pangalawang tanong: Sa lamay mo, sinu-sino ang mga dadalaw?

Kung medyo observant din kayo sa mga lamay, alam nyo na kung saan papunta tong tanong na to. May iba-ibang klaseng taong dumadalaw sa lamay, at may iba-ibang degree ng relationship sa namatay.
  1. Una: yung araw-araw na pumupunta, at tuwing nakikita ang coffin mo, publicly or privately, umiiyak sila. Sa isip mo ngayon, sino ang mga taong ito? Huwag kang masyadong assuming, sigurado akong mabibilang mo lang sa daliri ng mga kamay mo ang nasa category na to. Tandaan mo ang mga taong ito, dahil sila ang pinakamahalaga sa yo, at mahalaga ka rin sa kanila. Kung wala sila sa current stressful situation mo, walang kwenta yung pinagdadaanan mo ngayon.
  2. Pangalawa: yung mga dadalaw, haharap sa coffin mo, titingnan ka, tapos may maaalalang mga pinagdaanan nyo, at manghihinayang na nawala ka na. Mahalaga pa rin ang mga taong ito, dahil kahit hindi na kayo palaging magkasama, o kung nagkaaway man kayo, dumalaw pa rin sya sa mga huling araw mo sa mundo. 
  3. Pangatlo: yung mga dumalaw na hindi mo naman kilala pero pumunta lang para i-console ang mga naiwan mo. Walang bearing sa buhay mo ang mga taong ito ngayon. Pero kung gusto mong i-upgrade sila sa #2 or sa #1 sa taas, tandaan mong may oras ka pa ngayon para gawin ito. 
  4. Pang-apat: yung mga pumunta para sa sugal o sa libreng inom/pagkain. Wag mo nang pag-aksayahan ng panahon ang mga ito. Pero kung gusto mong sayangin ang buhay mo ngayon, sige, be my guest.
Panglima dapat yung mga hindi pupunta sa lamay mo, pero ang tanong naman kasi e " sa lamay mo, sinu-sino ang mga dadalaw?" So kung wala sila sa naiimagine mong lamay mo, pero nasa buhay mo sila ngayon, mas may silbi pa yung mga nasa #4 kesa sa kanila. 

Huling tanong: Sa huling Eucharist/blessing/ceremony bago ka ilibing, ano yung sasabihin ng mga magsasalita sa podium?

Sigurado ako, hindi aakyat yung boss mo sa podium para sabihing "Hindi sya na-late buong buhay nya sa office. Tinapos nya lahat ng tasks on time, at nanghihinayang ang opisina namin na nawala na sya ngayon, kasi marami pa syang trabahong iniwan." So kung opisina ang pino-problema mo ngayon, isipin mo na lang kung worth it ba talaga yung kinaiinisan mo ngayon, kasi sa lamay mo, walang magbabanggit tungkol sa pagkabibo mo sa opisina.

May magsasabi ba na, "Sayang, marami pa syang gustong gawin. Gusto nyang magpa-picture sa Eiffel Tower. Gusto nyang mag-aral mag-gitara, kasi gusto nyang sumulat ng sariling kanta. Gusto nyang bumili ng bahay para sa parents nya kasi mahal na mahal nya ang mga ito". Kung alam mong may magsasabi ng ganito, ano yung mga bagay na gusto mo pang gawin na hindi mo pa nasisimulan ngayon? O alam mo naman pala e. Anong ginagawa mo ngayon para ma-achieve ang mga to?

May gusto ka bang sabihin nila tungkol sa pagkatao mo? Wala namang magsasabi na masama kang tao kasi nga tribute yun sa yo e. Kung may gusto kang sabihing maganda tungkol sa yo, tapos alam mong hindi pa ikaw yung ganung klaseng tao, aba e simulan mo na. Gawin mong cliche ng buhay mo ang cliche na "A thought becomes action; action becomes habit; habit becomes character, and character becomes destiny."

O ayan. Pinatay na kita. Natuwa ka bang dumalaw sa sarili mong lamay? Kung hindi, bumalik ka na sa buhay mo ngayon at baguhin ang mga kailangang baguhin. Dahil lahat tayo, doon pupunta, at hindi natin alam kung kailan. Kahit pa tumatakbo ka linggu-linggo ng 42K marathon, baka mauna ka pang mamatay kesa sa tatay kong 72 years old na at ang lakas pa ring magyosi.

Sabi nga ng isang legend na maraming nabagong buhay bago sya pumanaw (isa na ako dun), si Stephen Covey:

"Begin With The End In Mind"

Friday, January 11, 2013

Saan Na Nga Ba, Saan Na Nga Ba, Saan Na Nga Ba'ng Barkada Ngayon?

Narinig nyo na ba yung kanta ng APO Hiking Society na "Saan Na Nga Ba'ng Barkada"?

Sigurado namang hindi ako nag-iisa sa mga nakakapansin ng ganitong phenomenon sa mga barkadahan. Laging may mage-emote na "bakit noon, mas madaling magyaya ng mga tao?" Tapos babanat ng, "ngayon, may cellphone ka na, may Facebook at Twitter pa, pero kasing hirap na ng pagtitinda ng Encyclopedia Britannica ang pagyaya sa mga tao."


Natatandaan nyo pa ba yung mga panahong isang "tara" lang, maisasama mo na ang isang batalyon ng mga kabarkada mo sa mall, sa out-of-town, o sa inuman, tapos ngayon, kailangang 1 month ahead nagpapadala ka na ng invites? Napudpod na ang mga daliri mo kaka-follow up sa mga taong ayaw mag-reply, tapos sa mismong araw ng get-together, makikita mong kayo-kayo na lang ng mga madalas magkasama-sama ang dadating.

Nagtataka ka ba kung bakit may mga taong hindi tumutupad sa pinky promise nyo noon na "best friends tayong lahat forever ha? Parang tayong T.G.I.S., guys!"

O eto, basahin nyo: Social Identity Theory

Ang pagkakakilala mo sa sarili mo ay laging identified sa grupo kung saan ka active, na kahit na anong gawin ng grupong yun, iniisip mo na yun dapat ang ginagawa mo. Kumbaga, feel na feel mo ang pagiging part of a whole. Ang down side nito, kapag part ka ng isang grupo, gusto mo na laging ang grupong ito ang BEST IN THE WORLD. Kaya ang tendency mo, kahit na anong nasa labas ng grupo mo ngayon, panget na.

For example, noong college, puro manginginom ang kabarkada mo. Tapos ngayon, lagi ka nang sumasali sa mga fun run o marathon. Isang araw, nagyaya ng inuman yung mga college friends mo. Since ang grupo mo ngayon ay ang Team Fun Run, kahit wala ka naman talagang kakilala sa mga fun run at mag-isa ka lang na sumasali, may bumubulong na sa subconscious mo, "Team Fun Run Is The Best, Team Inuman Sucks!" At kapag tinanong ka ng mga kaibigan mo kung bakit hindi ka na makakapunta, gagawa ka na ng lame excuse na "sorry mga tol, healthy living na ako e"

Walang katapusang process ito.

Pag-graduate mo ng high school, magkakaroon ka ng college friends. Hindi ka na masyadong makakasama sa high school friends mo. Pag-graduate mo naman ng college, magkakaroon ka ng office friends at sasabihin mong "naka-move on na ako from college, nasa real world na ako".

Paglipat mo ng office, magkakaroon ka ng NEW office friends, tapos pag may magyaya sa yo ng get-together ng ex-officemates, sasabihin mong "anong pakialam ko sa kumpanyang yun na puro blah blah blah at nye nye nye"

Pag nagkaroon ka ng bagong sport, magkakaroon ka ng new sport friends, at mako-convince ka na "mas masarap mag-badminton kesa mag-billiards or bowling."

Tapos pag nagka-relationship ka na, yung mundo nyo na ng boypren/gelpren/gaypren mo ang "grupo" mo, kaya pag nagyaya ang barkada na lumabas, "sorry mga tol, ayaw ni kumander e," kahit na wala naman talagang sinasabi ang gelpren mo.

Tapos pag nag-asawa at nagka-anak ka na, ang tendency mo ay maki-grupo sa mga ka-pareho mong may asawa at anak. Compare notes kayo, yabangan ng mga anak, tapos pare-pareho kayong "hindi ko na talaga ma-gets tong mga single people na to, kasi being a parent is the best feeling in the world"

At kapag matanda ka na, magiging active ka na sa kung ano mang relihiyon ang pinili mo at sasama sa grupo ng iba pang mga matatandang kumukuha ng insurance para sa mga kaluluwa nila.

Kaya wag mong itanong kung saan na nga ba'ng barkada ngayon.

Ang itanong mo ay kung nasaan ka ngayon.

Thursday, September 13, 2012

Bente Pesos

Alam nyo yung commercial ng Cornetto na tinatanong lagi nila kung ano na ang mabibili ng bente pesos mo? Maniniwala ka bang makakabili ka ng perspective sa halagang bente pesos? Ito ang pinakamura at pinaka-epektib na stress reliever na na-discover ko nitong linggo lang:


Tumaya sa lotto!

Disclaimer lang, hindi ako binayaran ng PCSO para mag-encourage sa inyo na magsugal. Napaisip lang ako noong pumila ako para sa 300 million peso jackpot ng Sept 12, 2012 6/55 draw. Ngayon lang kasi ako naka-encounter ng Philippine government agency na may mahabang pila, pero wala kang maririnig na nagrereklamo kasi mabagal at matagal. Pansinin nyo sa pila ng lotto, lahat tahimik. Lahat nakatulala, malayo ang tingin. Iisa ang tanong sa isip:

"Anong gagawin ko sa pera pag nanalo ako?"

Noong ako ang nakapila, andami nang pumapasok sa utak ko kung paano gagastusin ang 300 million jackpot. Unang naisip ko kung paano palakihin yung pera. Franchise ng Jollibee, franchise ng Petron, fleet ng taxi, fleet ng school service, mutual funds, farm sa Batangas, apartments na malapit sa mga universities.

Sumunod na inisip ko eh kung gaano kalaki ang iiwan kong savings para sa akin, para sa pamilya ko, lalo na sa mga anak. Dapat matiwasay na ang buhay nila hanggang pag-graduate ng college. Bawat isa sa kanila may 1 million pesos na premyo para makatapos ng pag-aaral.

Pagkatapos ng investments at savings, dun ko na naisip yung expenses. Resthouse sa Tagaytay, condo sa The Fort. Gagala ako sa buong Pilipinas. Pagkagala ko sa buong Pilipinas, South East Asia naman. Tapos South Korea, Japan, China, Australia. Tapos gala sa US. Maglibot sa Europe, 1 month sa Amsterdam. Pag-uwi ng Pilipinas, bibili ako ng isang townhouse na ipapa-convert ko na recording studio. Magtatayo ako ng indie label para sa mga bandang ma-tripan kong i-produce ang album.

30 minutes na akong nakapila, hindi ko namalayan yung oras. Nakatulala rin yung lalaki sa harap ko. Baka pareho kami ng iniisip.

Teka, pano kung sampu kaming manalo ng jackpot? 30 million na lang yun. Ayun e di nawala na sa listahan ko yung studio, yung US, Europe, at Asia trip. Kahit na wala na rin yung Southeast Asia tour, gagala pa rin ako sa buong Pilipinas. Ang importante, naroon yung savings tsaka kahit franchise ng Jollibee, buhay na kaming pamilya.

Naku, pano kung limang number lang ang tumama? 150,000 pesos lang yun. Sige sa savings na ng mga bata ilagay yung pera.

Kung apat na numero lang, 2000 pesos na lang ang premyo. Sige kahit walang franchise ng Jollibee, ililibre ko na lang sa Jollibee ang mga bata.

Eh pano kung wala kahit isang tumama?

Panalo pa rin ako. Sa halagang bente pesos, naging reminder sa akin ang lotto kung para saan ang mga sakripisyo ko sa buhay. Umuwi akong nagpapasalamat dahil may trabaho ako ngayon para makapag-provide sa pamilya. Nagpapasalamat ako sa lagay ko ngayon, na hindi ko kailangang umasa sa sugal para mabigyan ko ng magandang buhay ang pinakamalalaking jackpot ng buhay ko:

Ang mga anak ko.

Thursday, August 23, 2012

Hospitallucination

Nagta-trabaho ka para mag-ipon ng pera na panggamot ng sakit mo kaka-trabaho.

Huwag lolokohin ang mga anak na maging M.D. para makatulong sa mga may sakit. Deretso nang sabihin na maging doktor para maraming pera. At para maka-discount pag ikaw na ang may sakit.


Buti na lang kinain ko lahat ng liempo, crispy pata, sisig, bulalo, hamburger, at steak na kaya kong kainin. Ngayong kailangan ko na silang iwasan, para akong nakipagbreak sa babaeng sobrang galing sa kama pero hindi naman wife material. Puro good memories, and no regrets.

Ang nag-trigger daw ng migraine ko eh galing sa mga pagkaing may keso o kaya chocolate. Kaya pala kapag tumagal e nagiging sakit sa ulo ang mga lalaking sweet at cheesy. Acheche!

Stress and lack of sleep ang major factors sa pagtaas ng blood pressure ko. Stressed kasi hindi ako makagimik tuwing weekdays at lack of sleep pag pumarty naman ako kapag weekends?

Mahalin natin ang mga doktor dahil sila lang ang nagsasabi sa yo na "ang bata-bata mo pa" kahit lahat ng tao sa paligid mo sinasabing "you're too old for this sh*t, bro"

Bukod sa "health is wealth", mas sang-ayon sa panahon natin ngayon ang "wealth is health". Kapag may isusuksok, may madudukot. Wala kang ibang maasahan kundi ang sarili mo, kaya mag-ipon, build your fortune, at wag nang bumili ng kotse kung marunong ka namang mag-commute...

".... Ok sir tapos na po, tulungan ko na kayong tumayo... "

Ayan tapos na daw yung CT Scan. Sana wala silang makitang sira sa ulo ko.

Thursday, August 16, 2012

The Breakup


Nakipaghiwalay ako sa yo kasi alam kong hindi na ako tatagal kapag itinuloy pa natin ang ating pagsasama. Ginawa ko yon para sa sarili ko. Alam ko namang magpapatuloy ka pa rin kahit wala na tayo.

Matagal-tagal din naging tayo. Andyan ka halos bawat minuto ng buhay ko. Kapag may problema ako, nariyan ka para samahan ako. Kapag masaya naman, kasama pa rin kita. Minsan kahit wala lang at gusto kong nakatanga lang sa kawalan, ikaw pa rin ang hinahanap ko.

Nasanay na akong ikaw ang lagi kong kasama.

Ilang linggo pa lang mula nang naghiwalay tayo, pero miss na miss na kita. Napaka-iritable ko, napakabilis kong magalit, hindi ako makapag-isip ng mabuti, hindi ako makatulog nang maayos. At sa tuwing matatanaw kitang may kasamang iba, naiinggit ako sa inyo at nais kong ibalik ang ating nakaraan.

Miss na miss na kita, pero tingin ko hindi solusyon ang makipagkita sa yo, kahit sandali lang, upang malunasan ang pangungulila ko sa piling mo. Kailangan na kitang iwasan, at alisin sa isip ang pagnanasa kong mahalikan kang muli.


Paalam, yosi.

Wednesday, August 15, 2012

Carabuena

Kapag hindi mo pa nakita ang eksenang ito, either wala kang internet o wala ka lang talagang pakialam sa mga nagaganap.

Nabulabog na naman ang Filipino internet community nang i-post ng TV5 News ang video ng lalaking umupak sa isang MMDA traffic enforcer. Ironically, ang apelyido ng bully dito ay "Carabuena", na pag dinaan sa Google Translate from Spanish to English ay "Good Side"

Nakakatawa pero, by definition, ang good side ng isang tao ay ang angle ng katawan nya na ihaharap sa camera para maganda ang picture. Obviously, Mr. Carabuena did not live up to his name.

Kung may lesson man akong nakita sa pangyayaring ito, hindi yung the usual "wag mambully ng minimum wage MMDA" or "wag kang gagawa ng katangahan pag may van ng media sa harap mo" or "kailangan mo nang magpapayat kasi galit ang internet sa matataba"

Tulad ni Carabuena na nakalimot sa ibig sabihin ng pangalan nya, nakalimutan na ng karamihan sa Metro Manila ang ipakita ang kanilang Good Side sa kapwa.

Pag naka-Volvo ka at alam mong mas mababa ang sweldo sa yo ng MMDA traffic enforcer, Good Side mo ba ang makikita ng ibang tao kung sasampal-sampalin mo yung MMDA sa harap ng maraming tao?

Marunong pa ba ang mga nagmamaneho sa Metro Manila na magbigayan sa daan bilang pagpapakita ng Good Side sa kapwa driver?

Bilang pedestrian, kailan ka huling tumawid sa tamang tawiran, o sumunod sa kahit anong batas trapiko kahit walang nakabantay, at umaasang gumaya ang iba sa ipinapakita mong halimbawa?

Bilang pasahero, kapag may sumakay na senior citizen sa bus, ipinapakita mo pa ba ang Good Side mo at ibibigay mo pa rin yung upuan mo kahit malayo pa ang byahe mo?

Kung bawat isa sa atin ay titigil kahit saglit at iisipin kung ano ang mas magandang makikita ng ibang tao bago tayo kumilos, malaking pagbabago ang mangyayari sa Metro Manila.

Always show your good side.. Siempre muestre su Cara Buena.

Tuesday, August 14, 2012

Palo

Napalo ko ng tsinelas ang 6 years old na anak ko kanina kasi naglalaro sya malapit sa lutuan. Pagkatapos nyang umiyak, tinanong ko sya, "Anong nararamdaman mo?"

"Galit ako sa yo"

"Bakit?"

"Kasi pinalo mo ako."

Tinanong ko sya ulit, "Tingin mo ba, yung mga pulis, nagso-sorry sa mga kriminal habang nasa loob sila ng kulungan?"

"Hindi."

"Tingin mo bakit?"

"Kasi consequence yun ng bad things na ginawa nila e"

Niyakap ko ang anak ko, hinalikan ko sa noo, at sinabi ko sa kanya na lahat ng ginagawa niya ay may consequence, at hindi ko na hihintaying magkaroon sya ng 3rd degree burns para matutunan ang masamang consequence ng paglalaro malapit sa apoy. Napalo ko sya dahil natakot akong baka ulitin nya yon at maaksidente.

Eto ang "dark side" ng parenting na hindi mo makikita sa Facebook. Akala mo ang cute-cute ng mga bata pag niyayabang sila sa mga pictures no? Wala kang makikitang mga larawang ganito dahil wala naman sigurong magulang na may gustong ipagmalaki sa mundo na nagkamali ang anak nila.

Maraming lumalabas na studies sa US na nagsasabing directly linked ang pagpalo sa alcohol at drug abuse. Sabi rin ng American Academy of Pediatrics, mental disorders were linked to physical punishment. Gusto ko na sanang maniwala, kaso nga lang, galing ang study na ito sa bansang nagbigay sa mundo ng Jersey Shore, Lady Gaga, Lil Wayne, at Nicki Minaj. At matapos kong mabasa noong Christmas 2011 ang mga Twitter posts na ito, nawalan na talaga ako ng tiwala sa mga US parenting studies:


Kanya-kanyang style ng parenting yan. Pero para sa akin, kasing complicated ng explanation na "pinapalo kita kasi mahal kita" ang pagiging magulang. Ang hirap naman sa pagiging magulang ay bukod sa ikaw ang source ng pagmamahal, ng sustenance, ng moral support, at the same time, ikaw din ang judge, jury, and executioner. Kasi kung hindi ikaw, sino?

Friday, July 20, 2012

Generation Spoonfed

"As a student... ano gusto nyo sa klase?"

Nabasa ko ang tanong na to sa isang Facebook group. Teacher ang nagtanong, mga college students ang sumagot. Tulad ng inaasahan, naroon ang mga predictable na mga sagot tulad ng:

  • "classmates na kacheckout checkout"
  • "pwede matulog sa klase"
  • "take home exercises"
  • "yung papasa pa rin kahit hindi nag-aral"

At may mga sagot na nagparamdam sa akin na ang tanda ko na talaga:

  • "may incentive sa lahat ng ginagawa"
  • "yung hindi masungit pag nagtatanong ang mga students"
  • "yung magaling magturo, hindi sobrang bagal, hindi din sobrang bilis"
  • "yung willing magmeet halfway yung teacher at students para magkaintindihan/maenjoy yung lesson"

Unang una, hindi na dapat tinatanong ng teacher ang mga students kung ano ang gusto nila sa klase, unless addict sa positive feedback yung nagtuturo. Bukod sa schoolwork, dapat maaga pa lang, sinasanay na ang mga bata sa laws of the real world.

Play with the cards that you were dealt with.

Sa real world, hindi magtatanong ang boss mo kung ano ang gusto mong kumpanya. Sa business, hindi mo pwedeng basta-basta bitawan ang kasosyo mong hindi mo trip ang opinyon. Sa pamilya, hindi mo mapipili ang gender ng anak mo (before and after birth).

Ni minsan hindi ko naaalalang tinanong kami ng teacher kung ano ang gusto namin sa klase. Oo, kanya-kanyang style yan, walang basagan ng trip. Naniniwala naman ako na each teacher should have his/her own trademark. Pero pandering to the students should never be an option. Ang mga students ang clay na dapat mino-mold ng teacher, not the other way around.

Sa mga students naman, naiintindihan kong lahat na ng bagay ngayon e pang-mentally handicapped na. Touchscreen na lahat, obsolete na ang library, may internet ka kahit naglalakad ka sa bangketa. Sa kasong ito, the question was "ano ang gusto nyo sa klase", hindi "ano ang gusto mong teacher". Pero yung mga sagot ng iba, parang iPad ata ang hinahanap. "May incentive sa lahat ng ginagawa" parang cash lang sa Cityville. "Yung hindi masungit" parang si Siri. "Hindi sobrang bagal, hindi sobrang bilis" na parang may accessibility options. "Willing magmeet halfway" na parang may after sales customer service.

Simple lang yung tanong at nakakaaliw ang mga sagot, pero sinasalamin na nya ang katotohanang dala ng pag-spoonfeed sa generation ngayon. Nakakatakot isiping patungo na tayo sa future na pine-predict ng Wall-E, na sa bawat paglabas ng teknolohiyang nagpapadali sa buhay, unti-unti na ring nawawala ang basic trait kung bakit napunta ang Homo Sapiens sa tuktok ng food chain:

Adaptation.

Wednesday, December 23, 2009

Magsusulat na ako ulit.

Iiwan ko na ang Plurk at Facebook para mag-focus na sa totoong pagsusulat. Yan ang New Year's resolution ko.

Wednesday, October 01, 2008

Pamamaalam ng Isang Pilosopo

Di mo matatakasan ang makarinig ng mga kantang may mga salitang "paalam", "goodbye", o "farewell" sa radyo. Mas madaling kasi sigurong maka-relate sa mga iniwan, kaya kung gagawa ka ng kanta, sure money ang kanta tungkol o para sa mga nagpaalam. Para sa katulad kong nagpipilit maging pilosopo, pamamaalam ang common "antithesis" sa mga "thesis" tulad ng friendship, romance, at existence. May hello, may goodbye. May friendship, may farewell. May romance, may breakup. May life, may death.

Medyo mabigat para sa akin tong mga nakaraang linggo, at sa tingin ko, lalong mahirap ang mga susunod. May kaibigang pumanaw, may kapatid na naman ako na humiwalay na sa bahay, tapos lilipad naman sa ibang bansa ang asawa ko. After a few months, susunduin na nya ang anak namin. Nate-tempt akong mag-emote, pero sa edad kong to, nakakasawa na rin. Ipapagpaubaya ko na lang siguro sa GMA at ABS-CBN ang primetime drama.

Bigla kong inisa-isa ang mga major goodbyes sa buhay ko. Sa akin kasi, kailangan kong balikan ang mga dinaanan kong paghihiwalay para makahanap ako ng lakas.

Nag-time space warp ako sa mga panahong hinahatid pa namin yung tatay ko sa airport. Seaman kasi yun e. Oo alam ko yung joke tungkol sa plural ng seaman. Nung bata pa ako, sobrang bigat lagi yung paghatid kay papa sa airport. Lagi kong tinatanong kung bakit kailangan pa niyang umalis ng bansa eh pwede namang magtrabaho dito.

Naalala ko rin yung breakup namin ng isa kong girlfriend. Sinabi ko sa kanya, "kung lalabas ka sa pintong yan at sasama dun sa lalaking yun, hindi mo na ako makikita kahit kailan". Ayun lumabas sya at hindi na lumingon. Nasira yung mundo ko noon, umabot sa point na ang breakfast, lunch, at dinner ko e isang lapad na Tanduay.

Binalikan ko rin yung araw na kausap ko sa telepono yung nanay ng isang anak ko. Nagdadalang-tao pa lang sya non. Sinabi ko sa kanya na kung ayaw nya akong pakasalan, susuportahan ko na lang yung anak namin. Sinigawan nya ako ng "PAANO MO SUSUPORTAHAN TO E WALA KA NAMANG TRABAHO?! P*T@N6 !N@ MO WALA AKONG TATANGGAPIN SA YO!"

Naalala ko rin yung mga huling araw ng pagkahumaling ko sa UPLB, a.k.a my Fight Club days. Fight Club days kasi ginagaya ko si Edward Norton nun. Naghahamon na ako ng sapakan, tapos nung walang pumapatol sa akin, inupakan ko yung sarili ko. Sa isang inuman, sinabihan na ako ng mga kaibigan ko na "pare, kailangan mo nang umalis ng LB". Kung kilala mo ako, alam mo kung gaano ko kamahal ang LB. Sobrang sakit marinig yon.

Si Pierre Carlo Cornago. Isa sa mga ka-love-hate relationship ko sa org namin. Namatay dahil sa bangungot. Sa burol nya, habang nakatingin sa kabaong nya, nakapagbiro pa kami ng "sayang naman to, hindi na mapapanood yung Lord of the Rings Two Towers". Paulit-ulit sa akin ang mga tanong tulad ng "bakit namatay yun e mabait na tao si Piyer, samantalang yung mga siraulo, buhay pa rin?"

Dagdag mo pa sa mga alaalang yan yung pagpunta sa ibang bansa ng besprens 1, 2 and 3 ko, ang napakaraming breakup, at ang mga "close-dati-pero-deadma-na-ngayon" friends sa buhay ko.

Iniisip mo siguro, "Ehhh paano ka naman makakahanap ng lakas sa pag-alala ng mga hiwalayan na yan? Akala ko ba hindi ka mage-emote? Ehhh nage-emote ka na e!"

Teka teka, hindi pa kasi ako tapos. Let me continue...

Si papa, retired na ngayon. Araw-araw ko nang kasama sa bahay. Di pa rin kami masyadong nag-uusap, pero pag nakikita ko ngayon yung mga squatter sa lugar namin, nararamdaman ko yung utang na loob ko sa kanya. Dahil sa mga pag-alis-alis nya ng bansa, naiangat nya kami sa level above the poverty line.

Yung ex-girlfriend ko na sumama sa ibang lalaki, after a few months, nagsabi na gusto na niyang makipagbalikan sa kin. Eh taken na ako nun.

Yung nanay ng isang anak ko, nakipag-ayos na din sa akin. Ngayon, friends na kami at nagtutulungang maging mabuting magulang para kay Kenzo.

UPLB? Oo iniwan ko. Matagal akong nawala. Pero yung mga kaibigan ko noon na nagsabi sa akin na iwan ko na ang LB, sila na ngayon yung nagyayaya sa akin na dumalaw ulit doon at uminom.

Si Piyer, ilang taon nang patay. Hindi naman bumangon. Pero pag Pasko, lagi pa ring may isang tagay para sa kanya.

Si bespren 1, nasa Chicago. Kakadalaw nya lang sa Pinas this year dahil binyag ng anak nya. May US Visa na ako ngayon, kaya pera na lang talaga tsaka oras ang problema. Si besprens 2 & 3, nasa Singapore. Eh dun din pupunta si misis at si Austin. Malapit ko na rin silang makita ulit.

After ng napakaraming breakups, nakilala ko si misis. At sa bawat isang "close-dati-pero-deadma-na-ngayon" friend sa buhay ko, may isang kapalit na "deadma-dati-pero-close-na-ngayon" friend.

So, ano ang point ko? God, or whatever supreme being or unknown force you believe in, comes in threes. Father, Son, and Holy Spirit. Birth, Death, and Rebirth. Brahma, Vishnu, and Shiva. Yùqīng, Shàngqīng, and Tàiqīng.


Thesis, Antithesis, and Synthesis.

Hindi natatapos ang mundo sa thesis at antithesis. Mayroon ka pang synthesis. Hindi pwedeng mawala ang synthesis. Lahat ng paghihiwalay ay magdadala ng pagbabago. May goodbye ang bawat hello. May farewell ang friendship. May breakup ang romance. May kamatayan sa lahat ng may buhay.

Pero life goes on. And everything will be alright.