Saturday, March 19, 2016

Bigyan ng Award!

Natutuwa ako tuwing March at April dahil may mga nagpo-post na ng mga pictures ng mga anak nilang umaakyat sa stage at naga-accept ng award. Isang warm and truly honest "I am so happy for you and your child" feeling ang nararamdaman ko tuwing may nakikitang parent na nagsasabit ng medal or naga-abot ng certificate of recognition sa anak.

Sorry sa mga tatamaan, pero lately, nainis ako kasi may nakita akong nag-post ng award ng anak nila, with caption "we're so proud of you" pero walang hashtag blessed:

"9th Honorable Mention"

Seryoso? Meron nang 9th Honorable Mention? Technically, 12th place ang 9th honorable mention kasi may gold, silver, at bronze medal, tapos plus 9. So 12th place. May award ang 12th place?! Langya. Sa mga raffle nga, ang 12th prize malamang e mousepad ng CDR-King. Ikaw ba, sa mga kaibigan mo, may kakilala kang naging 9th honorable mention? Ilalagay mo ba yan sa resumé?

Kailan nagsimulang naging cause for celebration ang mediocrity?

Ayokong maging hypocrite, dahil on a smaller scale, guilty rin naman ako sa ganito. Kapag walang line of 7 ang anak ko sa card, tini-treat ko sya. Sinasabi kong "I'm happy that you didn't get a line of 7". Maka-82 lang sa Filipino yung teenager kong inglisero, tatalon na ko sa tuwa. Kapag naglinis ng kwarto yung 9-year old ko, instant jaw-drop compliment na "wow ang galing!". Well, in defense, magaling naman talaga kung iisipin mo kasi 9 years old na lalake tapos nagkusang-loob na maglinis ng kwarto. Pupusta ako, hindi na mangyayari to pag teenager na sya.

Palibhasa kasi, noong bata ako, walang ibang cause for celebration kundi top 1. Pag hindi ako nag-top sa klase, wala lang. Naaalala ko yung kaisa-isang beses na naging top 1 ako sa class for 1 quarter. Nagpabili ako sa nanay ko ng plaka ni Lionel Richie at Menudo (vinyl daw sabi ng mga kids ngayon. tangina nyo plaka tawag namin dito). Yun na ang una at huling celebration na natatandaan ko, at hinding-hindi ko makakalimutan yung saya na makinig sa "Hold Me" ng Menudo. Kasi pinaghirapan ko yon.

 Oo pinaghirapan ko yan. Bad trip. Hahaha


Jump muna tayo sandali ng topic, pero sobrang related. Alam nyo ba na ang pinaka-effective na icebreaker ngayon pag may kausap kang Generation X (people with birth dates ranging from the early 1960s to the early 1980s) ay ang tanong na:

"Kumusta ang Millenials sa workplace nyo?"

Grabe. Alam nyo ba na kahit gaano karami na ang mga nakausap ko na ginamitan ng ganitong icebreaker, pare-pareho sila ng reaction?
  • "Average tenure is 2 years"
  • "Spoiled brats"
  • "Gusto nila, boss na agad sila"
  • "Self-entitled"
  • "Parang lahat ng gawin nila, kahit mag-print lang ng isang page... dapat may award"
AAAND we're back to topic.

Dear Gen X'er na nagbabasa nito na nagrereklamo sa mga Millenials,

Noong bata ka pa, malamang wala kang nakuhang award sa school. Noong ikaw na ang nagka-anak, lagi mong sinasabi sa sarili mong "gusto kong iparanas sa mga anak ko ang hindi ko naranasan nung bata pa ako," kaya kahit na 9th honorable mention, proud na proud ka na sa anak mo.
Ngayon, napupuno na ang mundo ng mga self-entitled spoiled brats, huwag kang magalit. 
Because it's all your fault.

Nagmamahal, kapwa Gen X'er

Naisip ko lang, kung yung mga Generation X nagrereklamo na sa pagka-"self-entitled" ng mga Millenials, ano na kaya ang susunod na generation?

To answer this, ngayong mga Millenials na ang mga nagkaka-anak, puntahan natin ang mga preschool "moving up" awards that aim to give the kids a "positive view of themselves":


Obligasyon mo ang pag-share sa kapwa. Hindi kailangan ng award.

Kahit hindi ka Perfect Attendance, CONGRATULATIONS!!!

Uhm...
 Holy crap.


Tuesday, December 29, 2015

Paalam muna, Facebook

Habang papalapit na ang bagong taon ng 2016, iniisip ko kung kakayanin kong mag-log off sa social media, particularly Facebook. Nakuha ko ang idea na to nang "nagpaalam" si Ed Sheeran sa social media via Instagram:

Obvious namang PR move to para sa next album nya, pero kahit paano, tinamaan ako sa mga salitang "... I find myself seeing the world through a screen and not my eyes.."

Marami namang perks ang social media. Isa sa pinakamaganda: lahat ng pictures ng pamilya at kaibigan, nasa "cloud" na. Sa dinami-dami ng baha na dumaan sa bahay namin, dito ako nagpapasalamat, dahil hindi na aabutin ng baha ang pictures sa  cloud (pun intended hahaha)

Pero lately, napapansin kong kung kailan dumating ang technology na madaling nagko-connect sa akin at sa mga kakilala ko, saka pa kami lalong napapalayo sa isa't-isa.

Sa mga reunion at get-together na pinuntahan ko last Christmas, napansin kong nagiging awkward at redundant na ang mga face-to-face conversations with friends and family, dahil lahat na ng updates, nasa social media na.

May naging conversation na ba kayong parang ganito?
Ako: "Uy tol, kumusta na anak mo?"
Siya: "Ayun, top 10 ulit sa klase"
Extra: "Ay oo nga nakita ko pinost mo sa Facebook, ang galing nya. Tapos ang galing pa sa basketball!"

Kasalanan na ata ngayon ang mangumusta kasi halatang hindi ka nagbabasa ng Facebook feed ng mga kaibigan mo. 

May nakatabi kaming table sa isang buffet, hindi nag-uusap ang mga tao, nakatutok lang sa phone. May humirit ng "o picture naman!" at pagkatapos ng picture, may nagsabi ng "oy tag mo ko ha?" tapos balik na sila ulit sa mga telepono nila. Ganito ba ang behind-the-scenes ng mga get-together pics nyo?

Ang pinaka-malala at ang pinaka-ayaw kong effect ng Facebook sa akin ay ang paghihintay ng Likes (Reactions na daw ngayon). Noong una, wala akong pakialam sa Likes. Tumagal naman ang blog na to na wala akong pakialam sa dami ng hits. E di sana tinadtad ko ng ads to, di ba? Sa akin, mai-share ko lang sa mundo ang thoughts ko, masaya na ako.

Paglipas ng panahon, para na akong pusa na hinihimas sa tenga sa bawat Like na matatanggap ng post ko. Unti-unti na akong na-addict sa recognition. Imbis na mag-isip ako ng magandang blog post na maaring magbago ng buhay ng ibang tao, mas concerned na ako sa pag-iisip ng witty one-liner na kukuha ng maraming Likes.

Kaya, paalam muna, Facebook. Hanggang kailan? Si Ed Sheeran, hanggang Autumn 2016 daw mawawala. Ako, hindi ko alam. Kung addiction to, pwedeng-pwede akong mag-relapse. Magche-check pa rin ako ng notifications at event invites. Hindi naman ako mago-offline sa Messenger.

Sa Instagram na lang muna ako siguro magpo-post, kasi kailangan ko pa ring maglagay ng photos sa cloud.

See you soon! 

TLDR para sa mga millenials na may attention span ng goldfish: 
Dahil sa Facebook, imbis na gumanda ang relationship sa ibang tao, lalo tayong nagiging self-centered. Na-addict ako sa vanity, at gusto ko nang mag-"rehab" by logging off.

Thursday, July 09, 2015

Tanders Club of Manila

Last April 28, 2015 ang aking official induction sa Tanders Club of Manila. Nahilo ako sa opisina, at may kakaiba akong naramdaman sa may bandang batok ko. Kinabahan na ako at nagpahatid na sa emergency room ng Medical City. Sa hospital triage, kinuha nila yung vitals, at BAMMMMMM

185/110 daw yung blood pressure ko.

Sa mga walang idea, 90/60 - 120/80 yung normal na blood pressure. 140/90 ang borderline. Lately ko lang nalaman na may chance na pala akong magka-stroke sa taas ng BP ko na yun.

Natawa pa ako nung umpisa at napa-react pa ako ng "seryoso ba yan?" sa nurse na kumuha ng vitals ko. Nung nilabas na nila yung wheelchair para isakay ako, napalitan na ng takot yung tawa ko.


Kita nyo yung pic? Nakapagpahinga na ako nyan, pero 177/103 pa rin yung BP ko.

So, binigyan ako ng doctor sa emergency room ng blood pressure meds for 2 weeks at sabi nya, kailangan ko na raw mag-consult sa cardiologist. After 14 days, dumaan ako sa "Tanders Club Cardio Checkup Package" (urine & blood test, ECG, chest x-ray, 2D echogram, treadmill stress test). Paglabas ng results, ganito yung naging gist ng usapan namin ng cardiologist:

Doc: "Sir, normal naman po kayo sa lahat, except yung weight at sa liver ninyo. Kailangan nyo nang magpapayat at tumigil sa pag-inom."
Ako: "ANO? Doc, pwede bang magpapayat na lang muna, saka ko na tigilan yung alak?"
Doc: "Kayo po bahala, ang sinasabi ko lang eh delikado na yung level ng uric acid sa liver nyo at kailangan nyo nang mag-abstain."
Ako: "Ok po. Ano pong mga pagkain ang kailangan kong iwasan?"
Doc: "Sir, matanda na po kayo para malaman kung ano yung bawal para sa inyo"

(Opo, Verbatim po yung last line. Dapat pag member ka na ng Tanders Club of Manila, tanggap mo ang pagka-tanders mo. Bawal ang in denial.)

Binigyan na ako ng doktor ng go signal para mag-exercise, at sinabi nyang wag munang mag-gamot, na baka madaan pa sa lifestyle change. I-note ko daw ang blood pressure ko pagkagising at bago matulog. Itatanong ko pa dapat kung may ibibigay syang membership ID sa kin para sa Tanders Club of Manila, pero baka saksakin pa nya ako ng scalpel, mahirap na.

Madaling sabihin ang mga salitang "lifestyle change", pero putangina pramis, ang hirap gawin. So far eto pa lang ang mga ginagawa ko:

Exercise:
Bumili ako ng matinong backpack, yung ginagamit na ng mga biker at mountaineer, yung may raincover. Bumili na rin ako ng bagong sports earphones. Imbis na gumastos sa gym, naglalakad na lang ako every Mon-Wed-Fri night papunta sa office at Tue-Thu-Sat morning pabalik ng bahay (panggabi kasi ako). 9 kilometers from Pasig to Makati, 9 km din pabalik.

I call this my "Taong Grasa Cardio Workout".




Progress Tracking:
Nag-install ako sa telepono ko ng Runkeeper para ma-track ang aking Taong Grasa activities. Nag-install rin ako ng MyFitnessPal para ma-track ang kinakain ko, at Withings Health Mate para ma-store ang weight and blood pressure readings.


Diet:
As much as possible, umiiwas na ako sa rice at sa maaalat na pagkain. Di naman ako ipokrito. Kung ikamamatay ko ang sobrang rice at sobrang asin, mas maaga yata akong mamamatay kung hindi na ako magkakanin at hindi na ako kakain ng binagoongang baboy. Kalokohan yon.


Inom:
Umiinom pa rin ako, pero once a month na lang, at madadagdagan pa depende sa dami ng nagce-celebrate ng birthday nila sa buwan na yon.

At ang pinaka-importante sa lahat,

Stress:
  • Hindi na ako nagta-taxi, Uber car na lang ang ginagamit ko. Sa Uber, hindi na ako natatakot kung holdaper o hindi yung driver ko. Hindi ko na kailangang makipagtalo kung saan dapat dumaan. Hindi ko na rin problema yung bayad kasi icha-charge na lang sa credit card ko. Walang hassle, walang stress.
  • Pag sasakay ng jeep or bus, nakikinig na lang ako kay Ella Fitzgerald, Louis Armstrong, Frank Sinatra, at John Coltrane habang nasa byahe. Subukan mo to, siguradong magugulat ka sa soothing effect ng boses ni Lady Ella habang nasa EDSA traffic.
  • Sa trabaho, hindi naman maiiwasan ang stress, pero sa tuwing dumarating ang panahon na kumukulo na ang dugo ko sa galit, pupunta ako sa banyo para mag-toothbrush. Simpleng-simple pero effective na stress reliever ang pagsisipilyo para sa kin.
  • Naglinis ako ng social media:
    • Sa Twitter, nag-pigeonhole ako ng mga fina-follow ko sa kani-kanilang nilang lists. Hindi ko naman kasi kailangang basahin lahat ng brain farts nila sa bawat pag-refresh ko ng feed ko.
    • Sa Instagram, in-unfollow ko na yung mga taong puro "look at me, my life is better than yours" pics
    • Sa Facebook, 
      • nag-unfollow ako ng mga taong walang ibang pino-post kundi reklamo sa mundo.
      • nag-unfollow na rin ako ng mga ubod ng yabang
      • in-unfollow ko na rin yung mga panay ang selfie na hindi ko naman gusto ang pagmumukha
      • tinanggal ko na yung Rappler, Inquirer, GMA News, ABS-CBN News, at Interaksyon sa feed ko. Sa 6 pm news na lang ng CNN Philippines ako kumukuha ng balita
  • Ang kalaban mo lang naman sa social media ay ang FOMO or Fear Of Missing Out, kaya imbis na mag-aksaya ng oras sa Facebook, nakikipag-daldalan na lang ako sa mga kaibigan ko sa Viber group namin. Hindi mo na kailangang mag-refresh nang mag-refresh dahil kusang dadating sa yo ang kwentuhan, therefore, walang mami-miss out. Isa pang malaking difference: sa Facebook, maraming judgmental na lurker. Sa Viber, alam mo nang judgmental yung mga kausap mo, pero since magkakaibigan naman kayo, masaya ang kwentuhan.


Malayo pa ako sa ideal weight at ideal waistline. Maraming kilo pang steamed fish ang kakainin at marami pang taong grasa activities ang kailangan kong gawin. Dahil sa taong grasa activities, hindi nakakain ng exercise ang oras ko para sa pamilya. Hindi rin araw-araw ang pag-commute. Mas nama-manage ko na nang mabuti ang stress sa work. Mas masaya pa ako ngayon dahil hindi natatapos ang araw na hindi kami nagkakatawanan ng mga kaibigan ko.

And so here I am, a proud member of the Tanders Club of Manila. 73 days after ng pagsugod sa akin sa E.R., and 65 days after ng last intake ko ng blood pressure meds:










Friday, April 10, 2015

Si Kuyang Uber Driver Mula Sa Tacloban

Kumuha ako ng Uber para ihatid ako pauwi galing sa opisina kanina. Pagsakay ko ng kotse at pagkasabi ko ng destination namin, sinabi ng driver sa akin,  

"Ser, paki-guide na lang po ako. Bago lang kasi ako dito sa Maynila."

"Sige po Kuya, no problem. Saan po ba kayo galing?"

"Tacloban po, ser."

Napatigil ako. Naramdaman rin siguro ni Kuyang Driver na may gusto akong itanong sa kanya pero nagdadalawang-isip ako. Itinanong ko na rin, at nalaman kong kabilang ang pamilya nya sa mga na-displace ng bagyong Yolanda. Kasama nyang lumipat dito ang kanyang asawa, 9-year old na anak, at kanyang ina. Wala naman daw namatay sa pamilya nila.

Sinimulan nyang ikwento sa kin kung paano nya niligtas yung mag-ina nya.

"Ser, nung huli, wala ka na talagang magagawa. Nawasak na yung bahay namin. Nakadapa na lang kami sa sahig, akala ko talaga katapusan na. Sinasabi ko na lang na kahit ako na lang yung kunin, wag lang yung asawa at anak ko."

Napansin kong hindi nya nababanggit ang mga salitang "dasal", "salamat sa Diyos" o "sa awa ng Diyos" na karaniwang ginagamit ng mga may pinagdaanan sa buhay, at nakaligtas. Nakalimutan lang ba nya? May galit ba sya? Hindi ko alam.

Gusto ko sanang itanong kung ano ang pumapasok sa isip nya tuwing lumalabas yung salitang "SURGE" sa Uber driver app nya. Matutuwa ba sya kasi dagdag na kita, o maaalala nya yung sinapit nya noon sa storm surge?

Kinwento rin nya ang buhay nila paglipat dito. Naninibago pa rin daw sya sa Maynila. Sa Tacloban daw, walang barumbadong driver. Hindi sya ina-agrabiyado ng boss nya. Simple lang daw ang buhay. Sabi ko na lang,

"Kuya, kung si Yolanda nga, nalampasan ninyo e. Sisiw na sisiw na lang ang Maynila. Basta sipag lang at wag kayong magpapalamang kahit kanino, aasenso kayo. Tiwala lang. Hindi na po kayo biktima dito. Kayo na ang bida."

Pag-uwi ko sa bahay, niyakap ko yung misis ko, tapos dun na ako naiyak. Luha siguro ng pasasalamat na nandito pa sila sa piling ko, na may bubong sa ibabaw ng bahay namin, na wala pa kaming pinagdaanang matinding sakuna.

Paglabas ng Uber receipt sa telepono ko, binigyan ko ng 5 stars si Kuyang Driver sa "Rate Your Ride": 5 stars para sa safety at convenience ng biyahe ko pauwi.

5 stars din para sa tibay ng loob nya upang magpatuloy at muling itayo ang tahanang winasak ng bagyong Yolanda

Thursday, March 12, 2015

Taxi

Pag hinahanap mo, wala. Pag di ka nakatingin, biglang dadating. Pag gustung-gusto mo, nagpapataas ng presyo. Pag Pasko, dapat hindi bakante. Pag Valentine's naman, nakapila sa motel.

Ngayon, may mga app na mada-download para malaman mo kung sino ang available sa paligid mo.

Ipagkakatiwala mo ang buhay mo sa taong di mo kilala. May mabait, may barumbado. May matalino, may tanga. Minsan matatapat ka sa manloloko. Minsan, nakasakay ka pa lang, yung susunod na pasahero na ang inaatupag.

Maiinis ka pag babagal-bagal. Pag sobrang bilis naman, matatakot ka.

Mas magandang sa umpisa pa lang, alam na nya kung saan mo gustong pumunta, at yung gusto mong daan. Gumaganda ang biyahe pag nag-uusap kayo. Malas mo na nga lang pag natapat ka sa ubod na mareklamo.

Ganyan talaga pag sumasakay ka ng taxi. Parang lovelife mo lang.

Habang tumatagal, lalo kang mapapamahal. Pero kahit gaano pa katagal o kabilis ang biyahe, kailangan mong magbigay ng minimum. Minsan nga sobra-sobra pa ang ibibigay mo, pero para di ka magalit, wag ka na lang maghintay na suklian ka pa.

Sa huli, kung maghihiwalay na kayo at hindi ka naman nasaktan, magpasalamat ka sa kanya.

Dahil wala ka sa kinatatayuan mo ngayon kung hindi kayo nagkita.

Wednesday, December 17, 2014

Bayad Utang

"Alam nyo na ang gender ng baby sa tiyan ni misis?"

"Oo pre. Girl daw sabi ng doktor."

"Ayun o! Pambayad utang!"

Hindi ka siguro Pilipino kung hindi mo pa naririnig ang ganitong usapan. Ang anak na babae ay binigay ng tadhana ("karma" so to speak) upang pambayad sa pagpapaiyak, pambayad sa panloloko, pambayad sa pananakit ng ama sa mga past relationships nya.

Natanggap ko ang ganitong mga pagbibiro noong ipinagbubuntis ni misis ang baby girl namin. Tuwing ia-announce ko na girl ang magiging bunso namin, automatic na yung reaction na "ALAM NA KUNG BAKIT GIRL!"

Naiisip ko minsan, tama yung biro na yun e. Halos mabaliw na ako ngayon kakaisip kung paano ko babantayan ang anak ko kapag lumaki syang kasing ganda at kasing bait ng nanay nya. Imbis na mag-aral ng ballet, papaaralin ko sya ng Krav Maga, Aikido, Taekwondo, tsaka Brazilian Jiu-jitsu. Nagbabalak na rin akong makipagkilala sa mga riding-in-tandem guns-for-hire para alam ko kung sinong lalapitan pag may lalaking nagpaiyak sa kanya. Tumigil na nga akong magyosi para lang madagdagan ang oras ko sa mundo, para lang mabantayan sya.

Dahil natatakot akong may makilala syang tulad ko noon.

Pero lahat ng takot na to ay mabubura ng isang simpleng "Hi Daddy!". Big smile. Round eyes. Pigtails. Sugar and spice and everything nice. Titigil ang mundo sa sobrang tuwa. Biglang may tutugtog sa isip ko
"...with all that I've done wrong, 
I must have done something right
To deserve a hug every morning
And butterfly kisses at night"
Ang ganda namang pambayad utang nito. Sino ba talaga ang may utang? Ako ba yung nagbabayad, o ako yung nabayaran?

Natutunaw lahat ng problema ko sa mundo kapag yumakap na sya sa kin at hahalik sa pisngi ko. May kakaibang glow sa mukha nya kapag may bago syang damit at isusuot nya para makita ko. Minsan, hindi sya makakatulog kapag hindi sya nakasiksik sa akin. Kapag nakakita sya ng ipis, tatakbo sya sa kin at magsusumbong. At parang si Leonidas sa 300, susugurin at papatayin ko yung walanghiyang ipis na tumakot sa mahal ko.

Ramdam na ramdam ko na "a father is a daughter's first love". 

Tuwing katabi ko sya sa pagtulog, marami akong sinasabi sa kanya sa isip ko. Nangangako akong hindi nya ako makikitang maninigarilyo o umiinom hangga't kaya kong iwasan. Hinding-hindi ako mawawala sa tabi nya para i-celebrate ang mga milestones sa buhay nya, kahit gaano pa kaliit. Ililibot ko sya sa Pilipinas, at sa buong mundo. Hindi nya ako makikitang mababaon sa utang. Kung magkaproblema man kami ng mommy nya, o kung may mga hindi maiiwasang paghihirap sa pamilya, logic ang paiiralin namin at magfo-focus kami sa solution, hindi sa drama.

Dahil bilang "first love", gusto kong ako ang gagawin nyang standard sa kung ano ang magiging gusto nyang qualities ng boys. Dapat lahat ng magiging ka-relasyon, at ang mapapangasawa nya, matatapatan o mahihigitan ang mga nagawa ko para sa kanya.

Hindi ibinigay ang mga baby girl para magbalik-tanaw ang mga ama sa mga kalokohan nila noong nakaraan. Dumating sila na parang alarm clock ng buhay, na nagsasabing

"Pare, oras na. Become the man you're destined to be."

Monday, September 15, 2014

I love Pilipinas

Bumisita ako ulit ng Singapore. Kasalukuyan kong sinusulat sa bus stop to habang hinihintay ang sasakyan ko papuntang mall. Sabi kasi sa app nila, 19 minutes pa daw bago dumating yung bus.

Let it sink in. Sa bus stop lang tumitigil ang bus. May sinusunod na schedule. Sa app mo malalaman kung anong oras dadaan yung sasakyan mo.

Tulad ng lahat ng Pilipinong dumadalaw ng ibang bansa, di ko mapigilang magtanong ng "bakit hindi ganito sa Pilipinas?" at kasunod nito ay ang walang katapusang paglilista ng mga bagay na ikinagagalit ko. Bulok na public  transportation system, bulok na traffic enforcement, mga bobong driver. And the list goes on.

Halos tatlong taon din akong nagtrabaho noon sa Singapore. Noong simula, nasabi ko sa sarili ko na "Hallelujah nakatakas na rin sa bwakananginang hell hole na Pilipinas! Pakyu mga tarantadong pulitiko!" Pero lumipas ang mga taon, unti-unti kong naramdaman,

Gusto ko nang bumalik sa Pilipinas.

Parang may gelpren ako na sobrang tagal ko na ka-relasyon, tapos napapansin kong hindi na ako masaya. Sinabi ko sa kanya, "Gusto ko ng space. Cool off muna." Lumayo ako, nakipag-date sa iba't-ibang gerls. Pero pagtagal eh nagtataka na  ako kung bakit hinahanap-hanap ko yung wrong grammar nya, yung baho ng hininga nya pagkagising sa umaga, yung amoy ng kili-kili nya pag di sya naligo buong araw.

Tulad ng mapagkumbabang ex na nakikipagbalikan sa kanyang gelpren, bumalik ako sa Pilipinas. At ngayon, alam ko na ang ibig sabihin ng cliché na "love is sweeter the second time around".

Naiinis pa rin ako sa traffic at sa instant taong grasa makeup na ibibigay sa yo ng EDSA. Naiinis pa rin ako sa mga barker ng jeep na pilit pinapagkasya ang 20 katao sa jeep na pang-14 lang ang upuan. Napipikon ako sa mga balita sa TV, na mas binibigyan pang halaga ang lovelife ng kung sinong artista kesa mga balitang makakatulong sa pag-unlad ng kabuhayan ng mga tao. Pero naiinis man ako, mas malaki na ang pagmamahal ko sa bansa para maapektuhan pa ako ng mga bagay na to.

Sigurado akong marami sa atin ang nagsasabing, "mahal ko ang Pilipinas, pero kung hindi maaayos ang gobyerno, sa ibang bansa na lang ako" o kaya "mahal ko ang Pilipinas, pero ayokong dito lumaki ang mga anak ko"

Bago ako maging OFW, ganun ang nasasabi ko, laging may kadikit na "pero" ang "Mahal ko ang Pilipinas." Pagbalik ko ng bansa, nagulat na lang ako na "kasi" na ang kadikit nito.

Mahal ko ang Pilipinas kasi masarap ang lechon, crispy pata, kare-kare, binagoongan, pakbet, at dinuguan na luto dito.

Ay baket ba gay-on ang lechon na ire?
Mahal ko ang Pilipinas kasi kahit kailan ko gusto, mapapanood ko sa mga gig nila ang mga paborito kong bandang Sandwich, Pedicab, Pupil, Urbandub, Parokya Ni Edgar, Peryodiko, at si Barbie Almalbis.

Mahal ko ang Pilipinas kasi mas masayang manood ng iba pang local channels bukod sa ABS-CBN. Walang mga dokyu ng GMA News TV, Eat Bulaga, tsaka PBA sa TFC.

Mahal ko ang Pilipinas kasi mas masaya ang mga kiddie parties dito na pinupuntahan ng mga anak ko (lalo na pag Jollibee kasi libre ang Chickenjoy at spaghetti hehehe)

Mahal ko ang Pilipinas, kasi gusto kong dito  lumaki bilang Pilipino ang mga anak ko. May angas, natural na komedyante, may diskarte sa buhay, may pagmamahal at paggalang sa nakatatanda.

Mahal ko ang Pilipinas. Kasi Pilipino ako, sa isip, sa salita, at sa gawa.

Saturday, August 09, 2014

The UP Bonfire and 3 Secrets to A Happy Life

Para sa mga walang idea kung ano ang "UP Bonfire":

  • Una, ang "bonfire" ay isang activity ng Ateneo De Manila University para i-celebrate ang kanilang "tradition of winning" tuwing may nakukuha silang championship. Keyword: CHAMPIONSHIP.
  • Pangalawa: Ngayong araw na to nanalo ang UP Fighting Maroons laban sa Adamson Soaring Falcons, na tumapos sa 27-game LOSING STREAK ng Maroons. Yung huling panalo daw ng UP e nung Aug 19, 2012 pa, nung tinalo nila ang University of the East, 63-48.

Hence, UP Bonfire.

Source: Philippine Collegian

"Parang tanga tong mga taga-UP no? Nanalo lang ng isa sa UAAP, hindi pa ganun kalakas ang kalaban nila, nag-bonfire na!"

Sigurado naman akong may Atenistang magsasabi sa yo na "hindi naman necessarily championship ang dahilan ng bonfire. Dude, chong, it's a symbol for the fighting spirit. One Big Fight, pare!"


Pero tama na yan. Kids, marami kayong matututunan sa UP Bonfire na to. Meron ditong nagtatagong 3 secrets to a happy life.

Isipin mo, talong-talo ka buong buhay mo, pero dumating yung one chance to tell the world na "tangina! kaya ko to!", tapos nanalo ka! Kung napanood mo na ang Rudy, Karate Kid, Mighty Ducks, o kaya Rocky, alam mo ang sinasabi kong "one chance" na to.

Yun nga lang, hindi naman mala-Apollo Creed yung kalaban ng UP Fighting Maroons dito. More of Bobby Pacquiao lang. Ang totoo nyan, laban ito ng dalawang kulelat sa standings. 0-6 ang UP, 0-5 ang Adamson. Pero, to quote the wisdom of one of the greatest philosophers of our time, si Vin Diesel:

"It don't matter if you win by an inch or a mile. Winning's winning." - Dom, Fast and the Furious (2001)

Nanalo ang kulelat na UP sa kulelat na Adamson? Mag-bonfire! Pasang-awa ka sa exam sa math? Padagdagan mo ng pearl ang milk tea na lagi mong inoorder! Nasabihan ka ng boss mo ng "good job"? Umorder ka ng calderetang baka at extra rice sa suki mong jollijeep! Naka-80% sa report card ang anak mong laging line of seven ang grade? Bigyan mo ng extra 1 hour sa paggamit ng internet sa bahay!

1st secret to a happy life: Celebrate even the smallest wins.

Kapag nagce-celebrate ka ng smallest wins, magfo-focus ka sa paghahanap ng mga positive na pangyayari sa buhay mo. At hindi rin naman maiiwasang ma-addict sa thrill of victory. Tulad lang ng pagsabay sa Twitter trend ng #UPBonfire ang tanong na "ano nang gagawin natin pag nanalo ulit ang UP?"

Ang UP Fighting Maroons, masakit mang tanggapin para sa mga taga-UP, eh palaging natatalo. Kaya wag kang mag-expect na dahil lang sa isang panalong to, sunud-sunod na ang wins nila.

2nd secret to a happy life: Always lower your expectations.

Kung may kaibigan kang utang nang utang sa yo pero hindi naman nagbabayad, wag mo nang i-expect na bigla na lang syang lilitaw at babayaran lahat ng utang nya. Kung may kapatid kang sunud-sunod ang mga gelpren na panget na ang mukha, masagwa pa ang ugali, wag kang mag-expect na isang araw magiging gelpren na nya si Taylor Swift. Pwede kang mangarap, wag ka lang umasa.

Wala rin sigurong panget na movie kung hindi ka magpapadala sa ratings ng IMDB at Rotten Tomatoes. Lahat siguro ng restaurant, magugustuhan mo ang pagkain kapag hindi ka nagpapadala sa opinion ng mga food bloggers, or wala kang standard na lasa na pwede mong basis for comparison.

Kung alam mong pupunta ka sa isang government office para mag-asikaso ng papeles, mag-prepare ka para sa whole day ng paghihintay. Extreme na siguro to, alam ko naman na may hangganan ang pasensya mo. Ang sinasabi ko lang eh babaan ang expectations mo para hindi ka ma-stress, therefore happy life.

Mase-stress ka lang kasi sa mga bagay na wala kang control over. Kelan ka ba nawindang kasi under control mo yung situation? Laging ang mga bagay na wala na sa mga kamay natin ang nagbibigay ng takot.

Which brings me to the 3rd secret to a happy life. Sa gitna ng hype nitong UP Bonfire, humirit ako sa Facebook ng "nanalo na ang UP, single ka pa rin."

At ang napakahusay na sagot ng nag-comment:

"Kung UP nga nanalo, e di may pag-asa pa ako."



Thursday, July 31, 2014

Homophobic Blog Entry

Naaalala ko yung sinulat ko noon tungkol sa CR Para Sa Mga Bakla. To summarize the blog entry, nag-CR ako minsan, tapos napansin ko na habang jumi-jingle ako, nakasilip sa ari ko yung nasa kabilang urinal. Nagalit ako, at sinabi kong dapat may sariling CR ang mga members ng "third sex".

Niyari ako nang husto sa comments ng blog entry na yon, na nasa linya ng "ignorante", "bobo", "bigot", at kung anu-ano pa. Binasa ko sya ulit ngayon at tingin ko, may point pa rin naman yung sinulat ko. Yun nga lang, hindi sya issue ng kabaklaan.

Issue sya ng morality. Pamboboso yon, nagkataon lang na "homecourt" ang men's CR kaya mas accessible. Nagalit ako sa paggamit ng mga manyak na bakla bilang advantage ang makapasok sa banyo ng mga lalaki. Walang pinagkaiba sa manyak na straight na lalaki na nagdamit babae para makapasok sa Women's CR para mamboso.

Oo, inaamin ko, homophobic ang blog entry ko na yon. Magalit ka na sa akin kung magagalit ka, pero pananaw ko yun noong panahon na yon at hinding-hindi ko na maaring baguhin ang nakaraan.


What else should I say? Everyone is gay.
Isa ako sa maraming Pilipinong pinalaki ng mga magulang na umiwas sa mga bakla. Sa inyong mga bading na galit sa mga tulad naming pinalaki na homophobic, sana maintindihan nyo rin na hindi ganoon kadaling magbago ng pananaw sa buhay. Kung ipinanganak ang isang tao sa Katolikong pamilya, bininyagan bilang Katoliko, lumaki bilang Katoliko, hindi mo mae-expect na magbago sya agad-agad ng pananaw at tanggapin lahat ng itinuturo ng mga born again o kaya ng Iglesia Ni Cristo.

Pero, paano ba tanggapin ang mga bakla sa lipunan? Kasing simple lang ba sya ng hindi mandiri kapag nakakakita ng picture, video, or actual na halikan ng dalawang lalaki? Honestly, hindi ko pa rin kakayaning makakita ng ganun. Natanong ko to dahil makalipas ang ilang taon mula noong sinulat ko yung blog entry na yon, napansin ko naman na nagbago na rin ang tingin ko sa mga bakla, at hindi ko alam kung yun ba ang tamang "pagtanggap" sa kanila:

Noon, ipinagdadasal ko na sana hindi maging bading ang mga anak kong lalaki. Ngayon, kapag tinanong na ako ng "anong gagawin mo pag nagkaroon ka ng anak na bakla?" ang sagot ko e "ok lang yun, sigurado akong may mag-aalaga sa akin hanggang pagtanda ko parang pagmamahal ni Boy Abunda sa nanay nya."

Noon, iniisip ko na salot sila sa lipunan. Ngayon, iginagalang ko ang bigat ng impluwensya nila sa kultura. Marami sa mga mahuhusay na pelikula ay gawa nina Jose Javier Reyes, Lino Brocka, Joel Lamangan, Brillante Mendoza, at Ishmael Bernal. Nito ko rin nga lang nalaman na bakla si Maryo J. de los Reyes, ang direktor ng dalawa sa mga pinakapaborito kong Pinoy movies of all time, yung "Bagets" at "Magnifico". Pero hindi ko kino-consider na "magaling silang direktor, kasi bakla" kundi "magaling silang direktor, period".

Minsan, may mga malalaking kontribusyon sila sa kultura na hindi ko nagugustuhan, tulad ng mga walang prenong patawa ng mga bading na stand up comedian tulad ni Vice Ganda. Pero noong panahon ko naman, marami ring nandidiri sa humor ni Joey De Leon, at kahit hindi gusto ng iba, tuwang-tuwa pa rin ako sa kanya. Kaya hindi na rin sya usapang "kadiri yung humor, kasi bakla" kundi "kadiri yung humor, period".


Noon, umiiwas ako sa bakla na parang may nakakahawa silang sakit. Ngayon, hindi pwedeng hindi ko yayain ang mga beki friends ko sa inuman. Nalulungkot pa nga ako pag hindi sila nakakapunta, kasi parang patay yung party kapag wala sila.

Noon, akala ko, walang kwentang makipag-usap sa mga bakla dahil wala silang ibang alam na pag-usapan kundi ang makakita ng malalaking etits. Ngayon, hindi ko na naiisip to dahil isa sa mga pinakamagaling kong narinig magbigay ng advice ay bakla. Kapag humingi ka sa kanya ng payo (hindi pera ha), sasabihin niya sa yo ang tama at totoo, hindi lang yung mga salitang gusto mong marinig, para matauhan ka.

Noon, kinakabahan na ako kapag may bakla sa CR ng mga lalaki. Ngayon, sa mga salita nila, keri na lang.  Nawala na yata ang takot ko dahil ngayon, mas matindi na ang respeto ko sa mga kakilala kong bakla. 

Pero may kinakatakutan pa rin naman ako sa CR na tingin ko hinding-hindi ko maiintindihan kahit na kailan.

Mga hindi marunong mag-flush.

Wednesday, July 30, 2014

Sa Mga Bagong Tatay At Magiging Tatay Pa Lang

Hindi ko alam kung anong meron ngayong taon na to pero parang maraming nabuntis at may mga nanganak na. Sa inyong mga bagong tatay at soon-to-be tatay, pagbigyan nyo na ako at hindi ko mapigilang mag-share ng knowledge mula sa experience na (here comes the cliche) mahirap pero sobrang sulit at saya:

  1. Humingi na agad sa mga kaibigan ng recommendations para sa pediatrician. Hindi reliable ang internet sa ganitong mga desisyon. Ang pedia ang magiging best friend nyo sa unang tatlong taon ng anak ninyo. Choose your best friend wisely.
  2. Bago manganak, i-encourage nyo si misis na mag-breastfeed. Humingi rin ng payo sa OB/Gyne or sa magiging pediatrician ninyo tungkol sa breastfeeding. Para saan? Ganito: pumunta ka sa pinakamalapit na supermarket. Tingnan mo kung magkano ang pinakamahal na infant formula. Multiply mo yung presyo by 4. Yan ang matitipid mo per month sa pag-breastfeed.
  3. Huwag masyadong gawing reason ang "minsan lang sila maging bata", unless may balak kayo na sundan sya agad at mag-recycle. Namomroblema kami ngayon sa storage space dahil sa mga lumang laruan, damit, at sapatos na hindi na nagamit after a few months. Mabilis silang lumaki, kaya hinay-hinay lang sa pagbili.
  4. Habang baby pa lang sya, pumili na kayo ng 3-5 songs na kakantahin ninyo sa kanya na lullaby. Malaking tulong ito lalo na pagdating ng age 2-3. Pag binuhat nyo na sya at kinanta ang "pampatulog playlist" ninyo, alam na nya na sleeping time na at kusa na syang yayakap sa inyo. Yung anak kong 8 years old na ngayon, yung playlist nya mula nung baby pa sya, kinakanta ko pa rin hanggang ngayon sa kanya:
  5. Pansin ko lang, ang unang natututunan ng bata pag natuto na syang tumayo at lumakad ay ang tumakas sa kung ano mang "kulungan" nya (crib, playpen, etc). Siguraduhin ninyong safe ang babagsakan nya kung sakaling maging successful ang prison break nya.
  6. Bonggang 1st birthday party? Sige kung may pera kayo. Di ko lang gets yung mga 1st birthday party na sobrang bongga. Para sa anak nyo ba yan o para sa inyong mag-asawa kasi naka-survive kayo ng isang taon na pagod at puyat sa kakalinis ng pwet at kakatimpla ng gatas?

Last but not the least, ilayo nyo sila sa negativity. Kung nagsisigawan kayong mag-asawa, wag kayong magsigawan sa harap nya. Kung nanonood kayo ng telenobela sa TV na puro sigawan, o balita na puro patayan at krimen sa Quezon City, hinaan ninyo ang volume. Bago man lang sila ma-expose sa reality ng Pilipinas, iregalo nyo na sa kanila ang mga unang taon ng buhay nila na punung-puno ng pagmamahal at saya.

Stock image ba to? Hindi ko alam e. Hahaha